CHAPTER 36

432 21 4
                                    

CHAPTER 36


MULING nagmulat si Nemain ng mga mata at otomatikong iniahon niya ang ulo sa tubig. Halos mapasinghap siya dahil sa kawalan ng hangin. Pakiramdam niya’y ilang minuto rin siyang nakalubog sa tubig. Habol ang hiningang umahon siya mula sa napakalalim na tubig. Pinagaspas niya ang kanyang pakpak at pinakiramdamang mabuti. Nagpapasalamat siya dahil walang nabali ni isa sa kanyang mga pakpak.

Sa pagiging klaro ng kanyang paningin, naningkit ang kanyang mga mata. Nasa ibang lugar siya ngayon. Wala siyang ibang nakikita kundi ang matinding kadiliman. Nakakakilabot rin ang katahimikan. Iginala niya ang mga titig at kumurap-kurap.

Kumapa-kapa siya sa dilim at nanlaki ang mga mata. Narito siya sa isang kweba. May naririnig siyang paunti-unting pagpatak ng tubig mula sa mga naglalakihang bato.

“Tulong!” sigaw niya. Umalingawngaw lamang ang kanyang boses sa napakalawak na kweba. Sa pagkakaalam niya, wala namang ganito sa lupain ng Cimmeria. Maliban na lamang kung...

Nanlaki ang kanyang mga mata at natutop ang bibig.

Sa puntong iyon ay nakarinig na siya ng hiyawan at tawanan. Waring may nagtatambol pa at nagkakasiyahan. Kahit kinakabahan, pinilit niyang alamin kung saang direksyon nanggagaling ang mga ingay na iyon. Pakubli-kubli siya habang naglalakad.

Napalunok-laway siya nang tuluyan niyang matagpuan ang napakalawak na lugar. Nagliliwanag ang paligid dahil sa nagliliparang apoy sa iba’t ibang direksyon. Sa ibaba nito’y ang madilim at malalim na ilog na kadugtong ng anyong-tubig kung saan siya umahon kanina. May mga nilalang siyang nakikita na nagkakasiyahan. Ngayon lang siya nakakita ng mga ganitong nilalang sa buong buhay niya sa Cimmeria. O baka naman wala na talaga siya sa Cimmeria kundi nasa ibang dimensyon na ng lupain?

Kumabog ang puso niya. Bakit siya naririto? Ang buong pagkakaalam niya, sa dagat ng Fort Vinerium siya aksidenteng nalunod. Muli niyang inalala ang nangyari. Pinakiramdaman niya ang sarili habang naguguluhan.

“Nasa tamang katauhan pa ba ako?” aniya at di kaginsa-ginsa’y natapilok. Lumikha iyon ng isang hindi pangkaraniwang ingay na nagpatigil ng kasiyahan ng mga hindi pangkaraniwang mga nilalang. Napatingin ang mga ito sa direksyon niya. Otomatiko siyang napatayo mula sa pagkakaupo at akma nang tatakbo.

“May nakapasok!” sigaw ng isa kaya. Wala na siyang nagawa pa nang palibutan siya ng napakainit na apoy. Napadaing siya sa sakit. Waring sinusunog nito ang kanyang mga pakpak na kanina’y basa pa ng tubig-ilog. Gusto na niyang maiyak.

Hindi na siya muling gumalaw pa dahil oras na tangkain niyang makalabas sa bilog na apoy, masusunog na nang tuluyan ang kanyang mga pakpak. Hinintay na lamang niyang sugurin siya ng mga nilalang na ngayon lamang niya namasda sa malapitan.

Malalaki ang mga mata nito, may napakatulis na sungay kumpara sa kanila at may mga buntot rin. Napagtanto niyang kalahi pala ito ng mga halimaw na umaatake sa kanila kanina lamang. Ngunit ang kaibahan noon, hindi iyon nakakapagsalita at pawang mga mababangis pa.

“Dalhin ang isang ‘to kay Pinuno,” utos ng isa. Nawala na ang apoy na pumalibot kay Nemain kanina ngunit nag-iwan ito ng napakasakit na peklat sa kanyang balat. Napangiwi siya sa naramdamang kirot. Kinaladkad na siya ng dalawang nilalang.

“Bitawan n’yo ako!” sigaw niya ngunit napaiyak na lamang siya sa sakit nang mahigpit siyang pisilin ng isa sa braso. Napasa ang kanyang balat. May kung anong kamandag ang mga nilalang na may hawak sa kanya ngayon. Nasaan na siya? Anong lugar ito?

Ikinulong siya ng mga ito sa isang napakalaking hawla. Kinalampag niya ito.

“Pakawalan n’yo ako rito mga hangal!” paulit-ulit niyang sambit ngunit walang gustong makinig sa kanya. Nagpatuloy ang lahat sa kasiyahan.

Parang isang tribo ang lahat ng mga nilalang na nasa paningin niya ngayon. Nagsasayawan sa saliw ng tunog ng tambol. Waring sinasamba nila ang apoy na nasa gitna nila. Kinikilabutan siya.

Muli niyang sinipat ang paligid hangga’t may oras pa siya. Malakas ang kutob niyang hindi ito pangkaraniwang lugar. Napakainit ng pakiramdam niya. Para siyang tinutupok sa impyerno.
Impyerno. Hindi kaya...

“Nasa ilalim ako?” bulong muli niya sa sarili. Mas lalo siyang nangilabot sa napagtanto. Hindi lang siya ang Cimmerians na nakakulong rito. May iba pang hawla bukod sa kanyang kulungan. Sa kabila ng tawanan at kasiyahan, may nauulinigan siya. Mga iyakan at pagsusumamo. Sa dulo nito’y may nakikita siyang isang napakahabang tulay. May naglalakaran, mga Cimmerians na halos matupok na ang mga pakpak dahil sa sobrang init ng apoy na nilalakaran nila.

“Bridge of the Swords,” sambit pa niya. Mas lalo siyang tinamaan ng kaba.

“Kung gusto mong makapunta sa Bridge of the Swords, kailangan mo munang mamatay.”

Nagpaulit-ulit sa kanyang utak ang mga sinabi sa kanya noon. Hindi maaari. Gusto niyang maluha. Hindi kaya patay na rin siya dahil sa pagkalunod at ang isang tulad niya ngayo’y isa na rin sa mga kaluluwang tatawid na rin sa Bridge of the Swords?

Tila natuyuan siya ng laway dahil sa mga naiisip.

Yumanig ang paligid. May paparating. Napahawak siya sa mismong hawla kung saan siya nakakulong. Naningkit ang kanyang mga mata nang makita ang higante na siyang nagdudulot ng pagyanig ng mga bato. Hindi pa ito nakakalapit ay nakatingin na ito sa kanya. Mukhang kilalang-kilala siya nito.

Halos manginig siya sa takot lalo na nang buksan ni Murrogh ang hawla kung saan siya naroon at ngumisi nang mala-demonyo. Parang gusto niyang mahimatay lalo na nang makita niya ang kabuuang hitsura ng nilalang na nasa harapan na niya ngayon. Wala pa siya sa talampakan ni Murrogh. At mahihirapan siyang gapiin ito. Iwinasiwas niya ang kamay at hinagilap ang espada ngunit nanlumo siya nang mapagtantong nawawala ito sa kanya. Hindi rin gumagana ang kapangyarihan niya sa pagkakataong ito. Mas malakas ang presensya ng mga nilalang rito sa ilalim. Nakikinita na niyang wala na siyang kalaban-laban.

Narinig niya ang halakhakan ng mga demonyong alagad ng halimaw na nasa harapan niya ngayon. Waring masaya pa ito na masaksihan ang kanyang pagkagapi. Muling yumanig ang lupa, ang ilan sa tipak ng bato ay gumugulong sa kanya. Wala siyang laban sa pagkakataong ito. Gusto na niyang panghinaan ng loob.

Nagpalinga-linga siya sa ikalawang pagkakataon. Naningkit ang kanyang mga mata nang makita sa isang alagad nito ang isang pamilyar na sandata. Kawangis ito ng kanyang espada ngunit nasisiguro niyang hindi ito sa kanya. Kung ganoon kanino ito at bakit nakaabot sa dimensyong ito ang espada ng isang Cimmerian?

Wala sa loob na nagtatakbo siya patungo sa direksyong ito upang agawin ang espada. Ngunit saktong pagtakbo niya’y pinatid na siya ng halimaw na naging dahilan para matumba siya at magpagulong-gulong sa batuhan.

Dire-diretso. Walang patid. Halos mabali ang kanyang buto at pakpak. Hanggang sa namalayan na naman niyang malapit na siyang mahulog muli sa tubig. Wala siyang nagawa kundi ang magpatinghulog at hayaang tangayin ng agos nito. Kailangan niyang makapagtago. Ngunit hindi ibig sabihin noon ay tatakbuhan niya si Murrogh. Kailangan lamang muna niyang magpahinga at gamutin ang sarili para sa mas madugong labanan. Sa ngayon, kailangang-kailangan niya ng mapagtataguan rito sa mundong ilalim.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 06, 2021 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

CIMMERIA ACADEMY: School For Angels Of DestructionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon