CHAPTER 31

105 10 4
                                    

CHAPTER 31




MAG-ISA na lang ulit nakatanaw si Nemain sa napakalawak na lupain ng Cimmeria. Medyo nakakalungkot rin palang mag-isa. Dati-rati’y sabay nilang ginagawa ito ng kanyang mga kaibigan na sina Pict, Raul at Aesir. Ngayon, siya na lang mag-isa. Bigla ulit niyang naalala ang pinsan na si Serephain. Hangad niya ang maayos nitong pagdating sa lupain ng Axphain kasama ang kanyang ina. Ramdam rin niya ang bigat na pasanin ni Serephain dahil ito pala mismo ang itinakda ng Axphain.

Maya’t maya siyang napabuntong-hininga.

“Malalim na naman ang iniisip?” Boses pa lang ng nagsalita ay alam na niya kung sino ito. Sino pa nga ba ang immortal na kaaway niya rito sa Cimmeria kundi ang walanghiyang si Lir?

“Pakiusap, tigilan mo ako,” pikit-mata niyang sambit na tila nagtitimpi.

Nagkibit-balikat lamang ang binata at tinabihan ang dalaga. Nakimasid na rin ito sa tanawing kanina pa pinagmamasdan ni Nemain. Ang Fort Vinerium at ang Field of the Dead.

“Marahil masama ang loob mo sa akin.” Napakunot ang noo ni Lir dahil sa sinabi ni Nemain.

“Ha?” Narinig niya itong bumuntong-hininga.

“Dahil sa paglabas ko, napilitan ka ring iwan ang pangarap mong maging mahusay na mandirigma sa loob ng akademya. Alam mo, hindi mo naman talaga kailangang sundin si Truce.”

“Nemain, ikaw ang itinakda,” giit ni Lir kaya napatungo si Nemain.

“Ano naman sa ‘yo kung ako ang itinakda? Lir, hindi ka dawit rito. Balikan mo na lang ang pangarap mo sa loob ng paaralang iyon. Kaya ko ang sarili ko,” aniya pa pero ngumisi lamang si Lir at ipinagaspas ang pakpak pagkuwa’y tumayo. Inilahad niya ang palad sa harapan ni Nemain kaya tiningnan ito ng dalaga nang may pagtataka.

“Saan tayo pupunta?”

“Daming tanong. Sumama ka na lang,” ani Lir at hinatak na si Nemain patayo. Kapwa sila lumipad sa napakalawak na himpapawid ng Cimmerian habang nilalasap ang sariwang hangin at namumuo nang snow. Taglamig na naman.

Medyo napapapikit si Nemain habang lumilipad dahil tumatama sa kanyang mukha.

“Sa harap mo!” Otomatiko siyang napamulat nang makita ang isang napakalaking uwak na makakabangga niya sana ngunit mabilis siyang hinatak ni Lir paiwas rito.

“Muntik na ‘yon,” kinakabahan niyang bulalas at ipinilig ang ulo.

“Mukhang kailangan mong pag-aralan kung paano magbalanse sa ere,” nakangiwing komento ni Lir at hinawakan nang mahigpit ang kamay ng dalaga na siya namang ikinailang ni Nemain. Hindi siya sanay na ganito siya tratuhin ng kaaway niya. Nakakapanibago.

Lumapag sila sa Field of the Dead. Ang pinakamalawak na libingan rito sa Cimmeria. Napansin niyang halos mabalutan na ng mapipinong yelo ang bawat libingan. Maging ang mga umuusbong na halaman ay natakpan na rin ng nyebe. Nagsisimula na nga ang taglamig at kailangan na naman nilang mag-imbak ng mga pagkain dahil tiyak na mahirap ngayong mangaso.

“Anong ginagawa natin dito?” tanong ni Nemain at lumapit na lamang sa libingan ng kanyang ama. Pilit niyang inalisan ito ng namumuong nyebe upang makita ang mga batong pinagpatong-patong sa ibabaw nito.

Bumuntong-hininga lamang si Lir at agad lumuhod sa isang hindi pamilyar na libingan. Mas makapal ang nyebe nito kaya pilit niya itong kinalkal. Tinulungan na rin siya ni Nemain upang maalis ang mga nyebeng tumatakip rito. Nang makita na ang nakaukit na pangalan, natahimik bigla ang binata at nakuyom ang kamao.

