CHAPTER 1

727 36 5
                                    

CHAPTER  1

IPINIKIT ni Nemain ang mga mata at ibinuka ang pakpak. Nakatungtong siya ngayon sa matayog na bato. Tanaw mula rito ang kabuuang sakop ng lupain nila, ang Cimmeria.

Hindi niyang mapigilang magmulat at tantyain ang lalagpakan kung sakaling pumalpak ang kanyang paglipad. Napalunok-laway siya dahil sa nararamdamang kaba.

"Ipikit mo ang iyong mga mata. Walang mangyayari kung hindi  mo ipopokus ang iyong atensyon sa itinuturo ko sa iyo!" masungit na sambit ni Morrigan na nakamasid lamang sa anak. Nakahalukipkip ito at may bitbit na patpat. Pamalo niya ito sa anak niyang hindi matutong lumipad gamit ang sarili niyang mga pakpak. Palagi na lamang kasi itong umaasa sa alaga nitong dragon.

"I-Ina? Hindi naman siguro ako mababalian ng mga buto kung sakaling h-hindi ko magawa, ano?" kinakabahan na tanong ni Nemain sa ina.

"Huwag kang mag-alala. Sasabog lang naman ang ulo mo at magkakalasog-lasog ang katawan kapag pinairal mo ang iyong kahangalan," sarkastiko nitong sagot sa anak. Napangiwi si Nemain at muling ipinikit ang mga mata. Panay ang usal niya ng dalangin na sana magawa niya ito dahil sawa na siya sa hampas ng patpat ng kanyang inang si Morrigan. Bukod sa masakit ito pumalo, nag-iiwan rin ito ng pasa sa kanyang katawan.

"Lipad!"
Sa kumpas ng ina ay ibinuka niya ang itim at malalaking pakpak pagkuwa'y bumulusok pababa. Ngunit hindi niya magawang isabay sa pagbagsak ang mabibigat niyang pakpak dahilan para mawalan siya ng balanse. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang babagsakan.

"H-Hala!" tili niya nang maaninaw ang mahamog na kapaligiran. Madilim ito ngunit alam niyang may nag-uusliang mga bato sa baba. Hindi na niyang mapigilang kabahan at walang paligoy-ligoy na hinagilap ang pito. Hinipan niya ito nang ubod lakas.

Nakarinig siya ng malakas na pagaspas ng pakpak. Bago pa siya tuluyang bumagsak ay dinagit na siya ng isang napakalaking dragon.

"Phew! Alam kong hindi mo talaga ako hahayaang mamatay. Salamat, Cruah! Isa ka talagang magiting na tagapaligtas!" aniya at tinapik sa likuran ang alagang dragon. Muli niyang hinipan ang pito. Lumipad nang mas mataas ang dragon sa ere.

Lumapag sa harapan ni Morrigan ang dragon na si Cruah lulan si Nemain na tila lantang-gulay dahil sa pagkalula. Halos umikot pa ang paningin nito at palugmok na naupo sa lupa.

Napangiwi si Hybor na alagad ni Morrigan. Nagpipigil ito ng tawa kaya nilingon siya nito at sinamaan ng tingin. Tumikhim ito.

"Ano, kamahalan? Pasado na ba? Pffft!"

Naikuyom ni Morrigan ang kamao dahil sa inis na nararamdaman. Palpak na naman ang anak niya sa pagsasanay ngayong araw.

"Inuulit ko, Nemain. Walang Cimmerian ang hindi marunong lumipad. Kung nakikita lang ito ng iyong ama, paniguradong hindi ka lang niya pinalo ng patpat. Tinadyakan ka na rin niya," kalmado ngunit may halong inis sa boses ng ina at tumalikod na. Sumunod sa kanya si Hybor.

Naiwan si Nemain na nakaupo at habol ang hininga. Maging ang mga pakpak niya'y parang nanlumo bigla dahil sa narinig. Mayamaya, may umubo mula sa kanyang likuran. Napalingon siya at nakita ang mapang-asar na mukha ni Lir. Kakalapag lamang nito dahil nakabuka pa ang mga pakpak. Tulad niya, kulay abo rin ang mga mata nito, may dalawang mataas na sungay at matangos na ilong.


"Akalain mong ang kaisa-isang anak ng magiting na mandirigma ay hindi nagmana sa kanyang ama at ina," komento niya at tiningnan siya sa nakakaawang titig. Nakuyom niya ang kamao at biglang tumayo. Sinamaan niya ng tingin si Lir.

"Sa panget mong iyan, may gana ka pang alipustahin ako?" Dahil sa insulto niya sa binata'y humaglpak lamang ito ng tawa. Iyong tawa na halos mamilipit at sumakit na ang tiyan.

Mas nairita lamang ang dalaga sa kanya.

"Ako pa ang sinasabihan mong panget, e ako ata ang pinakagwapo rito sa Cimmeria! Ang anak ni---aray!" Hindi na naituloy ni Lir ang sasabihin nang hatakin na ni Nemain ang kaliwa niyang tenga. Dahil sa mahaba naman talaga ang tenga ng isang Cimmerian, mas humaba pa ata ito dahil sa ginawa ni Nemain. Dumaing sa sakit si Lir.

"Bitawan mo ako, hangal!" sigaw pa nito at iwinakli ang kamay ng dalaga. Matapos siyang makahulagpos, lumipad siya sa pinakamalayo kung saan hindi siya maaabot ni Nemain.

Magkasalubong na ang mga kilay nito. Pero hindi na niya magawang maabutan ang binata dahil nasa kabilang panig na ito ng lupa. Nakatungtong sa mataas na bato at pilit binabalanse ang sarili.

"Ano? Hindi mo ako kayang abutin? Sabi na nga ba't hanggang pagtingin ka lang sa akin." Tulad ng nakagawian, mahangin na naman kung magsalita itong si Lir. Hindi niya alam kung bakit tuwang-tuwa itong asarin siya. Ito na ata ang pinaka-immortal niyang kaaway rito sa Cimmeria bukod sa mga halimaw na nais sumakop sa kanila.

"Taragis ka! Kapag ako nakalipad, putol iyang dalawang tenga mo sa akin!" Halos mapatid ang litid sa leeg ni Nemain kakasigaw.

"Bleh! Lipad ka nga?" hamon ni Lir ngunit natigil si Nemain sa kinatatayuan nang matanaw na naman sa baba ang babagsakan. Namuo muli ang kaba sa dibdib niya kaya otomatiko siyang napaatras.

Saglit lamang at kumaripas na siya ng takbo palayo. Masama ang loob at pinanghihinaan ng kakayahan.

Napataas ang kilay ni Lir nang matanaw ang dalagang tumatakbo na palayo sa kanya.

"Pikon. Talo. Tss," bulong niya at napangisi na lamang.








Tunog ng mga nagkikiskisang espada at metal ang narinig ni Nemain nang pasukin niya ang malawak na dome. Naabutan niya sina Aesir, Raul, at Pict na nagsasanay sa paghawak ng sandata. Ito ang tatlong malalapit niyang kaibigan rito sa kanilang lupain. Si Pict lamang ang babae rito, pangalawa siya.

Lupaypay siyang umupo sa sulok at pinagmasdan itong makipaglaban sa isa't isa. Napakahusay na ng mga ito sa paghawak ng iba't ibang uri ng armas. Napahawak tuloy siya sukbit na espada. Marunong siya ngunit hindi ganoon kagaling. Siya lang ata ang namumukod-tangi sa kanilang apat. Isa talaga siyang kahihiyan sa lahi nila.

Parang nasaktan naman siya dahil roon.

"Uy, andiyan na si Nemain! May katunggali ka na, Aesir!" sigaw ng nakangiting si Pict at itinuro ang direksyon niya.

Halos kumabog naman ang puso nitong si Nemain nang ngitian siya ni Aesir. Humahanga talaga siya rito noon pa.

Iwinasiwas ni Aesir ang hawak na espada sa ere at tinusok sa konretong sahig. Nagulat si Nemain sa ginawa nito.

Halata namang hinahamon siya ng binata. Napaiwas siya ng tingin. Ayaw niyang mapahiya.

"H-hindi ako," tanggi niya pero bago pa siya makapagsalita muli, binato na sa kanya ni Aesir ang hawak na espada at ngumiti.

"Gamitin mo. Palit tayo," alok nito sa kanya. Mas kumabog ang puso niya at wala nang nagawa.

Ayaw rin namang madismaya ang dalawa pa niyang kaibigan sa dwelo. Yare na, ano nang gagawin niya?

***

CIMMERIA ACADEMY: School For Angels Of DestructionWhere stories live. Discover now