5

14 2 0
                                    

"Tita! Kasama ko si Jessi, o!" sigaw ni Cleo sabay sara ng pinto sa aking likuran. "Tita!" sigaw pa nito pero walang sumasagot. Wala rin namang nagpapasok sa amin kaso alam ni Cleo kung saan ang nakatago ang spare key kaya ayon, nakapasok kami.


"Wala 'atang tao sa baba. 'Wag kang sumigaw," sinabi ko kay Cleo habang nakahawak ako sa kanyang braso. Ewan. Baka kasi mamaya ay may pasabog itong si Clifford. Hindi ko pa rin nakakalimutan ang banta no'n sa akin nang nagpunta siya sa bahay.


Hindi pa rin niya kasi nagagawa. Sinagot ko na't lahat-lahat, wala pa rin.


"Nasa kwarto 'ata ang boyfriend mo. Punta ka na lang do'n," sinabi ni Cleo. Inalis niya ang hawak ko sa kanyang braso at dumiretso sa pag-upo sa may salas. Binuksan niya agad ang TV at dumiretso sa Netflix.


Dumiretso ako sa kwarto ng boyfriend ko. "Teka! Wala pa akong damit," sigaw agad nito nang nakakalahati na ako sa pagbubukas ng pinto. Agad naman akong umatras at hinintay siyang matapos.


Nabitawan ko na lang ang door knob nang bigla itong hilahin mula sa loob. Maputlang mga labi ang bumungad sa akin.


"Ano'ng nangyari sa'yo?" tanong ko nang may pag-aalala sa aking boses. Paano ba naman ako hindi mag-aalala eh ang putla-putla ng lalaking 'to.


Hindi niya ako sinagot. Bagkus ay pinapasok niya lang ako sa kwarto niya at dumiretso siya sa pag-upo sa kama. "May sakit ka?" tanong ko ulit. Hinipo ko ang noo niya at ramdam ko ang init nito.


Umiling siya bago pa ako makapagsalita at tsaka humiga sa kama. "Hala, uminom ka na ng gamot? Kailan pa 'yan? Bakit ka mag-isa ngayon sa bahay?" dire-diretso kong tanong. Dahil nakatalikod siya sa akin ay inadjust ko ang katawan ko para makita siya.


Ni hindi nga siya makamulat nang maayos. "Tss, kumain ka na?" tanong ko. At least nakayanan niyang umiling ngayon.


Dumiretso ako sa labas at sinigawan si Cleo sa salas. "Hoy, tingnan mo nga kung may makakain d'yan sa baba. 'Yung madali lang lunukin, ha? Tapos bumili ka ng gamot."


"Bakit? Ano'ng meron?" tanong nito sa akin, nakatingala.


"May sakit si Clifford."


Agad siyang tumayo at kaysa icheck pa kung may sakit talaga si Clifford ay dumiretso na siya sa kusina. Sinabi niya sa aking walang makakain kaya magluluto muna siya ng lugaw bago bumili ng gamot.


Pumasok agad ako sa kwarto ni Clifford. "Umayos ka ng higa," sinabi ko kahit sa huli ay ako na rin ang nag-ayos sa kanya. Pasalamat na lang ako at hindi ganoong mataas ang lagnat ng lalaking 'to.


Kinuha ko ang kanyang kumot at binalot siya kahit pinilit niyang alisin 'to. "Isang alis mo pa d'yan, ako ang aalis. Tamo," pananakot ko na s'yang gumana naman. Pumunta ako sa banyo ng kwarto niya at naghanap kung may mapaglalagyan ba ng tubig dito.


Nang wala akong makita ay bumaba na ako at do'n naghanap. Kumuha ako ng yelo at pati na rin ng bote ng tubig para mainom niya.


Pagkapasok ko sa kwarto ay kumuha ako ng towel at sinimulang punasan ang lalaking 'to. "Ba't ka nagkaganyan?" sinubukan kong sabihin iyon nang may lambing at baka lalong sumama ang loob nito kapag nagtaray pa ako.


Ngumisi lamang siya nang hindi namulat ang mata. "Ano ako, si Marley? Ba't gan'yan ka kung magsalita?" tumawa pa siya tapos biglang umubo.


"Ayan, sige, 'wag mong ayusin ang pagsagot sa akin, ha?"


Lalo naman siyang natawa sa sinabi ko. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako sa reaksyon niya o hindi, eh. Hindi naman nakakatawa ang sitwasyon niya ngayon.


Nakabili agad si Cleo ng gamot kaya naman pinakain muna namin si Clifford bago ko pinainom ng gamot. Tumambay na lang ulit sa salas itong si Cleo kaya naiwan kaming dalawa ni Clifford sa kwarto.


Nakaupo lamang ako sa tabi niya habang nagbabasa ng librong nakita ko sa kwarto niya.


"Baka mahawaan kita," narinig kong sinabi ni Clifford. Medyo hindi malinaw ang pagkakasabi pero intindi naman. "Parating na rin sina mama. Baka gabihin pa kayo ni Cleo. Maabutan pa kayo ng ulan."


"Shh, 'wag ka ng magsalita," sinabi ko. Itinabi ko ang libro at pagbaling ko ulit sa kanya ay nakamulat na ang nanluluha niyang mga mata. "Nagpaulan ka ba kahapon?"


"Naulanan lang."


Tiningnan ko lamang siya gamit ang sawang sawang tingin dahil sa sagot niya. At least napangiti ko ang lalaking 'to. Nakarinig ako ng ingay sa baba kaya nand'yan na siguro sina tita.


Tumingin ako kay Clifford na nakapikit na ulit at ngayon ko lang napansin na hawak-hawak niya ang kamay ko.


Habang hindi tinatanggal ang hawak niya ay kinuha ko ang librong binabasa ko nang may magpatak na pirasong papel. Nasalo ko agad 'yon at binasa ang nakasulat, kung hindi man ito personal.


Pakiramdam ko ay bumagsak ang puso ko sa nakasulat dito. Napatingin ako kay Clifford. Napakagat ako sa labi ko nang wala sa oras.


We still have a lot of time to go. Makakayanan din naming dalawa ang magdesisyon kung saan nga ba namin tatahakin ang hinaharap, 'di ba? Malalagpasan din namin 'to.


Of course, with one withdrawing his or her decision for the other. Napaisip ako kung sino sa aming dalawa 'yong bibigay para sa gusto ng isa. Itinago ko pabalik ang papel na naglalaman ng offer sa isang company sa ibang bansa.


Ang galing naman ni Clifford. Hindi pa nagtatapos ng pag-aaral, may offer na agad ng trabaho.


Pumasok si tita sa loob ng kwarto ni Clifford kaya binati ko siya. 


Saktong pauwi na kami nina Cleo nang makarinig ako ng kulog at nakakita ng kidlat. Hindi naman umulan nang makarating ako sa bahay.

The Rain Says It's Okay To Not Be OkayWhere stories live. Discover now