1

22 1 0
                                    

Umuulan.


Nang mapatingin ako sa labas. Akala ko ay hindi na lalakas ang ambon kaso may dala rin palang kulog at kidlat. Iniharap ko sa akin ang aking bag para i-check kung dala ko ba ang payong at sino pa ba naman sa panahong 'to ang nagdadala ng payong?


Patitilain ko na lang. Wala pa naman akong balak umuwi. Baka naman mamaya ay titila rin 'yan kapag pauwi na ako. Kapag hindi naman ay magpapasundo na lamang ako kina Cleo.


Kinuha ko ang tsitseryang aking binili. Inilagay ko 'to sa aking bibig para buksan at pagkahila ko ay naramdaman kong parang ngipin ko 'yung matatanggal. "Aray, jusko," sambit ko habang hinahawakan ang aking labing nadamay.


Nakarinig ako na may bumungisngis kaya napatingin ako sa direksyon kung saan nanggaling 'yon. Isang lalake ang nasa harap ng mga ref at namimili, ang nakita kong nakangisi.


Tiningnan ko lamang siya hanggang sa kumuha siya ng bote ng Mogu Mogu at tumingin sa akin pagkasara niya ng ref. Magkaschoolmate kami base sa uniform at ID lace niya.


Agad kong iniwas ang tingin ko at binuksan na lang ulit ang tsitserya. Nagsimula akong kumain habang nakatitig sa screen ng cellphone ko. Tinatawagan ko sina Chloe.


[O?]


Si Maris ang unang sumagot sa group call na ginawa ko. "Sunduin mo ako. Nasa 7/11 ako, malapit sa school," diretso kong sinabi.


[Ala, bakit ako?]


"Kasi magkagroupmates tayo sa research. Kapag hindi mo ako sinundo, ibabagsak kita."


[Ano ka, teacher ko?]


"Ano ka, kampanteng hindi kita ibabagsak?"


Bigla niya na lang akong tinawanan sa kabilang linya. Nakasabit ang isa kong headset sa isa kong tainga habang ang isa ay nakalapag sa lamesa pero parinig ko ang tawa niya sa kabilang headset. Pinahinaan ko ang volume.


Napatingin ako sa paligid at halatang may kanya-kanya kaming buhay ng mga naandito sa 7/11. Nagkaroon ako ng pakiramdam na kailangan kong tingnan 'yung kuya na tinawanan ako kanina.


Nakapila na siya sa counter.


[Nasa bahay na ako. Bakit kasi hindi ka nagdadala ng payong? Kina Cleo ka magpasundo. Nasa school pa 'ata.]


"Hindi nga sumasagot."


Chineck ko ang listahan ng mga online at nakitang active 10 minutes ago sina Cleo at Natalie. Kaya naman ako nagpapasundo kay Maris ay s'ya 'tong may sasakyan. Nakakatamad kayang bumyahe nang naulan.


Lalo na kapag siksikan sa jeep tapos nakababa ang mga pangtaklob sa bintana? Nakakainis kaya 'yon at hindi ko makikita ang bababaan ko. Lalo pa man din nabibingi ang mga drivers kapag naulan.


[Ayan, layas pa, Jessi, layas pa.]


Minura ko si Maris na s'yang lalo niyang ikinatuwa. Kapag walang susundo sa akin ay wala akong choice kundi ang maghintay na tumila o bumili ng payong. Malayong lakarin pa man din ang papunta sa bahay.


Binaba ni Maris ang tawag nang sabihin niya sa aking gagawa pa siya ng assignment. Inutusan pa akong tumawag sa kanya kapag nakauwi na ako kahit naman pwede kaming magkatawagan habang nasa byahe ako.


Tinapos ko na lamang ang kinakain ko at itinapon ito sa basurahan sa loob ng store. Pagkalabas ko ay lalong lumakas ang ulan, lalo na ang ihip ng hangin. Sumilong ako sa kakaunting parte ng harap ng 7/11 na may silong.


Nagsimula akong mangamba nang mapansin kong parang hindi agad titila ang ulan. Nagsimula na akong magcompute sa utak ko kung magkano ang payong at ang magiging pamasahe ko.


Ang mahal pa man din ng payong sa 7/11. Amporkchop.


"Ate," may narinig akong tumawag mula sa tabihan ko at dahil ako lang naman ang nakatayo sa labas ay napatingin ako sa kanya. Katabi ko 'yung lalaking tinawanan ako kanina.


Anak ng porkchop talaga. Iniisip ko na kaninang hindi kami magkikita at hindi na naman kami magtatagpo ng landas. Duh, ang laki ng school namin, ni hindi ko nga tanda ang ilan sa mga kaklase ko.


Tapos heto siya ngayon, tinatawag akong ate tapos inaabutan ng payong.


"Payong," nakangiti niyang sinabi at iniaabot talaga ang payong sa akin.


Syempre, hindi ko agad tinanggap 'yon. "Hindi na po," sinabi ko at umatras nang kaunti. Hindi ako naiilang. Nahihiya lang ako.


Hindi niya na siya nagpumilit kaya humarap na lang ako sa kalsada. Ilang minuto kaming nakatayo roon, naghihintay na tumila ang ulan. Nagtataka ako kung bakit hindi pa siya umaalis eh s'ya 'tong may payong.


Tumingin ako sa cellphone ko para silipin ang oras at nakitang kalahating oras na kaming naghihintay rito sa labas. Kapag inabot ako ng isang oras dito, bibili na talaga ako ng payong.


Nang magsimulang humina-hina ang ulan ay naagaw ang atensyon ko nang nagsimulang maglakad ang katabi kong lalaki palayo ng store. May jacket naman siya at sombrero.


Nakalimutan kong magsuot ng jacket ngayon kaya hindi ko magawang umalis na rin. Pinanuod ko siyang sumakay sa jeep na saktong huminto sa kanyang harap.


Bago siya tuluyang sumakay ay tumingin muna siya sa akin at tinuro ang likuran ko. Tiningnan ko ang tinuro niya at nakitang nakapatong sa lamesa sa labas ang payong inaabot niya kanina.


Napatingin agad ako sa direksyon niya kaso wala na 'yung jeep. Napangisi ako nang wala sa oras.


Kinuha ko 'yung payong at naglakad papunta sa gilid ng kalsada para maghintay ng jeep pauwi.

The Rain Says It's Okay To Not Be OkayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon