CHAPTER 33

99 10 10
                                    

CHAPTER 33




“SIGURADO ka ba rito? Umatras na lang muna tayo para makapag-isip ng plano,” nahihintakutang saad ni Hybor habang nakatago sila ni Nemain sa makapal na pader. Tanging kadiliman lamang ang nakikita nila. Ilang sandali lamang ay lumikha si Nemain ng apoy gamit ang kanyang kapangyarihan. Hindi niya alam kung matutuwa siya dahil paunti-unti nang nagsisilabasan ang kanyang mga kakayahan dahil kasabay naman noon ay ang pag-usbong ng kinatatakutan niyang gulo. Ngayon ay nangyayari na.

Umiling lang ang dalaga kahit nanghihina na ang mga tuhod.

“Ni hindi pa nga nag-uumpisa ang totoong digmaan,” aniya at agad hinipan ang apoy pagkuwa’y sinenyasan si Hybor na kailangan na nilang lumabas ng pinagtataguan. Kailangan na nilang lumaban.

“Kamahalan!” tawag ni Hybor nang tumakbo na ito kung saan. Kakamot-kamot namang naiwan ang kawal sa sulok at napangiwi na lamang.

“Lagot ako sa reyna kapag nalaman niyang hindi ko nasamahan ang kanyang anak sa pakikipaglaban. Ngunit paano naman? Hindi ko naman alam na ganito katapang ang isang itinakda!” sigaw niya at pikit-matang lumabas na rin ng lungga.

Nagulat ang lahat sa pagdating ni Lir sa paaralan ng Cimmeria kasama ang sugatan na si Morrigan. Si Truce ang sumalubong sa kanila.

“Ikinagagalak namin ang iyong pagbalik,” pagbati ni Truce at yumuko pa ngunit walang oras para makipagkwentuhan ang binata.

“Walang dapat ikagalak dahil nanganganib na ang buong Cimmeria.” Dahil sa sagot ni Lir ay natameme si Truce at hindi makapagsalita. Mayamaya’y sinenyasan niya ang lahat ng opisyal na magtipon-tipon upang pag-usapan ang bagay na ibinalita ni Lir.

Ibinaling naman ng guro ang titig kay Morrigan.

“Kailangan niyang magamot. Magmadali!” utos ni Truce sa kasamang kawal  kaya mabilis pa sa alas kwatrong inakay nito ang sugatang kamahalan papasok ng akademya. Maging si Lir ay napansin ng guro na dumudugo ang kaliwang binti.

“Kailangan mong malapatan ng paunang-lunas.”

Tumanggi ang binata.

“Truce nasa panganib si Nemain ngayon.”

“Anong sabi mo na nasa panganib si Nemain?” tanong ng kadarating pa lamang na si Pict. Kasama nito sina Raul at Aesir. Nagtakbuhan na rin ito dahil nalaman nilang dumating si Morrigan na sugatan. Isa pa, wala silang masyadong balita sa nangyayari sa labas dahil makapal at napakataas ng pader ng buong paaralan.

Nagulat si Raul nang makita si Lir na sugatan at parang nanlilimahid pa sa kung anong malagkit na likido.

“Ano ‘yan? Laway? Galing ka ba sa bunganga ng isang halimaw?” ani Raul dahil iyon lang naman ang naiisip niya.

“Hindi lang isang halimaw kundi marami sila,” tahasang sagot ni Lir.

Napangisi si Aesir na parang hindi makapaniwala sa narinig.

“At nagawa mong iwan doon si Nemain habang nakikipaglaban mag-isa?” sarkastikong nitong tanong.

“Ipinagbilin niyang dalhin ko rito ang kanyang ina. Kasama niya roon si Hybor.”

Isang suntok ang dumapo sa panga ng binata mula kay Aesir.

“Tumigil na kayo! Hindi ngayon ang oras para mag-away!” Pumagitna na si Pict.

Pinahid ni Lir sa kanyang panga ang lumabas na dugo. Nasaktan man ay pinilit na lang niyang samaan ng tingin si Aesir.

“Naniniwala siyang ang Cimmeria Academy ang tanging ligtas na lugar ngayon rito sa Cimmeria. Wala kayong ibang ginawa kundi ang magpakadalubhasa pero hindi n’yo alam na sa mismong paglabas n’yo rito, mga halimaw na ang namamahala sa buong lupain at hindi na mga Cimmerians!”

Natahimik ang lahat dahil sa sinabi ni Lir. Napabuntong-hininga na lamang si Truce at itinaas ang mga daliri. Sa isang iglap, mas tumaas ang mga nakapaligid na pader sa kanila. Mas nagdoble ang kapal at taas nito. Nagulat ang lahat ng mga nakasaksi.

“Magsihanda ang ilan sa inyo. Lalabas tayo ngayon ng akademya,” utos nito at hinugot ang sukbit na espada.

“Sasama ako,” pagputol ni Pict at nagsumamo kay Truce. Bakas sa mukha ng dalaga ang pag-aalala para sa kaibigang si Nemain.

“Maiiwan ka rito kasama si Raul. Matyagan ninyo ang buong paligid. Kung sakaling may mangyaring panganib, maging alerto kayo. Marami kayo rito kung tutuusin,” paalala ni Truce kaya natigilan si Pict.

“Kaya ko naman makipaglaban,” giit pa nito na tila ayaw papigil.

“Mas malaki ang magiging ambag mo kung mananatili ka rito. Kailangan ka ng lahat ng narito. Makinig ka na lang, Pict,” ani Aesir at  hinawakan sa magkabilang balikat ang kaibigan. Kahit labag sa loob, tumango na lamang ang dalaga.

“Ipangako mo sa aking poprotektahan mo si Nemain, ha?”

“Pangako,” sagot ni Aesir at itinaas pa ang kanang kamay. Napaiwas na lamang ng tingin ang nakikinig na si Lir habang ginagamot ang kanyang sugatang binti bago muling lumipad sa himpapawid.

“Makinig ang lahat!” sigaw ni  Truce na kumuha ng atensyon ng nakararami.

“Mula sa gabing ito, ang Cimmeria Academy ay hindi na lang isang akademya para sa mga mag-aaral na gustong magpakadalubhasa. Ang paaralang ito ay magsisilbing proteksyon at kanlungan ng mga sugatang Cimmerian sa nagaganap nang digmaan,” paliwanag ni Truce.

“Hindi natin hahayaang manaig ang kadiliman. Kasama ng itinakda, lalaban tayo!” Itinaas niya ang espada at sumigaw. 

Umalingawngaw ang matatapang nilang boses sa buong paligid. Halos mabingi si Lir at walang nagawa kundi alinlangan na ring itinaas ang kanyang espada.

“Lalaban para sa Cimmeria!”

Tulad ng tradisyon nila tuwing sasabak sa pakikipaglaban, mawalakang giyera man o dwelo lamang, nagpipinta sila ng kulay asul na pintura sa mukha bilang sagisag ng katapangan ng kanilang lahi.

“Ilang parte na lang ng Cimmeria ang hindi pa nasasakop, kamahalan,” pagbabalita ng munting nilalang sa higanteng halimaw na kaharap niya ngayon. Kapwa sila nakatunghay sa salamin kung saan kitang-kita nila kung paano makipaglaban ang itinakdang si Nemain laban sa mga halimaw na ipinadadala nila sa lupain ng Cimmeria.

Napangisi si Murrogh at itinapon ang hinihithit na tabako sa kung saang lupalop ng silid.

“Alam kong matatapang ang mga taga-Cimmerian pero sa kasamaang palad, hindi mananaig ang lahi nila ngayon. Ang lupain ng Cimmeria ay para sa akin at para sa kampon ko, hindi para sa kanila.” Naningkit ang mga mata nito habang pinagmamasdan ang dalaga na lupigin ang ilang halimaw na nagtatangka siyang patayin.

“Walang magagawa ang itinakda nila sa mga oras na ito. Bitbit ko ang alas ng pagbagsak niya kung sakali,” nakangisi niyang sambit at naikuyom ang malalaking kamay na may mahahabang kuko.




***

CIMMERIA ACADEMY: School For Angels Of DestructionWhere stories live. Discover now