CHAPTER 35

106 9 2
                                    

CHAPTER 35



“ANG kailangan nating gawin ay ilikas at itakas ang mga inosenteng Cimmerians na nadamay lamang sa labanang ito. Sugatan na sila at ang iba’y hindi na makalakad. Aesir, makakaasa ba akong ihahatid mo sila hanggang sa akademya upang sunduin naman ni Pict at ng iba pa?” ani Truce at gamit ang telescope, pinasadahan niya ng tingin ang buong kalupaan na nababalot na ng nyebe. Malaki ang kakayahan nilang makapaslang ng maraming halimaw ngayong gabi dahil mas matalas ang kanilang paningin kapag nasa kadiliman. Pinanganak ang Cimmerians na may matalas na paningin at pandinig kaya ito ang magiging kalamangan nila sa mga kalaban. Ngunit ang hindi lang nila sigurado ay ang pagiging tuso ng mga ito. Maliliksi ang mga halimaw at ang iba nama’y hindi makita. Para ka lang kumalakalaban sa hangin.

“Makakaasa ka,” paninigurado ni Aesir at tumalikod na para gawin ang nakaatas sa kanya. Akma na siyang lilipad paalis nang tawagin siya ni Nemain.

“Ingatan mo ang sarili mo. Mapanganib sila,” paalala ng dalaga. Ngumiti lamang ng tipid si Aesir at tumango. Muli niyang ipinagaspas ang pakpak pagkuwa’y tuluyan nang lumipad sa napakadilim na himpapawid ng Cimmeria. Kinakabahan ang dalaga para sa kaibigan.

“Hindi ko alam kung dapat ko ba ‘tong sabihin, Nemain. Pero kailangan rin nating maghiwa-hiwalay. Nasa gitna tayo ng Cimmeria ngayon. Napaliligiran ng mababangis na nilalang. Kapag nakakita ka ng inosenteng Cimmerians, huwag kang magdalawang-isip na iligtas sila. Maliwanag ba?” paliwanag ni Truce ngunit umiling lamang si Nemain.

“Nagkakamali ka. Ilang oras na ako rito at alam ko na ang mga galawan nilang lahat. Ginagamit nila ang ilang Cimmerians para magbalat-kayo. At kapag nahabag ka, saka ka nila papaslangin. Hindi sila ordinaryong halimaw, Truce. May nagmamanipula sa kanila.” Dahil sa sinabi ng dalaga ay natigilan ang guro. Hindi niya mapigilang mamangha dahil sa angking karunungan ni Nemain. Lumalabas na talaga ang totoong kakayahan nito.

Tumango na lamang siya bilang pagsang-ayon.

“Kung ganoon, huwag nating pairalin ang pagiging maawain ngayon. Paganahin muna natin ang isip bago tumulong.”

Maingat ang ginawang paghakbang ni Nemain sa kalagitnaan ng makapal na nyebe. Marami na siyang nadaraanang bangkay ng ilang Cimmerians at ang ibang halimaw na naghihingalo na dahil sa lamig. Maging siya rin naman ay halos manginig na pero hindi ito ang oras para magpahinga kahit nakakapagod. Sa totoo lang, wala siyang ideya kung paano magtatapos ang gabing ito. Ngunit isa lang ang misyon na nasa isip niya. Ang hanapin ang puno’t dulo ng lahat ng ito at iyon mismo ang wasakin. Ngunit paano? Kung ang hinahanap niyang puno’t dulo nito’y makakaharap lamang niya oras na masawi siya at mamatay?

Ramdam niyang nasa Bridge of the Swords ang hinahanap niya. Ang tulay na iyon ay para lamang sa mga kaluluwang tatawid na sa paraiso. Hindi pa siya dapat mamatay. Paano na lang ang Cimmerian na ngayo’y nahihirapan na at hindi na makabangon? Bukod sa nababaon na nang tuluyan sa mapa ang buong lupain nang dahil sa nyebe, ilang daan na ang namamatay sa kanila. Gusto na niyang maiyak. Hindi epektibo ang pagiging itinakda niya. Pakiramdam niya, siya lang ang nagdala ng malas sa buong lupain magmula noong nalaman ng lahat na siya ang nasa propesiya.

Napaluhod na lamang siya at hinayaang talunin siya ng panghihina. Hindi na niya kasama sina Truce dahil nagkanya-kanya na muna sila ng landas. Sa gayon, mas marami silang maililigtas na Cimmerians. Nagpalinga-linga siya sa pag-asang makakahanap muna ng pansamantalang pagtataguan.

Nakakakilabot ang paligid. May naririnig siya singasing kaya hindi niya hinayaang mawala sa kanyang kamay ang hawak na espada. Hindi niya pwedeng gamitin ang itinatagong kapangyarihan sa loob ng kanyang sistema. Hindi pa. Kailangan niya itong ireserba para sa huli niyang inaasahang kalaban.

Paika-ika man, dumiretso siya sa paglalakad. Mas malakas ang ihip ng hangin kumpara kanina dahil mas lumalalim na ang gabi. Natagpuan niya ang sarili sa Fort Vinerium. Napakatahimik ng paligid. Tanging ugong lamang ng malalakas na alon ang kanyang naririnig. May palutang-lutang na bangkay ng mga Cimmerians. Ang ibang barko at mga bangka, wasak na dulot ng pag-atake ng mga halimaw kanina. Nanlulumo siya sa kanyang mga nakikita. Hindi niya akalaing mangyayari agad ang kanyang kinatatakutan. Wala namang senyales na ganito kabigat ang kanyang pasanin. At mas lalong hindi niya inaasahang darating agad ang bagay na susubukin ang pagiging responsable niya bilang isang itinakda.

Lakas-loob niyang hinipan ang pito upang tawagin ang alagang dragon ngunit walang dumating ni wala siyang narinig na pagpagaspas. Otomatiko niyang pinukpok ang napulot na kawayan sa mismong punduhan ng mga bangka upang kumuha ng atensyon. Alam niyang aalingawngaw ito kung sakali at maririnig ng iba. Mahahanap niya ang ibang Cimmerians na kanyang maililigtas. Ngunit wala. Umaalingawngaw lamang pabalik ang ginagawa niyang ingay. Hanggang sa ang ingay na iyon ang naging dahilan para marinig siya ng mga sumisingasing na halimaw. Nanlaki ang kanyang mga mata.

“Yare na,” sambit niya sa sarili at tinalasan ang pandinig. May mga paparating na naman. Ang matalas niyang paningin ang naging dahilan para mamatyagan niya ang mga hindi nakikitang nilalang. Kahit sabihin pang nakikipaglaban lamang siya sa hangin, iwinasiwas niya ang napakatalim na espada. May naririnig siyang pagkabuwal at pagdaing sa sakit. Kahit papaano’y nagiging kampante siya na natatamaan niya ang lahat ng hindi nakikitang halimaw.

Napangiwi siya matapos siyang kalmutin ng isa sa kaliwang braso. Halos mabitawan niyang espada at mapaluhod dahil sunod nitong dinaplisan ang binti niya. Tumulo ang itim niyang dugo sa parehong sugat. Kumikirot-kirot ito at inis na inis siya sa pakiramdam. 

Isang kakaibang pwersa ang nagsimulang humatak sa kanyang katawan dahilan para maipalo niya ang sariling braso sa nakatayong poste malapit sa daungan ng barko.

Pinilit niyang bumangon kahit napakasakit na ng kanyang buong katawan. Pakiramdam pati niya’y wala nang silbi ang kanyang mga pakpak. Ngunit isang maling hakbang lamang at nadulas siya pabagsak sa napakalalim at madilim na tubig-dagat. Pilit siyang umaahon ngunit sadyang napakabigat na ng katawan niya. Iminulat niya ang mga mata sa ilalim ng tubig. Wala siyang makita. Nahihirapan na rin siyang makahinga.

Hindi. Hindi pwede ito. Bakit ngayon pa? Napakarami nang tubig ang pumapasok sa katawan niya. Gusto niyang humingi ng tulong ngunit hindi siya makasigaw. Hanggang sa tuluyan na siyang mawalan ng hangin. May humigit pa sa paa niya paibaba. Mas nagdilim na ang lahat sa kanya.




***

CIMMERIA ACADEMY: School For Angels Of DestructionWhere stories live. Discover now