Chapter 10

10.8K 113 0
                                    

My Fake Wife
By: CatchMe

Chapter 10


"MISS, meron pa bang ibang exit door maliban sa pintong ito?" tanong ni Carmilo sa receptionist na itinuro ang glass door na nasa kanyang harapan.

"Wala na po, Sir. Dito na po pumapasok at lumalabas ang lahat ng mga employee."

Nagpasalamat siya sa receptionist at tiningnan ang suot na relo. Sampung minuto na siyang nakatayo sa harapan ng reception area at hindi pa rin nakababa ang babaeng kanyang sadya.

"James, hintayin mo nalang ako sa kotse," lingon niya sa kasamang binata.

Agad naman itong tumalima at yumuko muna bago lumabas ng building. Pumihit siya paharap sa hagdan para makita kaagad niya ang babaeng lasengga 'pag bumaba na ito. Pero naagaw ang kanyang pansin ng may isang babaeng lumapit sa poste na tila may kinakausap.

Hindi sana niya papansinin iyon, pero may hinila ito. Ganoon na lamang ang pagkunot ng kanyang noo nang makita ang babaeng lasengga ang nasa likod ng poste. Kaya naningkit ang kanyang mga matang nilapitan ito.

Kitang-kita niya ang panlalaki ng mga mata nito nang makita siya na papalapit doon. At gusto pa yata siyang takasan nang pilit itong makawala sa pagkakahawak ng babaeng humila rito mula sa likod ng poste.

"Where do you think your going, huh?" agad na tanong niya nang malapitan ito. Marahas pa niyang hinawakan ito sa braso na ikinabigla ng dalawang dalaga.

DAMN!

Mariing napapikit si Izabelle nang maramdaman ang paghawak ng binata sa kanyang braso. Napakagat pa siya ng kanyang pang-ibabang labi dahil sa hindi alam ang gagawin sa harap nito.

Nataranta na siya.

"Hey! Teka, ikaw si Carmilo Calsado 'di ba?" si Sonia na nagliwanag ang mukha.

Napilitang napamulat si Izabelle at sumalubong sa kanya ang naniningkit na pares ng mga mata ng binata na mas lalo pa yatang hinigpitan ang pagkakahawak sa kanyang braso.

"T-teka, n-nasasaktan ako," reklamo niyang pilit binabawi ang braso mula sa mahigpit na pagkakahawak nito.

"I don't care! 'Cause you owe me a lot of explanation!" singhal nitong hinila siya palabas ng building.

"Hey! Teka lang! Carmilo, hello!" pasigaw na habol pa ni Sonia sa kanila.

"Teka! Pwede dahan-dahan lang?" piksi niya sa binata. Ngunit hindi siya nito pinakinggan. Bagkus ay patulak siya nitong pinasakay sa kotse nito nang pagbuksan sila ni James ng pinto. "Wow! Ang gentleman mo naman!" pasaring niya dito. Ngunit matalim na tingin ang ipinukol nito sa kanya. Kaya wala siyang nagawa at napilitan na lamang siyang sumakay sa kotse nito.

HABANG nasa biyahe ay hindi mapalagay si Izabelle. Ang puso niya ay nababalot ng kaba dahil sa galit na nakikita sa mukha ng binata. Kailangan niyang mag-isip kung ano ang sasabihin niya rito. Pero hindi naman siya makapag-isip nang maayos dahil sa kabang nararamdaman.

Hah! Amyra Izabelle! Mag-isip ka!, singhal niya sa sarili.

Gusto niyang kausapin ngayon din ang binata. Pero wala namang katagang lumalabas sa kanyang labi. Wah! Nasaan na ba ang tapang niya? Bakit biglang nawala at ngayon ay takot na ang pumaibabaw sa kanya? Well, matapang lang naman siya kapag alam niyang tama siya. At naduduwag naman siya kapag alam niyang siya ang mali.

Pagkaraan ng ilang minuto ay huminto sila sa harap ng Golden Crown Hotel.

"Anong gagawin ko dito?" lingon niya sa binata nang makababa ng kotse nitong Porsche.

"Kailangan mong bawiin ang kasinungalingan mo sa harap ng media!"

"M-media?" nagugulumihanang turan niya. "What do you mean?"

"Naghihintay ang media sa opisina ko. Para marinig nila mismo mula sa labi mo na walang katuturan ang mga pinagsasabi mo!" anitong hinawakan siya sa braso at hinila papasok sa hotel.

"Teka, teka lang!" bawi niya sa kanyang braso. Haharap daw sila sa media? Oh my goodness! Katapusan na ba niya? Tuloy lalo siyang kinabahan. Tiyak na mas lalo siyang mapapahiya sa kanyang kagagawan. Kailangan niyang makawala mula sa binata. Hindi pwedeng malaman ng kanyang pamilya ang kanyang kasinungalingan. Tiyak na mas lalo siyang kaawaan ng mga ito. Pero anong gagawin niya?

Argh! Mababaliw na yata siya.

"Good afternoon, Mr. President!" sabay-sabay na bati ng mga empleyado nang tuluyan na silang makapasok sa hotel.

Lahat ng mga mata ng mga empleyado at mga guest ay nakatutok na yata sa kanila. Halos matunaw naman siya sa sobrang hiya at hindi niya alam ang gagawin sa mga oras na iyon.

Mag-isip ka Izabelle! Mag-isip ka bilis!, dikta ng kanyang utak nang marahas siyang hinila ng binata papasok sa elevator.

"Wait!"

Napilitan ang binatang pigilan ang pagsara ng elevator nang may nagmamadaling babaeng guest na pumasok para sumakay.

Sexy ito. Nakasuot ng white tube top at black mini-skirt with 3 inches high heels.

Sinamantala niya ang pagkakataon. At bago pa man magsara ang elevator ay marahas niyang hinipo ang puwet ng babae sabay pigil sa pagsara ng elevator.

"Bastos!"

Malakas na lumagapak ang palad ng babae sa mukha ng binata. Dahilan ng pagkakagulo sa loob ng elevator.

"What the--- hey!"

Sapo ng binata ang mukha nito nang mabilis siyang lumabas sa elevator. Halos tumakbo na siya palabas ng hotel nang marinig ang boses ng binatang tinatawag ang kanyang pangalan. Agad siyang sumakay sa kakahinto lang na taxi at kinausap ang driver.

"Mama, alis na tayo. Bilis!" natataranta pang utos niya sa driver. Nakita pa niya ang binata na nakalabas na ng hotel bago tumakbo ang taxi paalis sa harapan ng hotel.

My Fake Wife (2nd Version) Complete Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon