Chapter 15—Love sick.
Sobrang lakas ng ulan at hirap na hirap umangos ang sasakyan ni Elmo—dahil na rin sa baha. Hindi pa nagtagal ay tuluyang huminto ang sasakyan ni Elmo.
“Sh*t!” wika ni Elmo sabay palo sa manibela.
“Ano nangyari?” tanong ni Julie.
“Napasukan ata ng tubig yung radiator.”
“Eh, pa’no na?”
“Teka, bababa ako.”
“Ano gagawin mo?”
“Ano pa, eh ‘di aayusin yung sasakyan.”
“Umuulan kaya.”
“Eh, kesa naman ma-strand tayong dalawa dito.”
Hindi na naka-imik pa si Julie. May point ka nga naman.
Bumaba nga si Elmo ng sasakyan at sinuong ang ulan upang maayos ang sasakyan. Nasa loob lang si Julie at nag-aalala—kung paano sila makaka-alis doon at baka kung mapano si Elmo.
Maya-maya ay sumakay muli si Elmo—basang-basa—upang subukan paandarin ang sasakyan. Matapos ang ilang beses na pagsubok ay napaandar din niya ito, pareho silang nakahinga ng maayos ni Julie.
“Sa wakas.” Sabi ni Elmo.
“Basang-basa ka.” Sabi ni Julie—pilit na itinatago ang pag-aalala.
“Ililigo ko na lang ‘to.”
Tumango na lang si Julie—nag-aalala pa rin siya na baka magkasakit si Elmo.
—;—
Nakarating ng maayos sina Julie at Elmo sa bahay nila Julie. Pinapasok muna ni Julie si Elmo upang makapagpalit—bagaman ayaw ni Elmo.
“Jusko, anak!” nag-aalalang sabi ng mama ni Julie. “Ano nangyari?"
“Nasiraan po kasi kami on the way.” Sagot ni Julie.
“Nako, iho, basing-basa ka!”
“Okay lang po ako tita…”
“Ano bang okay! Matutuyuan ka niyan, hailika, ma-upo ka diyan—turo sa sofa—at hahanapan kita ng pwedeng maisuot na damit…Julie, asikasuhin mo muna si Elmo, ha.”
Tumango si Julie.
Napansin ni Julie na tila balisa si Elmo at tila may hinahanap—alam na niya agad kung sino.
“Hinahanap mo si Princess?” tanong ni Julie.
Nagulat si Elmo. Nag-aalinlangang tumango.
“…baka natutulog na. napagod sa kakalaro.”
Tumango si Elmo. Sayang.
“Teka lang, ipagtitimpla kita ng mainit na kape.”
“Wag na.” pigil ni Elmo—hinawakan ang pulsuhan ni Julie.
Napatitig sila pareho sa kamay ni Elmo na nakahawak kay Julie. Agad din namang inalis iyon ni Elmo.
“…O-okay lang…hindi na kaylangan.”
“Magkakasakit ka kung ‘di ka maiinitan. Sandali lang ako.”
Naglakad na nga si Julie papunta sa kusina. Naiwan si Elmo sa sala. Nagmamasid-masid siya sa paligid nang mapansin niya ang picture nila Julie at Princess. Kinuha niya ito at tinitigang maigi. Nangiti si Elmo—natutuwa siya sa pagiging malapit ng mag-ate sa isa’t-isa tila ba mag-ina sila at hindi magkapatid.
Ang cute nila. Parang mag-ina.
—;—
Halos sabay dumating si Julie at ang mama niya—nauna lang ng ilang segundo si Julie.
“Nako, pagpasensyahan mo na itong damit na nakita ko Elmo, ha. Alam mo naman ang papa ni Julie. Big size. Yan na talaga yung pinakamatino at maliit na damit niya, e.”
“Nako, okay lang po. Nakakahiya nga po, e. Salamat po.”
“Aysus. Para namang iba ka sa amin.”
Nangiti si Elmo.
