CHAPTER 16

137 12 4
                                    

CHAPTER 16








HINDI naman sinabi ng misteryosong babae na sundan siya nina Lir at Nemain pero ginawa pa rin nila ito. Kahit anong pagpipilit kasi ang gawin ni Lir sa dalaga, nagmatigas pa rin itong sundan ang tirahan niya.

Tumigil sila sa tapat ng isang tree house. Hindi ito basta ordinaryong bahay na nasa taas ng puno dahil suportado ito ng sanga, mga gumagalaw na baging at napalilibutan ng mga sibat. Halos masindak sa takot si Lir dahil sa unang pagkakataon, nakakita siya ng ganitong uri ng tirahan. Napalunok-laway siya upang pawiin ang takot pero hindi niya ito ipinahalata kay Nemain.

“Nemain, huwag na lang tayong tumuloy,” untag niya kay Nemain na nakatingala na rin sa malaking tree house. “Huwag mong sabihing papasok ka pa sa loob?”

Hindi sumagot ang dalaga. Ibig sabihin, desidido nga ito sa balak. Naudlot ang sasabihin pa ni Lir nang magsalita ang babae. Hindi man ito lumilingon, tiyak na sila ang kinakausap nito.

“Mangyaring hanggang dito na lamang kayo. Umuwi na kayo bago mag-bukang liwayway,” utos nito.

“Hindi ako uuwi hangga’t hindi mo sinasabi sa akin kung sino ka at ano ang mga nalalaman mo sa propesiya!” giit ng dalaga. Nagpupumilit pa talaga ito.

“Nemain!” saway ni Lir. Hindi ito nakikinig.

Humalakhak ang babae at dahan-dahan silang hinarap. Nagbabaga ang mga mata nito. Ikinumpas ng babae ang kanyang mga palad at kusang gumalaw ang baging na nasa paligid. Sa hindi inaasahan, iginupo ng mga ito si Lir at iginapos sa malaking puno.

Napanganga si Nemain.

“Pakawalan mo siya!”

“Pakawalan mo. May kapangyarihan ka, hindi ba?” nanghahamong saad ng babae. Napakagat-labi si Nemain at napatitig sa blangko niyang mga palad. Narinig niyang namimilipit na sa sakit ng katawan si Lir dahil hindi na ito makagalaw. Masyadong mahigpit ang pagkakagapos ng mga buhay na baging at ugat sa katawan nito.

“Sabi nang pakawalan mo siya!” sigaw pa ng dalaga pero hindi nagpatinag ang babae.

“Sinabi kong pakawalan mo siya. Ikaw ang mas malakas ang enerhiya. Ngayon, pakawalan mo ang kaibigan mo,” kontra nito. Hindi na nakapagtimpi si Nemain at napaatras. Naiiyak siya dahil inilagay pa niya sa panganib si Lir. Hindi naman niya ginusto na ito ang maging kanang-kamay niya.

Muling napaatras ang dalaga. Ang buong akala ni Lir ay tatakbuhan na siya nito ngunit nagkamali siya. Bumwelo si Nemain at ipinagaspas ang dalawang naglalakihang mga pakpak. Lumikha muli iyon ng kakaibang hangin. Pagkuwa’y ikinumpas ang mga kamay. Lumabas mula sa kanyang palad ang kakaibang enerhiya. Walang alinlangan niya itong ibinato sa naglalakihang mga baging na gumagapos na ngayon sa buong katawan ng kasama.

Agad naputol ang mga ito. Parang mga bulateng nagsi-gapangan ang mga ugat sa lupa. Nakawala sa pagkakatali ang binata. Hingal na hingal siyang napaupo sa tapat ng puno.

Nanginginig naman sa kaba ang dalagang si Nemain at hindi makakilos sa kinatatayuan. Sinubukan lang naman niya. Hindi niya inaasahang ganoon kabilis ang magiging resulta.

Nakarinig siya ng mabagal na palakpak sa bandang gilid niya. Naroon ang nakangising babae na kanina pa pala sila pinanonood na parang isang malaking pagtatanghal para sa paningin nito.

“Mahusay. Ngunit kulang pa sa pagsasanay,” komento nito.

Tinitigan siya ni Nemain direkta sa mga mata at nagsalita.

“Ngayon, sabihin mo na sa akin ang lahat.”

Lumapad ang ngisi ng babae sa hindi malamang dahilan.












Umalingawngaw sa katahimikan ng gabi ang malakas at marahas na pagbukas ng pintuang gawa sa kahoy. Tumambad sa kanila ang loob ng tirahan ng babae. Umawang na naman ang bibig nila dahil sa pagkamangha.

Napupuno ang bawat dingding ng iba’t ibang hugis ng pana. May malalaki at maliliit. Ang iba naman ay hindi pamilyar ang hitsura. Nasisiguro nilang mahusay talaga ang baabeng ito sa pagsasanay.

“Ikaw lang mag-isa ang nakatira rito?” tanong ni Lir habang iginagala ang paningin sa kabuuan ng bahay. Palagay naman niya’y hindi na niya kailangang igalang pa ang babaeng ito dahil dalawang taon lamang ang agwat nito sa kanila.

Inilapag muna ng babae ang hawak na busog at pana sa mesa at tinanggal ang hood. Lumantad sa kanila ang tunay na kulay ng buhok ng babae. Mapula-pula ito sa dulo.

“Meow!” Kapwa sila napalingon sa bandang kusina nang marinig ang huni ng isang pusa.

“Hindi. Kasama ko siya,” ani ng babae at tinuro ang itim na pusang nakatunghay na pala sa kanila. Masama ang titig nito kay Nemain at Lir dahil hindi kilala.

“Huwag kang mag-alala, Theo. Hindi sila masasamang nilalang. Mga bisita sila,” mahinang bulong ng babae at binigyan na lamang ang alaga ng isang inihaw na isda. Masaya naman itong tinangay ng hayop pagkuwa’y nagtatakbo sa sulok upang kainin.

“Alam kong may gusto kang itanong. Sabihin mo na. Ito na ang pagkakataon mo,” seryosong saad pa nito. Napaigtad si Nemain dahil sa kanya na ito nakatitig.

“Ano ang lahi mo? Alam kong hindi ka purong Cimmerian.” Malakas ang kutob niyang hindi taga-Cimmeria ang babae base sa pisikal nitong anyo at kakayahan. May kakaiba talaga at hindi niya ito matukoy.

Nagpalipat-lipat naman ang tingin ni Lir sa dalawa dahil wala siyang maintindihan sa ibig tukuyin ng dalaga.

Napabuntong-hininga ang babae at napaiwas ng tingin. Saka ito nagsalita ng mga bagay na mas nagpaliwanag kay Nemain kung saan talagang lahi galing ang babaeng kausap niya.

“Pinutol man nila ang aking mga pakpak, hinding-hindi nila mababawi ang kakayahang ipinagkaloob sa akin ng bathala. Iyon ang hindi nila kayang gawin kahit ipagtabuyan nila ako sa lupain kung saan ako isinilang.”

“A-Ano ang... ibig mong sabihin?” nauutal na tanong ni Lir.

Ngumiti nang mapakla ang babae at hinubad ang suot na hood. Sa mismong pagtalikod niya sa dalawa, naroon sa likuran ang bakas ng karahasan. Ang peklat ng nakaraan. Ang peklat ng pagkaputol ng kanyang dalawang mapupulang pakpak.

Napaawang ang bibig ni Nemain at nanginig.

Hindi maaari. Imposible. Parang ayaw niyang maniwala.

Ang babaeng kaharap nila ngayon na mahusay sa paghawak ng busog at pana ay hindi Cimmerian kundi isang Adalean.




***

CIMMERIA ACADEMY: School For Angels Of DestructionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon