CHAPTER 5

285 26 3
                                    

MAS kumabog ang dibdib ni Nemain nang muling umalingawngaw ang tatlong pukpok ng gong mula sa gilid ng entablado. Paulit-ulit siyang napalunok-laway. Hindi naman siya dapat kabahan. Kung sakaling tawagin man ang pangalan niya, dapat nga ay matuwa pa siya dahil minsan lang siya makilala ng buong Cimmeria.

Mayamaya ay isa-isa nang tinawag ang mga pangalan ng napiling mag-aaral.

"Ang natatanging anak ng magiting na tagapagtanggol at pinuno ng sandatahan na si Kaja, ang kanyang kaisa-isang anak na si Pict."

Halos mahigit niya ang kanyang hininga nang unang tawagin ang pangalan ng matalik niyang kaibigan na si Pict. Nakita niya ang reaksyon ng dalaga. Mukhang hindi na ito nagulat at tila inaasahan talagang siya ang unang tatawagin. Malapad rin ang ngiti ng ama nito at ipinagtutulakan pa ang kaibigan paakyat.

Narinig niya ang malalakas na hiyawan at palakpakan nang makaakyat na si Pict sa entablado. Alinlangan itong ngumiti sa lahat ngunit ibinaba rin ang tingin. Panay naman ang usal ni Nemain na sana mahagip siya nito ng paningin at makapag-usap man lamang sila sa mga mata. Pero hindi. Hindi na ito nag-abala pang iangat ang tingin sa harap ng napakaraming Cimmerian na isinisigaw ang pangalan niya.

Matapos ito, sumunod ang isang pangalan ng binatang hindi niya kilala. Tingin niya'y nasa ikalawang lahi nila ito kaya hindi ito masyadong pamilyar sa kanya.

"Ang ikatlo, isang napakahusay na mandirigma sa napakamurang edad. Hindi ninyo aakalain na mahusay na siyang gumamit ng espada bukod sa kapangyarihan niyang mahika at ang paglipad. Walang iba kundi si Aesir."

Kung kanina ay hindi na makahinga si Nemain nang marinig ang pangalan ni Pict, ngayon nama'y parang gusto na niya talagang uminom ng tubig dahil natutuyuan na siya ng lalamunan. Mas lumakas ang hiyawan ng mga kapwa niya Cimmerian.

Pinagmasdan niya si Aesir na umakyat at tabihan si Pict. Nagngitian lamang ang dalawa. Inaasahan na talaga nilang magkakasama sila sa iisang paaralan lamang. Tumindi ang tilian mula sa mga kapwa niya dalagang nanonood. Marami talagang tagahanga ang binatang ito at hindi niya itatangging isa siya sa lihim na nagkakagusto sa kaibigan.

Tipid siyang napangiti.

"Ikaapat, Raul."

Hindi na siya nagulat na susunod si Raul sa dalawa. Hindi ito hihiwalay sa dalawa dahil ika nga ng pagkakapatiran nilang apat, walang maiiwan. Napatungo siya at kumagat-labi.

Pero sa mga sandaling ito, mukhang maiiwan siya ng tatlo dahil hindi naman gaano siyang mahusay kung pakikipaglaban lamang ang pag-uusapan. Isa talaga siyang kahihiyan. Baka nga magtago lang siya sa pakpak ng mahal niyang ina kung sakaling magkaroon na naman ng giyera rito sa Cimmeria.

May ilang mandirigma pang tinawag pero hindi na niya maintindihan kung sinu-sino ito. Nabibingi na siya sa mga hiyawan. Nais na niyang umalis ngayon rin nang hawakan ni Morrigan ang kanyang pulso. Napatda siya.

"Ikalawa sa huling mag-aaral na makakasama ng mga naunang tinawag, walang iba kundi ang kaisa-isang anak ng ating magiting at yumaong pinuno ng Cimmeria, Conan at ng asawa niyang si Morrigan. Nemain!"

Sa puntong iyon ay parang gusto na niyang manghina ang tuhod nang marinig ang sariling pangalan. Dahan-dahan siyang napalingon sa kanyang ina. Nakatitig na rin ito sa kanya at tila nagsasabing umakyat na rin siya ng entablado. Inaasahan na nitong panghuli siyang tatawagin. Ngunit kahit na ganoon, bakas sa mga mata ni Morrigan ang kasiyahan para sa kanya.

"Nemain?" muling tawag ng tagapagsalita kaya napalunok ako. Nagbubulungan na rin ang iba dahil hindi pa siya nagpapakita. Tinatagan niya ang kanyang loob at napahawak sa sukbit niyang espada.

Kalmado siyang naglakad patungo sa mga kaibigang kanina pa siya hinihintay. Mas lumakas ang hiyawan. Naririndi na siya. Wala na tuloy siyang marinig kundi ang mabilis na tibok ng puso. Sinabayan pa ito ng tambol at gong.

Nang makarating sa entablado, sinalubong siya ng malalapad na ngiti ng mga kaibigan.

"Sabi ko na nga ba't walang iwanan, e," natatawang bulalas ni Raul at inakbayan ang tahimik na si Pict. Hindi lang talaga ito sanay sa harap ng napakaraming tao.

"Masaya kami at kasama ka namin, Nemain," tipid na bati ni Aesir sa kanya. Napangiti naman siya at napaiwas ng tingin.

Grabe, ibang kilig talaga ang nararamdaman niya sa tuwing ngingitian siya ng kaibigan.

Nanatili siyang walang-kibo sa tabi ng tatlo at ng iba pa habang patuloy naman sa pagsasalita ang Cimmerian na tumawag sa kanila kanina lamang.

Iginala niya ang paningin sa iba pa nilang mga kasama. Mabuti na lamang at hindi niya nakikita ngayon ang isang asungot sa buhay niya. Walang iba kundi ang nag-iisa niyang immortal na kaaway rito sa Cimmeria.

"Ang panghuling mag-aaral na napili ay mula sa nangungunang lahi rito sa lupain ng Cimmeria. Lir!"

Nagpantig ang tenga niya. Nakarinig siya ng palakpakan. Maging ang mga kaibigan niya'y nakipalakpak rin. Siya lang ata itong hindi masaya na marinig ang pangalan ng kinaiinisan niya.

Naningkit ang kanyang mga mata nang makitang papaakyat na sa entablado si Lir. Nakangisi na ito. Nagsalubong ang kanilang mga titig. Sinamaan niya ito ng tingin. Mas nainis siya dahil sa kanya pa ito tumabi.

Taas-noo pa itong kumaway sa mga kapwa niya Cimmerian.

"Gulat ka, no?" pasimple nitong sambit sa kanya. Nakuyom niya ang kamao at gusto nang bigwasan ang binata ngunit pinigilan niya ang sarili.

"Bakit ako magugulat? Sanay naman na akong pabida ka," ganti niya at ngumiti nang pang-asar. Pinipilit niyang hinaan ang pagsasalita huwag lamang marinig ng mga kaibigan na nakikipagdaldalan siya.

Narinig niya itong tumawa pero kapwa sila hindi tumitingin sa isa't isa. Mas nabuhay ang pagkainis niya rito.

"Pikon." Imbes na pansinin ang komento ni Lir sa kanya, hinayaan na muna niya ito. Wala siyang panahon para sa kagaguhan ng isang 'to.

Hinagilap niya ng tingin ang inang si Morrigan ngunit wala na ito sa pwesto nila kanina. Napakagat-labi siya.

Talagang hinintay lamang ng ina na tawagin ang pangalan niya. Hindi niya mapigilang ngumiti.








Napabuntong-hininga si Nemain habang nakatunghay lamang sa puntod ng yumaong ama. Isang burol ito na natatamnan na ng malalagong halaman. Sa tuktok nito, isang metal na krus na simbolo ng kagitingan ni Conan.

Napaluhod siya at itinusok sa lupa ang espada pagkuwa'y yumuko.

"Ama, mukhang ito na muna ang huli kong pagbisita. Ngunit pangako, oras na nakalabas na ako ng Cimmerian Academy, dadalawin ko na muli kayo. Si Ina na muna ang bahala sa puntod mo. Mag-iingat ka rin po lagi at gabayan mo ako mula riyan sa kabilang... buhay," aniya at napapikit, iniiwasang tumulo ang luha.

Nangungulila na naman siya.

"Tingin mo ba'y nasa kabilang buhay na ang iyong ama?"

Ngunit otomatiko siyang napatayo at tinutukan ng espada ang kung sino mang nagsalita mula sa likuran niya.

Isa itong matandang lalaki. Nakatitig rin ito sa puntod ni Conan at kapansin-pansin ang malapad na ngisi. Tinamaan na naman siya ng kaba.

CIMMERIA ACADEMY: School For Angels Of DestructionWhere stories live. Discover now