CHAPTER 7

225 18 3
                                    

CHAPTER 7




“SIGURADO ba ‘to? Ang aga-aga pa para sa isang mahabang pagsasanay. Kulang pa ang oras ng tulog ko,” hihikab-hikab na reklamo ni Pict habang kasabay niyang pumasok sa isang malawak na hall ang pupungay-pungay rin ang mga mata na si Nemain.

Hindi maipinta ang pagmumukha ng mga ito.

“Huwag ka nang magreklamo riyan. Baka may makarinig pa sa ‘yo,” suway ni Nemain sa kaibigan at naghanap ng pwesto na pwedeng upuan. Iyong maririnig nilang mabuti ang sasabihin ng guro.

Medyo marami na ring estudyante ang nasa loob ng hall. Nasa unahan na rin ang apat na gurong magpapalitan ng kaalaman na ibabahagi sa kanilang lahat. Walang laman ang buong hall kundi ang malawak na sahig lamang kaya wala silang ibang magagawa kundi ang sumalampak nang upo.

“Nasaan na kaya sina Aesir at Raul?” tanong ni Pict habang iginagala ng paningin ang napakaraming estudyante.

“Mamaya na natin sila hanapin. Mukhang mahihirapan tayo kasi nagsasalita na sila,” ani Nemain at umayos nang upo mula sa gilid.

“Makinig ang lahat!” anunsyo ng isang babae. Medyo may katandaan na rin ito at tila may pagkamasungit.

Halos mahigit ni Nemain ang hininga dahil kinakabahan siya nang lingunin siya nito. Muntik na siyang mabuwal mula sa pagkakaupo. Napaiwas siya ng tingin.

“Ngayong araw ay hahatiin ang grupo ayon na rin sa lahi at pagkakakilanlan ninyo. Magkakaroon ng dalawang clan. Ang Raeda at Darkwolves.” Naging maingay at nagkaroon ng bulong-bulungan dahil sa anunsyo. Napahawak naman nang mahigpit sa kamay ni Nemain si Pict.

“Kinabahan ako bigla. Baka hindi tayo maging magka-section,” sambit nito.

Sa totoo lang ay maging siya, nababahala rin. Ayaw niyang mawalay sa mga kaibigan hangga’t maaari dahil sa mga ito lang siya humuhugot ng lakas. At isa pa, wala rin naman siyang gaanong kakilala rito bukod kina Aesir, Pict at Raul. Mahihirapan talaga siya.

Nagsimula na ang hatian. Hindi na sila nagulat pa nang ang unang napunta sa clan ng Darkwolves ay si Lir. Tulad ng dati, taas-noo pa itong tumayo sa kabilang panig na tila napakaraming humahanga.

“Hala, kabilang sina Aesir at Raul sa Darkwolves,” komento ni Pict kaya nawala ang tuon ni Nemain sa mayabang na si Lir. Sa tabi ng binata, nakatayo na roon ang kanyang dalawang kaibigan. Mukhang magkaklase silang tatlo.

“Ang mga Darkwolves ang napipisil naming sapat na ang kahusayan sa paggamit ng sandata at pakikipaglaban kaya huwag kayong magtataka na malimit lang ang mga babaeng mapapasama sa grupong ito. Bihira ang mga babaeng may angking lakas tulad ng sa kanila.”

Napatango naman sina Pict at Nemain. Nakakabilib lamang at kahit baguhan pa lamang sa eskwelahang ito, mataas na ang level ng dalawa nilang kaibigan. Tanggap na naman nilang hindi sila mapapasama sa clan na ito dahil hindi naman sila gaanong mahusay sa paghawak ng espada.

“At ang nag-iisang babae na mapapabilang sa grupong ito, walang iba kundi si Pict.”

Parang tumigil ang lahat sa pakikipagdaldalan at otomatikong napalingon ang mga estudyante sa direksyon nilang dalawa.

“A-Ako?” nauutal na tanong ni Pict at parang hindi makapaniwala.

Napaiwas ng tingin si Nemain nang balingan siya ng titig ng kaibigan.

“N-Nemain,” may pag-aalinlangan sa boses nito.

Ngunit upang hindi na mag-isip ng kung ano pa man ang kaibigan, minabuti niyang ngitian na lamang ang dalaga at pinagtulakan upang daluhan na ang Darkwolves sa unahan.