Nangiti ang mama ni Julie. ”Siya nga pala, sa tingin ko mas makakabuti kung dito ka muna magpalipas ng gabi…masyadong malakas yung ulan mamaya kung ano pa mangyari sa’yo sa daan.”
Parehong nagulat sina Elmo at Julie.
“Ho? Ay, hindi po. Okay lang po ako.”
“Hindi, ano ka ba. Isa pa, pasasalamat ko na rin yun para sa paghatid mo kay Julie ng maayos dito sa bahay, nabasa ka pa, o.”
“Wala po yun…”
“Kaya nga dito ka na magpalipas ng gabi, o kaya kapag tumila na yung ulan. Sa ngayon, dito ka muna.”
“Eh…abala po yun sa inyo.”
“Hindi yun abala. Tulong pa nga yun, e. Madaling araw kasi madalas umuuwi ang papa nito si Julie kaya wala kaming kasamang lalaki, eh, atleast ngayon andiyan ka.”
Napa-isip si Elmo.
“Sige na, iho…”
“…s-sige po…”
Ngumiti ang mama ni Julie.
Ngumiti rin si Elmo.
“Osiya, ubusin mo na yang kape mo at nang makaligo at makapagpalit ka na ng damit.”
“Opo…salamat po.”
—;—
“Kumot, o.” sabi ni Julie sabay abot nito kay Elmo.
“Salamat.” Sabi ni Elmo sabay kuha ng kumot kay Julie.
Huminga ng malalim si Julie.
“P-pasensya ka na kay mama…”
“Okay lang. ako nga ‘tong nakaka-abala, e.”
“…hindi ka naman nakaka-abala, e…”
Nagkatitigan sila Elmo at Julie.
Ano ba, Julie! Umayos ka please.
“…uh-uh, sige, akyat na’ko…pag…may kaylangan ka nasa taas lang ako, ha…sige…”
Ngumiti lang si Elmo.
—;—
Gabi na ngunit hindi pa rin makatulog si Julie. Sa hindi maipaliwanag na rason ay hindi siya kumportable sa sarili niyang bahay.
Dahil ba andito si Elmo?
Maya-maya ay bumangon si Julie mula sa pagkakahiga. Tumayo siya at lumabas ng pinto. Bumaba siya ng hagdan upang uminom ng tubig nang mahimasmasan nang bigla niyang mapansin si Elmo—tila nanginginig ito—nagtaka si Julie kaya nilapitan niya ito.
Napansin niya na namumula ito kung kaya’t agad niyang inilagay ang kamay sa noo ni Elmo. Nanlaki ang mata ni Julie sa sobrang init ni Elmo.
Jusko po! Ang init niya!
Umugol si Elmo.
“E-elmo…ang taas ng lagnat mo!” nag-aalalang sabi ni Julie.
Natataranta na si Julie. Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang gawin dahil sobrang taas ng lagnat ni Elmo.
“Tek teka, kukuha ako ng pamunas.”
Nagmamdaling kumuha ng maligamgam na tubig at pamunas si Julie, kumuha rin siya ng thermometer, paracetamol at tubig. Inasikaso ni Julie si Elmo habang patuloy lang ito sa pagdaing. Bakas na bakas sa mukha ni Julie ang labis na pag-aalala para sa dating kasintahan—nasasaktan siya na nakikita itong nahihirapan.
“…Julie…” ugol ni Elmo.
“Ha?” tanong ni Julie—hindi malinaw ang sinasabi ni Elmo.
“…julie…” ugol muli ni Elmo—sa pagkakataong ito naintindihan na ito ni Julie.
“…bakit?”
“…julie…”
Napa-buntong hininga na lang si Julie.
“…julie…wag mo ‘kong iwan…”
Nagulat si Julie sa narinig.
“…julie…dito ka lang…”
Huminga ng malalim si Julie. “…Oo…hindi kita iiwan…dito lang ako…”
Kinuha ni Julie ang kamay ni Elmo—hinawakan naman ito ng mahigpit ni Elmo—at pinagmasdan lang ito habang patuloy na dumaraing.