CHAPTER 27

110 10 8
                                    

CHAPTER 27



“Paano kung ikaw ang itinakda ng Axphain? Ano ang gagawin mo?” biglaang tanong ni Nemain. Napangisi lamang si Serephain.

“Malabong ako ang itinakda kaya hindi ko poproblemahin iyan,” tahasan nitong sambit kaya nagkibit-balikat si Nemain. Ngunit mayamaya’y biglaan itong lumapit sa dalaga at kinilatis ang braso at pulso nito.

“Anong ginagawa mo?” Halos matumba mula sa pagkakaupo si Serephain dahil nagulat sa inasta ni Nemain. Nang hindi makita ang hinahanap, umayos na siya ng upo.

“Baka nga hindi ikaw.”

Nakamasid lamang sa kanilang dalawa si Morrigan at malalim ang iniisip. Napatitig siya sa hindi kalayuan. May itim na usok na pumapaitaas patungong ulap. Hindi maganda ang kutob niya. Kailangan nang sanayin si Nemain sa lalong madaling panahon.

“Paano nagkakilala ang mga magulang mo?” usisa pa ni Nemain na likas ang pagiging madaldal.

“Baka gusto mong itanong kung paano tinraydor ng aking ina ang sarili niyang lupain?” direktang sambit ni Serephain sa kanya. Napangiwi si Nemain.

“Huwag kang maingay. Baka marinig ka ni ina. Hindi niya gugustuhing marinig ang mga ganitong bagay. Masyadong sensitibo,” babala ni Nemain at  napalingon dahil baka nasa paligid lamang ang inang si Morrigan.

“Isang kabalyero mahiko ang aking ama. Isang araw, aksidente siyang napadpad sa Ataraxia. Ang karagatang malapit lamang rito sa Cimmeria. Natagpuan siyang sugatan ng aking ina. Palihim siyang tinulungan ni ina na gamutin ang kanyang mga sugat at magpalakas upang makabalik muli sa Axphain,” pag-uumpisa ni Serephain.

“Ngunit alam ng iyong ina bawal ang relasyong sinimulan nila, hindi ba? Bawal ang relasyon sa pagitan ng Axphainian at Cimmerian.” Napatango lamang si Serephain sa sinabi ni Nemain. Napagtanto ni Nemain ang rason kung bakit gayon na lamang ang galit ng kanyang ina sa kapatid nito. Maling-mali naman talaga ang ginawa ni Aella. Ngunit kung sabagay, lahat ay hahamakin pagdating sa pag-ibig.

“Nabuo ang relasyon nila nang hindi inaasahan. Hanggang sa nagpasya ang aking ama na isama na lamang siya sa Axphain at umalis rito. Galit nag alit ang iyong ina dahil sa nangyari. Alam ng pantas ng Cimmerian na isang kasalanan ang umibig sa ibang lahi.”

“Oo, at bilang kaparusahan kapag ginawa mo iyon rito, kailangan mong mamili sa dalawang parusa,” sambit ni Nemain.

“Ano ang dalawang iyon?” tanong ni Serephain.

“Ipapaputol mo ang iyong mga pakpak o babawian ka ng kapangyarihan,” sagot nito.

Sa kaso ng kanyang inang si Morrigan, hindi naman siya ang nagkasala dahil nadawit lamang siya sa ginawanag kasalanan ng kapatid na si Aella. Kaya binawi lamang sa kanya ang ilang kapangyarihan at ibinalik sa normal ang kanyang kakayahan.

Tumango-tango si Serephain.

“Naiintindihan ko. Simula noon, hindi na bumalik rito si ina kahit walang humpay siyang magkwento na maganda nga raw ang lupain niya. Alam kong nananabik siyang makita muli ito, ang Cimmeria.” Kapwa sila napangiti.

“Ang iyong ina at ama? Paano naging sila?”

Nag-inat-inat muna si Nemain bago magkwento.

“Wala namang problema ang dalawa dahil pareho silang lahing Cimmerian. Iyon nga lang, naging balakid ang lebel nila sa buhay para magkatuluyan,” paliwanag ni Nemain at napatingin sa malayo.

“Paano?”

“Si ina, isang malakas, magiting at makapangyarihang kamahalan na itinalaga ng bathala ng Cimmeria upang pangalagaan ang buong lupain. Si ama ay isang hamak na heneral lamang.”

“Ang laki ng agwat ng pamumuhay nila. At hindi ko alam baka nagkaroon sila ng damdamin para sa isa’t isa noong sinabi ni ina na nagkasama sila sa isang digmaan at sila lang ang nakauwi nang buhay.”

“Ang totoo niyan...” Naging malamlam ang boses ni Nemain. “Hindi ko na nasilayan pa ang aking ama mula nang isilang ako. Ngunit laging ikinukwento ni ina na sa gitna ng digmaan, nagawa pa niya kaming protektahan na dalawa hanggang kamatayan.” Sumilay ang malungkot niyang ngiti.

“Ang totoong dahilan kung bakit nagsisikap akong sanayin ang sarili kong kakayahan at alamin kung hanggang saan aabot ang kapangyarihan ko, ay dahil may gusto pa akong malaman.” Ang tinutukoy niya ay ang ama niyang palagi niyang napapanaginipan.

“Pakiramdam ko hindi pa tuluyang nakakatawid ang aking ama sa Bridge of the Swords. Hindi ako matatahimik hangga’t hindi ko iyon natitiyak,” ani Nemain at napatingin sa kalangitan na napakadilim na.

“Makakaya mo ‘yan. Ikaw ang itinakda, hindi ka dapat mabigo,” pagpapalakas-loob ni Serephain sa dalaga.

“Salamat. Maiba ako, ang ganda ng mga pakpak mo,” namamanghang puri ni Nemain sa apat na pakpak ng dalaga. Ngayon lamang kasi siya nakakita ng ganito. Pinagsamang itim at puting pakpak na bagay sa kulay ng balat ni Serephain.

Nagulat sila sa biglaang paglakas ng hangin. Lumapag sa kanila ang seryosong si Morrigan bitbit ang espada ni Nemain. Napatayo sila sa gulat nang ihagis ito ni Morrigan sa kanyang anak. Mabuti na lamang at nasalo niya ito. Gulat ang rumehistro sa mukha ni Nemain.

“Ina?”

Isa pang espada ang hinagis ni Morrigan at sa direksyon naman ni Serephain niya ito itinapon. Agad itong sinalo ng dalaga at pinaikot pa sa ere bago kilatisin ang talim.

Napangisi si Morrigan. Nakikita niyang magandang dwelo ang magaganap sa pagitan ng dalawa.

“Sumunod kayo sa akin,” utos nito at muling ibinuka ang mga pakpak para lumipad. Nagkatinginan sina Serephain at Nemain bago sumunod kay Morrigan.

Dinala sila nito sa isang napakalawak na dome. Nag-e-echo pa ang kanilang mga yabag dahil sila lamang ang naroon ngayon.

“Ina, anong ginagawa natin dito?”

Hinarap ni Morrigan ang dalawa at medyo umatras.

“Kayo ay hinahamon ko sa isang dwelo.” Napanganga ang dalawa matapos marinig ang sinabi ni Morrigan.

“Ina, hindi pa gaanong bumabalik ang lakas ni Sere---“

“Kakasa ako,” putol ni Serephain at hinugot ang espada niya. Napatingin si Nemain sa kanya na hindi makapaniwala. Napangisi si Morrigan habang hindi inaalis ang titig kay Serephain na parang nabasa ang iniisip ng ina ni Nemain. Palihim itong tumango at ngumiti nang tipid para ipaalam na pumapayag ito sa dwelong gustong mangyari sa pagitan nilang dalawa.

“Anong sinabi mo?” Hindi makapaniwalang napatitig na lamang si Nemain sa pinsan.

“Kakalabanin kita ayon na rin sa iyong ina,” sagot nito.

Napalunok-laway si Nemain. Hindi niya akalain na papayag ito sa gusto ni Morrigan.

“Mabuti. Ngayon, simulan na,” anunsyo ni Morrigan at sumenyas sa kawal na patunugin muli ang gong.

Umpisa na ng dwelo sa pagitan ng magpinsan.


***

CIMMERIA ACADEMY: School For Angels Of DestructionWhere stories live. Discover now