“Sino siya?”

“Ang aking ama,” tipid niyang sagot dahilan para mapaawang ang bibig ni Nemain.

“Namatay siya sa digmaan. Ibinuwis niya ang buhay niya  para sa rin sa Cimmeria. Namatay siyang lumalaban na dapat ikahanga ng lahat. Ngunit alam mo ang masaklap? Lumipas ang maraming taon ng kanyang pagkasawi ngunit hindi man lang nabigyan ng hustisya,” mapait na pagkukwento ni Lir sa dalaga kaya natahimik ito at pinagmasdan ang libingin. Parang ang kanyang ama rin.

“Pinatay siya ng mga halimaw.” Napa-tiim-bagang rin si Nemain nang marinig ito mula sa binata. Nabuhay na muli ang galit na matagal na niyang kinikimkim. Napatingin siya kay Lir na nakatungo na rin habang pinakatititigan ang libingan ng kanyang sariling ama.

“Pamilyar ka ba sa Bridge of the Swords?” tanong ni Nemain kaya napatingin sa kanya si Lir.

“Paano mo nalaman ang tungkol roon?” Umihip ang napakalakas na hangin na may taglay na nyebe kaya kapwa sila napaubo.

“Nabanggit lang ni Truce sa amin,” aniya at napaiwas ng tingin. Napangiti na lamang si Lir at hinimas-himas ang libingan ng kanyang ama.

“Sigurado akong matagumpay na nakatawid ang aking ama roon dahil wala naman siyang kinatatakutan at wala siyang kasalanan,” nakangiting wika ni Lir. Natahimik si Nemain.

“Gabi-gabi mo pa ba napapanaginipan ang iyong ama?” tanong nito sa binata ngunit umiling ito.

“Dahil roon, panatag akong kasama na niya sa paraiso ang bathala natin.”

Kumabog ang puso ni Nemain. Kung ganoon, ano ang ibig sabihin ng palagiang pagpapakita ng kanyang ama sa panaginip? Waring humihingi ito ng tulong. Waring nagmamakaawa. Posible ba talaga kayang...

“Nemain?” Nabalik siya sa reyalidad. Muli niyang ipinilig ang ulo upang iwakli ang iniisip. Lagi na lang niyang inaalala ang kanyang ama.

Nasa ganoon silang sitwasyon nang pareho silang mapalingon dahil sa narinig na pagsabog. May kataasan ang pwesto ng Field of the Dead dahil mabato kung kaya’t tanaw nila mula roon ang mga eksenang nagpalakas ng tibok ng kanilang mga puso.

Nagkatinginan sila, waring nag-uusap sa mga mata.

Mas naulit ang pagsabog. Napakalakas nito kumpara sa nauna. Nakarinig na rin sila ng paulit-ulit na hiyawan mula sa mga mamamayan ng Cimmerian na naninirahan sa kapatagan.

Agad silang nagkubli sa malaking bato at muling pinagmasdan ang mga nangyayari. 

“Nemain, hindi na maganda ang kutob ko,” kinakabahang saad ni Lir at kinuha ang bitbit na telescope na nakatago sa kanyang kasuotan. Siya mismo ang sumipat sa hindi kalayuan. Mas pinangilabutan ang binata nang maaninaw ang nangyayari sa kapatagan.

Binobomba ang ilang parte ng lupain. At ang ikinabahala niya’y may nakikita siyang hindi mga pangkaraniwang hitsura ng mga nilalang. Ngayon lang siya nakakita ng ganitong lahi.

Hindi ito pangkaraniwang Cimmerian. Kundi isa itong mga halimaw. Napalunok-laway si Lir at inabot ang telescope kay Nemain na namumutla na rin. Nang makita ang eksena, agad napatayo si Nemain.

“Si Ina!” nag-aalala nitong bulalas at agad nilipad ang himpapawid na halos hindi na maaninag dahil sa kumakapal nang nyebe.




***

CIMMERIA ACADEMY: School For Angels Of DestructionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon