CHAPTER TWENTY SEVEN

Start from the beginning
                                    

MAKALIPAS ang ilang oras.

Naramdaman ko nang buhatin ako nang walang kahirap hirap ng isang matipunong braso bago ito humakbang patungo sa kung saan.

Fufufu!

Saan kaya ako nito dadalhin?

Nasagot ang aking tanong nang marinig ang huni ng mga kuliglig sa paligid.

Sa labas ng packhouse.

Ibinaba ako at inihiga ng matipunong brasong iyon sa isang may kalambutang higaan at teka... ano iyong naaamoy ko?

Napakabango niyon at tila nakapalibot sa akin ang halimuyak.

Mga bulaklak?

Tama mga bulaklak iyon at kung tama ang aking sapantaha, bulaklak iyon para sa patay.

Fufufu!

Mukhang iyon na ang aking burol.

Nakaramdam ako ng panic.

Kailangan iyong matigil dahil buhay ako!

Nakarinig ako ng mga yabag at huminto iyon malapit sa akin.

"Masyadong mabilis ang mga pangyayari. Kahit hindi natapos ang pananaliksik mo, binibini, nawa ay maging mapayapa ang iyong kaluluwa sa kabilang buhay," anang boses na kilala ko.

Si Apache.

"Ngunit nakapagtataka ang biglaang pagkamatay ng binibini," boses ni Aztec at naulinigan ko pa ang pagbuntong hininga nito. "Walang sugat o anomang maliwanag na sanhi.  Maging sina Alpha ay hindi maipaliwanag kung paano ito nangyari."

"Ayon kay kuya, may napansin silang mansanas sa tabi ng binibini ng matagpuan nila ito sa gubat. Baka naman namatay s'ya sa gutom," ang babaeng tinulungan kong magluwal ng sanggol.

Napa-ungol ako sa aking isipan.

Muntik na itong tumama!

Malapit na talaga akong mamatay sa gutom ng mga oras na'yon pero ang mansanas talaga ang pinaka-dahilan ng lahat!

Halik!

Kailangan ko ng halik!

__________

>TIME SKIP<

SA nakalipas na mga oras ay naging malungkot ang mga asong lobo ng WarLord Territory dahil sa biglaang pagkamatay ng inaasahan nilang makalulunas sa Moon Coronapest.

Lahat ay sumilip sa burol ng binibini sa mahigpit na ring utos ng Alpha na s'yang pinaka naapektuhan dahil lubos itong umasa sa kakayahan ng dalagang manggagamot.

"Kuya, magpahinga ka muna," wika ni Samu sa nakatatandang kapatid na hindi umaalis sa tabi ng binibini.

"Samu," anas ng lider ng teritoryong iyon na ipinukol ang tingin sa walang buhay na dalagang manggagamot na tila natutulog lang sa kinahihimlayan nitong puno ng mababangong rosas. Marahas na nagbuga ng hangin ang Alpha bago nagpatuloy. "Hindi ko na alam ang gagawin ko. Kung saan ako hahanap muli ng manggagamot na maaaring makatulong sa atin."

Bumalatay ang lungkot sa mukha ni Samu saka tinapik sa balikat ang kapatid. "May awa ang D'yosa ng Buwan, kuya. Malay natin, paggising natin bukas, panaginip lang pala ang lahat ng ito. Na buhay pa talaga ang binibini."

Pagak na tumawa ang Alpha bago napa-iling at humakbang palayo. "Matagal na akong pinabayaan ng D'yosa ng Buwan nang kumalat ang epidemya sa lupaing ito at iwanan ako ni Brittany, Samu." Iyon lang at pumasok na ito sa loob ng packhouse.

Naaawang inihatid ito ng tingin ni Samu bago bumaling sa mga natitirang bantay sa burol na sina Apache at Aztec.

Malalim na ang gabi at pawang nakatulog na ang dalawa ngunit may mga maliliwanag na sulo naman na nagbibigay liwanag sa labas ng bahay at may mga bantay rin na nagroronda sa buong lupain kaya natitiyak nitong walang mangyayaring hindi kanais nais.

Muling nicheck ni Samu ang lahat bago ito tumalikod at sumunod sa kapatid upang balikan ang anak sa silid nito at magpahinga na.

Nabalot ng katahimikan ang buong WarLord maliban sa humuhuni na panggabing ibon, palaka at kuliglig.

Tumagal iyon ng ilang minuto bago binasag ng isang kaluskos na nagmula sa isang anino na humakbang palabas sa kadiliman ng gabi.

Maingat itong humakbang patungo sa pakay nito upang hindi magising ang dalawang bantay na naroon.

Huminto ang may-ari ng anino nang hustong nasa tapat na ito ng nakahimlay at tila natutulog lang na dalaga na naroon.

Ilang segundo ang lumipas na tila nag-alangan ang anino bago ito muling kumilos. Hinawi ng kamay nito ang makapal na bangs ng binibini at hinaplos ang pisngi nito.

Muli itong nag-alangan bago unti-unting yumukod at ginawaran ng isang masuyong halik ang malamig na labi ng dalagang manggagamot saka ito mabilis na tumalikod.

Hindi na nakita pa ng anino ang pagkibot ng labing hinagkan at paggalaw ng mga daliri nito dahil mabilis na itong tumalilis at muling nagtago sa kadiliman ng gabing iyon.

The Witch DoctorWhere stories live. Discover now