CHAPTER 30

109 10 4
                                    

CHAPTER 30





“ILABAS n’yo sila o idadamay ko kayong lahat?!” Bakas ang galit sa tono ng boses ni Celestia at  nakatiim-bagang na. Ipinukpok pa niya ang dulo ng hawak niyang tungkod sa sahig dahilan para yumanig ang paligid sa sobrang lakas ng pwersa.

Hindi pa rin matinag si Morrigan.

“Ina,” nag-aalalang sambit ni Nemain. Nangangamba siyang magkakagulo ang Cimmeria kapag hindi pa nito nakuha ang pakay.

Kalmado lamang na nakatanaw si Aella sa kaganapang nangyayari sa labas.

“Ina? Nakaalis na ba sila?” tanong ni Serephain.

Bumuntong-hininga si Aella at hinarap ang anak. Hinawakan niya ito sa magkabilang balikat.

“Mukhang kailangan na nating gawin ang nararapat,” makahulugan nitong sambit sa dalaga at nagkatitigan sila. Tila nag-usap ang dalawa sa mga mata at ngumiti nang tipid. Alam na nila ang gagawin kahit mahirap man.

Kapwa nilang ipinagaspas ang pakpak at akma nang lilipad palabas nang pigilan naman sila ni Hybor na kadarating lamang. Hingal na hingal ito.

“Ipinag-utos ng kamahalan na tumakas na kayo ngayon rin hangga’t ginugulo pa niya ang atensyon ng mga tumutugis sa inyo,” malakas na sabi nito kaya muling nagkatinginan ang mag-ina.

Nalilito na sila.

“Tumakas na lang ulit tayo. Maglakbay at magtago. Huwag na tayong bumalik sa Axphain,” pangungumbinsi ni Serephain kaya napaiwas ng tingin si Aella. Ang gusto lang naman niya ay mabigyan ng maayos na buhay si Serephain ngunit parang ayaw umayon ng tadhana sa kanyang gustong gawin.

Ngunit buo na rin naman ang kanyang desisyon at kailangan nila itong panindigan. Nagawa na naman ni Morrigan ang kanyang parte na kupkupin sila sa loob ng limang araw. Hindi na nito kailangang protektahan pa sila hanggang kamatayan. Isa pa, masyado na niyang napagtaksilan ang lupain niyang Cimmeria. Hindi niya maatim na isiping, siya ang magiging dahilan ng pagkawasak nito dahil lang sa gusot na kanilang inumpisahan. Hindi na niya dapat idamay ang mga Cimmerians.

Hinawakan ni Aella nang mahigpit ang kamay ni Serephain at nagsalita.

“Sumuko at sumama na tayo.”

Muling umihip ang napakalakas na hangin at sa puntong iyon, huhugutin n asana ni Morrigan ang sukbit niyang espada sa bewang nang maramdaman niya ang pagaspas ng pakpak at paglapag ng dalawa sa bandang likuran niya. Otomatiko silang napalingon ni Nemain sa bagong dating na sina Aella at Serephain.

Lumapad ang ngisi ni Celestia nang makita ang dalawa.

“Sinasabi ko na nga ba at sa lupain mo pa ikaw mananatili para itago ang anak mo. Hanggang saan ba kayo aabutin ng pagtatago ninyo?”

Napalunok-laway si Serephain dahil sa kaba. Mas mahirap pa pala ito sa inaakala niya.

“Sinabi ko na sa’yong tumakas ka na at ang anak mo! Ano na namang kahangalan ito?” naiinis na bulong ni Morrigan. Napasulyap naman si Nemain kay Serephain. Ngumiti lamang si Aella na waring sinasabi na magiging maayos rin ang lahat.

“Magiging maayos ang lahat, ate. Ipinapangako ko ‘yan. Sa ngayon, hayaan mo akong gawin ang tama at mas makabubuti para sa ating lahat, para sa aming mag-ina at para sa Cimmeria.”

“Tumakas ka na at ako na ang bahala rito!” giit pa ni Morrigan na ayaw makinig sa sinasabi ng kapatid. Napaiyak si Aella. Ramdam na ramdam niya ang pag-aalala ng kapatid para sa kanya.

“Patawad,” naluluhang wika niya. Halos madurog ang puso ni Morrigan nang makitang lumuluha na ito. Napapikit na lamang siya.

“Alam mo namang ayaw kang nakikitang umiiyak ni ate. Poprotektahan kita hangga’t magkasama tayo.”

Otomatikong naimulat ni Morrigan ang mga mata nang maalala ang katagang ipinangako niya sa kapatid noong bata pa sila. Halos makuyom niya ang kamao.

“Aella!”

“Ina!” sigaw ni Serephain nang dakpin na siya ng kabalyer mahikong kasama ni Celestia. Nagkagulo na. Hindi na nagawang pigilan ni Morrigan ang ginawang pagdakip sa kanyang kapatid nang manipulahin ni Celestia ang sarili niyang kapangyarihan. Palibahasa’y wala na siyang sapat na lakas na tulad ng dati, hindi na niya makontrol ang kalaban.

“Dakpin na ang kanyang anak!”

“Hindi! Huwag ang anak ko! Huwag mo siyang sasaktan!” pagsusumamo ng umiiyak na sila Aella.

Nagtangkang lumaban si Serephain matapos siyang lapitan ng dalawang kabalyero at kaladkarin palapit sa nanonood lamang na si Celestia. Wala itong karea-reaksyon nang makita ang umiiyak na mukha ng dalaga. Sa halip, ngumisi pa ito at itinaas ang baba ni Serephain. Kinilatis niya ang pagmumukha nito.

“Huwag kang umiyak dahil kasalanan mo naman talaga kung bakit ganyan ang lahi mo,” kalmado niyang sambit. Mas napaiyak si Serephain.

“Pakawalan mo sila!” sigaw ni Nemain at akmang lalapatan ng itim na mahika ang suprema ngunit naunahan siya nito. Siya ang tinamaan. Bumalik sa kanya ang kapangyarihan na kanyang pinakawalan. Otomatiko siyang bumagsak sa sahig. Para siyang kinuryente.

“Nemain!” nag-aalalang sigaw ni Serephain nang makita ang ginawa ni Celestia  sa pinsan. Gustuhin man niyang tulungan ito, hindi na niya magawa dahil hawak na siya ng mga kabalyero sa magkabilang braso.

“Tama na!” Nagpumiglas siya. Napikon na ang isa sa kabalyero at akma na siyang sasaktan. Pumikit si Serephain at sumigaw nang ubod lakas. Naningkit ang mga mata ni Celestia nang tumingala ang dalaga at nakita ang isang pamilyar na simbolo sa leeg nito. Umiilaw ito at unti-unting nagiging klaro sa kanyang paningin.

“Huwag!” pagpigil ni Celestia. Hindi na maipinta ang pagmumukha niya at siya na mismo ang lumapit sa dalaga. Marahas niyang kinapitan ang braso nito at pati na rin ang leeg. Kinilatis niya ang marka ni Serephain.

“Bitawan mo ako! Nasasaktan ako!”

Napaawang ang bibig ni Celestia sa napagtanto.

“Ikaw ang...”

Mas nagpumiglas si Serephain pero mas hinigpitan ng mga kawal ang pagkakabihag sa kanya.

“... itinakda,” halos pabulong na wika ni Celestia at pinagmasdan ang dalaga.

“Pakawalan mo ang anak ko!” Narinig niya ang sigaw ni Aella sa hindi kalayuan. Gulat na gulat rin ito sa pinagsasasabi ng suprema tungkol sa kanyang anak.

Nabalik sa reyalid ang suprema at muling ipinukpok ang tungkod. Yumanig ang paligid. Hindi ito dapat pag-usapan rito sa Cimmeria. Dapat niyang malaman at makumpirma ang buong katotohanan sa Axphain mismo kasama ang dalagang ito.

“Dalhin ang dalawa sa Axphain, ngayon rin,” maotoridad nitong utos sa mga kasamang kabalyero at nagsimula nang ipagaspas ang mga pakpak para lumipad na muli.

Wala nang nagawa pang pagpigil sina Nemain at Morrigan nang magsimula nang itakas ng mga taga-Axphain sina Aella at Serephain. Hanggang tanaw na lamang nila ang dalawa hanggang sa maglaho ang mga ito sa himpapawid.

Napaawang ang bibig ng nanghihinang si Nemain at napangiti.

“Siya ang itinakda ng Axphain at nararapat lamang na makabalik siya sa lupain na iyon sa lalong madaling panahon,” aniya bago ipinikit ang mga mata.




***

CIMMERIA ACADEMY: School For Angels Of DestructionWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu