Star Trail Seventeen

152 6 7
                                    

"Ate, Kuya, tara. Pasok na kayo sa bahay namin." maligayang bati sa amin ng isang batang babae na mukhang 10 years old na nakasuot ng payjamang kulay pink at kulay puting sando na butas-butas.

"Pasensya na po kayo sa bahay namin, medyo maliit at makalat." sabi naman no'ng isang babaeng mukhang nasa mid-40's at nakasuot ng daster.

Nasa labas pa kami ng bahay. Gawa lang sa kawayan, pawid, at tagpi-tagping yero ang bahay. Mas malaki pa ata ang kwarto ko sa bahay nila. Maraming puno sa paligid at tahimik. May mga bahay rin sa paligid na tulad rin ng bahay sa aming harapan.

Inikot ko ang aking tingin sa paligid. May mga nakita akong mga batang nagtatakbuhan habang nagtatawanan, mga babaeng kaaga-aga pa lamang ay nagkukwentuhan na habang naglalaba, at mga lalaking nagsisibak ng kahoy, nag-iigib, at nagkakape. I feel so nostalgic. Matagal na mula nang makaranas ako ng buhay na ganito. Naalala ko ang buhay namin noong nakatira pa kami sa Nueva Ecija kasama si lolo.

Dinala muna kami nila Manong Artemio dito sa bahay nila sa Namagbagan, Anda Pangasinan. Sabi ni Caelum, naglakad daw siya upang makahanap ng tulong dahil huminto nga kami sa gitna ng highway at nagkataon pang walang bahay sa paligid. Sabi niya, halos isang oras siyang naglakad bago mahanap itong lugar nila Mang Artemio. Kaya siguro ngayon ay ang tamlay ng hitsura niya at mukhang lupaypay.

"Kumain na ba kayo hijo, hija?" tanong sa amin ni Aling Delia, asawa ni Mang Artemio. Nandito kami ngayon sa isang lamesang gawa sa kawayan sa ilalim ng puno ng mangga. "Pasensya na kayo at ito lang ang nakayanan namin." sabi nito sabay tanggal ng kulay green na plastic na pantakip sa mga pagkain.

Bumungad sa amin ang isang platito na may lamang tuyo, isang maliit na mangkok na may lamang buro, nilagang itlog, nilagang kamote, at isang maliit na kaldero ng kanina. Kaagad akong natakam nang maamoy ko 'yong amoy ng tuyo. Halos ilang taon na rin kasi nang huli akong makakain ng tuyo. Sa Nueva Ecija, madalas na ganito ang umagahan na ihinahain ni lolo sa amin.

"Maraming salamat po sa pagkain." sabi ko at nagsimula na akong kumuha ng pagkain.

Si Caelum naman, halatang sabik na rin sa pagkain ngunit bakas sa mukha niya ang hiya. "Maraming salamat po sa pagkain."

Kumain ako gamit ang mga kamay ko. Matagal ko nang gustong maranasan ang ganitong umaga. Mapayapa at tahimik. Habang kumakain, imbis na ingay mula sa telebisyon at mga kasambahay ang aking naririnig, huni ng mga ibon, tahol ng mga aso, at lagaslas ng mga dahon ang mga naririnig ko.

"Iyong mga gamit niyo sa sasakyan, 'wag kayong mag-alala babantayan namin 'yon habang wala pang gulong 'yong sasakyan niyo." sabi sa amin ni Donatello matapos niyang ilapag sa lamesa ang dalawang tasa ng kape. Anak pala siya ni Mang Artemio at Aling Delia.

Nakasarado 'yong sasakyan ngayon at nando'n pa rin 'yon sa gilid ng highway. Babalik na rin sila Donatello doon matapos nilang maubos ang mga kape nila.

"Dito sa lugar namin, kaming mga magkakapit-bahay, kahit na namumuhay kami sa hirap, hindi namin naisipan na gumawa ng masama sa kapwa namin. Kahit na mahirap magbanat ng buto, kinakaya namin basta mabuhay kami ng may dignidad." dagdag pa ni Manong Artemio. Hindi ko maiwasang mamangha sa pananaw nila sa buhay.

"Dito sa munti naming komunidad, naniniwala kami na kahit wala kaming kayamanan, mayroon naman kaming dignidad na kaya naming pangalagaan at ipagmalaki." ani Aleng Delia na may dala pang plato na may lamang nilagang saging.

"Mukhang maganda nga pong tumira dito sa komunidad niyo. Payapa, masaya, tahimik kahit na simple lang ang pamumuhay." komento ko. Malayong-malayo ito sa nakasanayan kong buhay sa Dagupan ngunit mas mainam pa rin dito kaysa doon. Komportable nga ngunit nakakasakal naman.

Along With The Star TrailsWhere stories live. Discover now