“Masaya ako para sa ‘yo! Sige na, pumunta ka na sa unahan,” aniya at nagpakawala ng malapad na ngiti. Kahit napipilitan, hindi mawala sa mukha niya ang ngiti para sa tatlong kaibigan. Masaya dahil magkakasama ito sa iisang clan. Ngunit nalulungkot siya para sa kanyang sarili dahil siya lamang ang napahiwalay.

Kumirot ang puso niya nang tingnan siya ni Aesir. Ngumiti lamang siya at pumalakpak.

“Ngayon, dumako naman tayo sa clan ng Raeda. Ito ang mga mag-aaral na kailangan pa ng masinsinang pag-aaral ngunit hindi ibig sabihin noon, hindi  na sila mahusay.”

Wala na siyang maintindihan. Hindi na niya namalayang tinawag na rin ang pangalan niya.





“’Di ba siya iyong anak ni pinunong Morrigan? Ang buong akala ko siya pa ang unang tatawagin upang mapabilang sa Darkwolves. Akalain mong naungusan pa ng mga kaibigan niya.”

Nagpantig ang dalawang tenga ng dalaga ngunit binalewala niya ang narinig at nagpatuloy na lamang sa paglalakad. Katatapos lamang ng anunsyo at nagmamadali siyang umalis ng hall dahil ayaw niyang maiyak sa sobrang lungkot.

Iniisip pa lamang niya na malalayo siya sa mga kaibigan at mag-aaral nang mag-isa kahit nasa iisang eskwelahan lamang sila, parang pinupunit na ang puso niya. Napakasensitibo talaga niya pagdating sa mga ganitong bagay.

“Nemain!” May tumatawag sa kanya pero hindi niya ito pinakinggan. Mas binilisan niya ang paglalakad at nagulat na lamang siya nang may humablot sa kanyang braso pagkuwa’y hinarangan ang kanyang daraanan.

Iniangat niya ang tingin.

“Aesir, ikaw pala,” bungad niya rito. Hindi ito nakangiti.

“Pasensya na, hindi ko na kayo nahintay na makalabas. Akala ko kasi may pagpupulungan pa kayo,” palusot niya kahit alam niyang hindi siya nito paniniwalaan.

“Pwede ba tayo mag-usap?” tanong nito sa kanya.

Natagpuan ni Nemain ang sarili sa malawak na hardin ng paaralan kasama si Aesir. Kapwa sila tahimik at pinagmamasdan lamang ang mga bulaklak na namumukadkad.

“Pasensya na,” paumanhin ni Aesir na ipinagtaka ng dalaga.

“Para saan naman?” nakakunot-noong tanong nito pabalik.

“Kung nilayo ka nila sa amin. Nasa iisang eskwelahan lamang tayo pero alam kong minsan na lang tayo magkakaroon ng oras na apat,” may panghihinayang sa boses nito.

Humalakhak si Nemain at napatitig na lamang sa mga bulaklak.

“Ayos lang iyon. Masaya ako para sa inyong tatlo. Ibang klase talaga ang mga kaibigan ko. Ibang lebel na!” puri nito ngunit hindi magawang ngumiti ni Aesir sa kanya. Kumuyom lamang ang kamao ng binata at hinarap muli siya.

“Bakit ayos lang sa ‘yong mahina lagi ang tingin ng iba sa sarili mo?”

Dahil sa naging tanong ni Aesir, napawi ang ngiti niya sa labi.

“A-Anong ibig mong sabihin?”

“Nemain, alam kong ikaw ang itinakda. Bakit pilit mong itinatago sa sarili mo na mas angat sa iba ang kapangyarihan mo? Bakit hindi mo ipakitang mas malakas ka kumpara sa kanila?”

Sumikdo ang dibdib niya. Kumurap siya upang pigilan ang luha at tiningnan ang palad. Mabilis na hinigit ni Aesir ang palapulsuhan niya at tumambad ang liwanag ng krus na nakatatak sa kanyang pulso.

Agad niya itong binawi at tinitigan si Aesir sa mga mata.

“Ayokong matuto dahil gusto kong mamuhay nang normal,” sagot niya at tuluyang pinakawalan ang luhang kanina pa pinipigilan.




***

CIMMERIA ACADEMY: School For Angels Of DestructionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon