THIRTY FOUR

715 76 22
                                    

ONE YEAR LATER
(ERIKA)

"ARE you sure you'll be alright here?" tanong sa akin ni Ginoong Nakasisilaw nang ihatid ko ito sa nakaparadang sasakyan sa labas ng bakuran ng aking munting tahanan sa Lilipun.

'Fufufu! Ilang beses na ba nitong naitanong iyon? Hindi ko na halos mabilang sa daliri.'

Napakamot ako sa pisngi kapagkuwa'y pinasadahan ng tingin ang kabuo-an nito. Kaswal na t-shirt, pantalon at vans lamang ang suot ng Alpha ngunit nakabubulag pa rin ang kaguwapuhan nito. Buti na lang at suot ko ang aking salamin sa mata na kahit paano ay tumulong sa akin ng konti upang labanan ang pagwewelga ng mahaharot kong lamang loob.

'Fufufu. Kahanga-hanga.'

Hindi pa rin talaga nagbabago ang epekto nito sa akin ngunit, subalit, datapwa't hanggang crush lamang talaga ang nararamdaman ko para dito.

Hindi sa pagiging choosy pero sa mga panahong iyon, marami akong bagay na dapat pagtuunan ng panahon tulad ng aking lumalagong flower farm.

Saka na ang lovelife. Saka na kapag bumalik...

Agad na ipinilig ko ang aking ulo at isang munting ngiti ang gumuhit sa aking labi. Ibinuka ko ang aking bibig upang tugunin si Ginoong Nakasisilaw ngunit nahinto ang aking pagsasalita nang isang braso ang umakbay sa aking balikat. "Come with us, Erika. Hindi kami palagay na nasa malayo ka."

Isang malalim na buntong hininga ang aking pinakawalan bago bumaling sa walang ibang si Apache na malaki ang ipinagbago sa loob ng isang taon. Ang dating mahaba at nakatirintas na kulay mais na buhok ay hanggang balikat na lamang at maayos na nakapusod. Tumangkad ito ng ilang pulgada at halos tingalain ko na. Nagkalaman din ang katawan nito na s'yang mas nagpakisig dito at s'yang uma-agaw pansin sa mga kadalagahan sa aming baryo sa tuwing dadalawin ako ng mga ito isa hanggang dalawang beses sa isang buwan.

"Salamat, bata, ngunit maayos na ang lagay ko dito," wika ko at pinisil ang pisngi nito na s'yang pagpanguso dito.

"Bahala ka na nga," anang binatilyo at binawi ang braso saka nagmartsa patungo sa sasakyan na guyumos ang mukha.

Sabay pa kaming napalatak ni Ginoong Nakasisilaw sa tila batang pagmamarkulyo nito.

"Pagpasensyahan mo na s'ya Erika. Mula nang biglaang lisanin ni Legion ang WarLord, naging mahirap na para sa kan'ya ang malayo sa isang pamilya," paliwanag ng alpha.

Tumango ako at nasiyahan sa narinig na itinuturing akong pamilya ng mga ito. "Naiintindihan ko, ginoo, ngunit tunay ang aking sinabi na maayos na ang kondisyon ko dito sa Lilipun kaya 'wag na kayong mag-alala."

At totoo iyon. Nag-iba na ang trato sa akin ng aking mga kapit-bahay mula ng ako'y bumalik. Paano kasi ay hindi ako nakilala ng mga ito at sa halip ay napagkamalan na malayong kamag-anak ng mga Levi kahit na ilang beses kong sinabi na ako si Erika.

Sa aking pagkadismaya, hindi pala alam ng mga ito ang aking pangalan sapagkat mangkukulam na ang tawag nila sa akin noon pa man. Kalaunan, hindi ko na itinama ang sapantaha ng mga ito dahil mas payapa ang pakiramdam na hindi na kinukutya ng mga ito.

"You know that I always respect your decision, right?" untag ni ginoong Nakasisilaw sa pagliliwaliw ng aking diwa dahilan upang tumuon muli ang atensyon ko dito. "Even when you rejected my proposal, I accepted it like a real man cause I sincerely care about you," dugsong nito na bumigat ang tono at malungkot na tumitig sa aking mukha.

Napakagat-labi ako.

Okay, fine! Aaminin ko na kung bakit paghanga lang ang kaya kong ibigay dito. At kung bakit tinanggihan ko ang alok nitong kasal.

Ano ba naman kasi ako? Sobrang sinusuwerte?

Wala akong karapatan na maging kabiyak nito sapagkat ang tulad nitong may mala-prinsepeng kaguwapuhan ay nababagay lang sa tunay na magaganda at hindi sa tulad kong pa-cham beauty.

Isa pa, hindi kakayanin ng aking kalusugan na makasama ito habambuhay. Isipin na lang na gigising ako tuwing umaga at ito ang aking unang masisilayan, tiyak wala pang isang linggo ay ubos na ang dugo sa aking walang ka-appeal appeal na katawan.

Siguro sa ibang kababaihan ay kabaliwan ang aking naging desisyon ngunit para sa akin, iyon ang nakapagsalba sa aking buhay. Marami pa akong pangarap at gusto ko pang makitang muli si...

Sa isang bahagi ng aking isipan ay biglang sumingit ang isang imahe. "Hoy, babaeng paniki!" naulinigan ko pang pagtawag nito sa akin.

Tila may sumaklot sa aking dibdib dahil doon ngunit agad kong sinawata ang aking sarili bago ako nagwika kay Ginoong Nakasisilaw ng, "Patawad, ginoo. Gaya ng aking sinabi noon, hindi pa ako handa sa gan'yang bagay."

"I understand, Erika," mabilis na sagot nito at tinapik ang aking balikat. "Basta lagi mong tandaan na kung kailangan mo ng tulong ay huwag kang mahihiyang lumapit sa akin."

Sunod-sunod akong tumango. "Salamat ng marami, ginoo."

Iyon lamang at tinapos na namin ang pag-uusap. Malayo pa ang lalakbayin ng alpha at ni Apache kaya tiyak gabi na naman makararating ang mga ito sa WarLord.

"We're going to see you again soon. Perhaps the end of the month, Erika," paalam nito.

Tanging kaway lang ang itinugon ko dahil nakalulungkot din sa tuwing umaalis ang mga ito.

Isang ngiti pa ang ibinigay sa akin ng alpha bago nito pinasibad ang sasakyan palayo. Inihatid ko nang tanaw ang mga ito ng may pilit na ngiti sa labi habang nararamdaman ang tiim na mga titig sa akin ng mga kadalagahan paligid.

Napalatak ako sa aking isip sabay hagikhik at lihim na umusal ng, 'Kalma, neighbors. Ako lang ito. Ang dating pangit n'yong kapit-bahay.

Ngunit bigla rin akong natigilan nang maalala na parating si Ginoong Polly upang kunin ang order nitong mga bulaklak.

Dahil doon ay mabilis pa sa kidlat na bumalik ako sa loob ng bahay upang i-organized ang trays ng mga bagong pitas na rosas. Hanggang sa makarinig ako ng busina sa labas.

Hindi na ako nag-abala pa na salubungin ang bagong dating dahil sanay na si Ginoong Polly na pumasok sa aking bahay.

Nang marinig ang katok sa pinto ay agad kong hinagilap ang punpon ng rosas sa center table na personal kong ginawa bilang regalo sa butihing matanda. Kasunod kong naulinigan ang mga hakbang palapit at ang paghinto ng presensya sa aking likuran. Gumuhit ang malawak na ngiti sa aking mga labi sabay pihit paharap dito habang nasa mga bisig ang mga rosas.

"Kumusta, Ginoong P-" nahinto ang aking pagbati nang malamang hindi ang aking regular costumer ang pumasok sa aking munting tahanan.

Sa halip, isang makisig at matangkad na lalakeng may lagpas tengang kulay itim na buhok ang nasa aking harapan. May hikaw ito sa tenga at sa kaliwang kilay habang suot ang puting hapit sa katawan na na t-shirt, asul na pantalong maong at itim na sapatos.

Napa-awang ang aking bibig sa magkahalong pagkasorpresa at hindi pagkapaniwala. "I-ikaw," anas ko na nabitawan ang tangan saka dahan-dahang lumapit dito.

Hindi ako maaaring magkamali. Iba man ang kulay ng buhok at isang taon man ang lumipas ngunit sigurado ako kung sino ito.

Sa gitna ng panginginig ng katawan ay dahan dahan kong ini-angat ang aking kamay upang sapuin ang pisngi ng bagong dating na ginoo. Upang siguraduhin na hindi ako nananaginip lang ngunit bago pa man lumapat ang palad ko sa mukha nito ay mabilis nitong pinigilan ang aking pala-pulsuhan.

"What do you think you are doing, woman?" angil nito at matalas pa sa patalim akong tinitigan. "My grandfather asked me to pick up the flowers so don't just stand there. Move for I have no time to waste!" sikmat nito bago binitawan ang aking kamay.

Napakurap ako at maang na napatitig dito.

Teka, sino ba ang kaharap ko?

Base sa nakikita kong reaksyon at blangkong emosyon sa mga mata nito ay tila hindi ako nito nakilala.

Nagkamali ba ako?


















The Witch DoctorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon