CHAPTER 25

124 10 3
                                    

CHAPTER 25



SA muling pag-ihip ng hangin ay muling dumagundong ang tunog ng gong sa kapaligiran. Waring nagbibilang bilang hudyat na magsisimula na ang tagisan ng lakas lsa pagitan nina Morrigan at sa mag-ina. Kalmado lamang si Aella ngunit nababahala si Serephain. Hindi maganda ang kutob niya rito.

“Ina, itigil na lang kaya natin ito?” naiiyak na ang dalaga. Hinawakan ni Aella ang magkabilang balikat ng anak at tinitigan sa mga mata.

“Makakaya natin ‘to.”

“Paano kung hindi?”

Agad inihanda ni Aella ang hawak niyang espada nang maramdaman niyang susugod na si Morrigan sa pwesto niya. Hindi nga siya nagkamali dahil nakalipad na ito malapit sa kanya. Balak na siya nitong undayan agad ng saksak ngunit mabilis siyang nakaiwas. Napaatras ang kinakabahang si Serephain.

“Ang duwag mo, bakit ka umiiwas?” nanggigigil na sambit ni Morrigan habang walang tigil pa ring iwinawsiwas ang dalang espada.

“Sino ba ang nagturo sa akin noon na huwag munang atakehin ang kalaban at hayaan muna siyang mapagod bago ibigay ang tuluyang pag-atake?” Hingal na hingal na rin si Aella kakaiwas at takbo matakasan lamang ang talim ng espada ng kapatid.

Napangisi lamang si Morrigan.

“Pareho lang tayong mapapagod rito,” sambit niya. Nagawang maisalag ni Aella ang kanyang malaking espada sa kabila ng panginginig dahil pagod na pagod na siya. Walang humpay kasi silang naglakbay kahapon pa at ngayon naman ay hinamon pa siya ng kanyang kapatid sa isang dwelo na hindi inaasahan.

Nakanganga lamang si Nemain habang pinagmamasdan ang kanyang ina at si Aella. Si Hybor naman ay tuwang-tuwa at halos pumalakpak sa isang tabi nang makita ang pagbagsak ni Aella sa konkretong sahig. Halos mapangiwi ito sa sakit ngunit hindi nagpatinag si Morrigan sa paglapit rito.

“Magkasinghusay sila,” komento ni Nemain kahit maging siya’y kinakabahan na rin. Hindi naman siguro aabot sa puntong papatayin ni Morrigan ang sarili niyang kapatid hindi ba?

Napailing si Hybor na tila hindi sang-ayon sa sinabi niya.

“Kita namang mas mahusay ang iyong ina.”

Nahigit nila ang kanilang mga hininga nang magsimula nang atakehin ni Morrigan ang sarili niyang kapatid. Nadaplisan na rin ito sa braso. Nakita niya kung paano ipinagtanggol ni Serephain ang kanyang ina. Ito naman ang kumakalaban kay Morrigan ngayon. Hindi hamak na mas maliksi ito kumpara kay Aella dahil nga siguro sa edad nito.

Napakagat-labi na lamang si Serephain nang dumaplis rin sa braso niya ang talim ng espada ni Morrigan. Ito ang naging dahilan para mabitawan niya ang sarili niyang sandata at tumalsik hindi kalayuan sa kanyang ina.

“Serephain!” sigaw ni Aella sa kabila ng malaking sugat nito sa braso. Pilit siyang tumatayo upang saklolohan ang anak pero nanghihina na talaga siya.

Nagpambuno sina Serephain at Morrigan sa maalikabok na sahig. Himalang ni isang galos ay hindi makikitaan ang balat ni Morrigan. Kalmado nitong sinasakal ang sugatang pamangkin. Nasa puntong hindi na makahinga si Serephain dahil sakal siya ni Morrigan at nakadagan pa ito sa kanya. Napaubo na lamang siya.

Natigil sa pananakal si Morrigan nang mapansing tumatayo na si Aella upang lapitan sila. Agad niyang ikinumpas ang kabilang kamay at ibinato ang itim na kapangyarihan para di na makagalaw pa ang kapatid sa kinatatayuan nito.

Napasigaw na lamang si Aella sa hapdi na nararamdaman. Para siyang sinasakal at winawasak ang buong sistema ng pagkatao niya. Nanunuot sa kalamnan ang hapdi nito.

“Ina!” iyak ni Serephain. Pawisan, duguan at nanghihina na ngunit pinilit pa rin niya pigilan si Morrigan. Ayaw man niyang gawin ay sinampal niya ito sa magkabilang pisngi upang makabangon siya. Hagilap ang espada at nangangapa sa sahig. Nahihilo na rin siya.

“Hindi ako tumatanggap ng pagkatalo, bata.” Iwinasiwas ni Morrigan ang kamay at sa isang iglap tumalsik pa lalo ang espada ng dalaga palayo sa kanya hanggang sa hindi na niya ito maabot. Hinigit ni Morrigan ang buhok niya kasabay ng pagbagsak muli niya sa sahig. Napadaing na siya sa sakit ng likod.

“Bitaw—accck!” Hindi na siya makahinga dahil sinakal na ulit siya ni Morrigan. Wala na siyang kawala pero nagpumiglas pa rin siya. Naghahalo na ang pawis, dugo at alikabok sa kanyang katawan at pisngi. Napakagulo na rin ng kanyang buhok.  Pero iniingatan pa rin niyang huwag mabali ang kanyang mga pakpak. Ikamamatay niya ito kapag nagkataon.

Nagtiim-bagang si Serephain nang marinig ang muling pagtunog ng gong. Nag-uumpisa na itong magbilang mula una hanggang sampu. Nasa ikaanim na. Nararapat na makatayo siya para sila ang manalo ngunit hindi.

Sa huling pagbagsak ng gong ay ang pagsuntok sa kanyang mukha ng nanggigigil na si Morrigan. Halos mamanhid na ang kanyang pagkatao. Ni hindi na niya maramdaman ang sakit na dulot ng paulit-ulit niyang pagkabagsak kanina. Naramdaman na niya ang mainit na likidong umaagos sa kanyang noo. Ang pagkirot ng kanyang pumutok na labi.

Tapos na ang laban, napapikit siya at hingal na hingal. Nakarinig siya ng sigawan ng mga kawal. Nagdiriwang ito at nagpupugay sa pinuno nilang nagwagi sa dwelo. Walang iba kundi si Morrigan. Sa nanlalabo niyang paningin ay nakita niya ang pagsugod sa kanya ng isang kawal at pilit siyang itinatayo kahit para na siyang lantay na gulay. Gayundin ang ginawa sa kaniyang ina.

Naroon si Morrigan, nakangisi nang malapad habang hawak ang kanyang espada. Naipikit muli niya ang kanyang mga mata nang lapitan siya nito at itutok sa dibdib niya ang talim ng hawak na armas. Taas –noo itong nakatingin sa kanya.

“Paano ba ‘yan, natalo ko kayo.”

“Pakiusap, ate. Huwag mo nang ituloy ang binabalak mo. Nakuha mo na ang gusto mong pagkapanalo kaya hayaan mo na kaming makaalis rito at makahanap ng mapagtataguan,” pakiusap ng nanghihina na ring si Aella. Napunta sa kanya ang titig ni Morrigan.

Sa hindi malamang dahilan ay nakita niya ang sarili sa kapatid na handang ipagtanggol ang minamahal na anak kahit nahihirapan na. Naisip niya si Nemain. Napasulyap siya sa anak na nakatitig lamang sa binabalak niyang gawin sa hindi kalayuan. Kumirot ang puso niya.

Humugot siya ng malalim na buntong-hininga at ibinaba ang espada.

Pinasadahan niya ng tingin ang sugatan na mag-ina. Napaiwas siya ng titig sa bandang huli.

“Dalhin sila sa loob, gamutin ang mga sugat at bihisan. Paghandaan ng masasarap na pagkain at isarado ang buong lagusan ng kampo,” diretso nitong anunsyo na ikinabigla ni Aella. Nagkatitigan silang magkapatid.

“Ngayon lang ako magiging mabuti sa inyo. Sa susunod, ako na ang papatay sa anak mo,” sambit nito at naglakad na palayo. Naluluha man ay napangiti si Aella sabay sulyap sa nahimatay nang si Serephain.



***

CIMMERIA ACADEMY: School For Angels Of DestructionWhere stories live. Discover now