Nagkatinginan ulit kami ni Bubbles at tinanguan niya ko. Kaya sabay kaming nagsabi ng 'Promise' at may pagtaas pa ng aming kanang kamay na parang nanunumpa.

Nagpalinga-linga ito ulit sa paligid upang masiguro marahil na walang makakarinig. Pinalapit niya kami sa pwesto niya sa pamamagitan ng maliit niyang hintuturo. Kaya sumunod kami ni Bubbles at tinapat ang aming tenga malapit sa bibig niya.

"Gusto ni Kuya Buknoy si Ninang Ganda ko! Kaso si Ninang pakipot pa."

"Bakit ang tagal niyo riyan?" Biglang labas ni Ate Eris na nakapangbahay na. Nakapagpalit na ito ng simpleng t-shirt at short. "Hoy! Hoy! Ano namang binubulong mo riyan sa dalawa? Huwag niyong pansinin ang mga sinasabi niyan. Napakapilya ng batang ito! Halika na kayo pasok na."

Hinila na niya si Princess na lumigon pa sa amin na nakalagay ang maliit na hintuturo sa bibig.

"Ang cute! Nakakagigil! Kaso nabrokenhearted ako sa revelation niya. Magpaparaya na lang ako, para naman kay Ate Eris. Pero sayang talaga! Aish! Tara na nga!" Yaya ni Bubbles na nanghihinayang.

Napa-iling na lang akong sumunod.

"Baby, nasaan ang nanay mo?" Dinig naming tanong si Ate Eris.

Ngunit hindi namin sila nadatnan sa sala. Maliit lang ang sala nila. May isang mahaba at pang-isahang upuan. Sa gitna, may kahoy na lamesita. Sa tapat nito ang isang kahoy na istante na may mga maliit na anghel. Mayroon ding katamtamang laking telebisyon. Umupo na kami ni Bubbles sa mahabang kahoy na upuan.

Sumulpot naman bigla ang mag-ninang. "Gutom na ba kayo? Naghain na ako roon sa mesa. Pero hintayin lang natin sina Ate ha? Nasa kabilang bahay lang, nahimatay raw kasi si Apung Ruby kanina sabi nitong si Princess. Nood muna tayo ng tv."

Binuksan niya ito at sinindi na rin ang bentilador. Pagkaupo ni Ate Eris sa pang-isahang upuan tiningnan niya mula ulo hanggang paa ang bata. "Baby tumangkad at tumaba ka. Lalo ka rin gumanda katulad ni ninang."

"Thank you po Ninang Ganda! Marami po akong tulog kasi sabi ni Nanay tatangkad daw po ako agad. Tapos nakain po ako ng mga maraming prutas. Santol. Mangga. Bayabas. Grapes. Apple. Pati po maraming gulay! Talbos. Kangkong. Upo. Talong. Sayote. Patatas. Gabi. Kalabasa! Nakain din akong chicken, meat at fish! Tsaka iyong paborito kong nilagang ebun!" Kumindat-kindat pa ito matapos isa-isahin ang mga kinakain niya raw.

"Kumakain ka ng ganoon?" gulat na tanong ni Bubbles.

"Opo ate! Favorite ko po iyon! Nilagang ebun! Marami po akong nakakain kapag iyon po ang ulam namin, nakakalima po ako. Gusto niyo po bang paluto tayo kay Nanay bukas? Marami po kami riyan, papakuha po ako kay Tatay mamaya," ramdam mo ang kasabikan sa kanyang mga salita.

Pero lima talaga nauubos nitong batang ito? Sabi ko na nga ba may sa-chanak siya.

"Ah... Eh..."

"I. O. U? Ninang Ganda hindi po ba sila kumakain ng paborito ko? Sayang naman!" Malungkot na napanguso ito.

Nagkibit-balikat lang si Ate Eris sa kanya.

"No, Princess. Kumakain kami ng Ate Bloomy mo. Hindi ba?" tanong nitong katabi ko.

"Oo naman!" sakay ko na lang.

"Yehey!" Masayang nagtatalon-talon ito. "Paramihan po tayo ng makakain mga Ate ha? Wala pa pong nakakatalo sa akin! Laban mga Ate?"

Napatawa ng malakas si Ate Eris sa hamon ng kanyang pamangkin.

Napangiwi naman si Bubbles, napasubo na! "Oo naman!"

"Talaga lang ha!" Natatawang komento sa amin ni Ate Eris.

"Yehey! Excited na ko! Excited na ko! Excited na ko!" Masayang pakanta ni Princess habang pakembot-kembot pa.

#AríyaWhere stories live. Discover now