THIRTY

1.9K 154 41
                                    

"HINDI ibig sabihin na nagbago na ang iyong hitsura ay kalilimutan mo na ang usapan natin, babaeng paniki!"

Isang mahabang buntong-hininga ang aking pinakawalan.

Ano na naman bang problema ng Ginoong Lumot na ito?

Bakit ba lagi ako nitong sinusundan?

At bakit ba hindi ako magkaroon ng kapayapaan sa tuwing nasa paligid ito?

Naiiling na itinuloy ko ang paglilinis ng aking laboratoryo. Doon ako dumiretso matapos na makausap sina Apache, Aztec at Samu. Nagpasalamat ako sa mga ito kanina sa napakalaking tulong na ginawa ng mga ito bagamat hindi pa rin ako makapaniwala na talagang gumanda na ang aking panglabas na anyo.

Nakapagtataka lang.

Halos lahat ay tila lubhang nagulat at naging masaya sa aking transpormasyon maliban sa binatang masungit na kasama ko sa silid sa sandaling iyon.

Tila hindi nito ikinatuwa na gumanda ako. Hindi tulad ni Ginoong Nakasisilaw na sa sobrang pagkasorpresa ay nagawa pang sabihin na ako ang magiging asawa nito.

'Fufufu! Baka gutom lang s'ya kanina.'
sapantaha ko.

Tanghali na nagising ang guwapong ginoo ng umagang iyon kaya naman huli na itong nakapag-agahan. Siguro naman ay magiging maayos nang muli ang takbo ng utak ng pinuno ng lupaing iyon maya-maya.

Napatango ako dahil doon ngunit para lamang mapasimangot nang muling magsalita si Ginoong Lumot.

"Kalimutan mo ang sinabi ni Alpha Lux kanina. Ituon mo na lang ang iyong atensyon sa paggawa ng gamot para sa mga may karamdaman at sa susunod, huwag kang susuot sa kung saang parte ng kagubatan! Narinig mo?" pagalit nito. "Masyado mo na kaming binibigyan ng sakit ng ulo pero hanggang sa ngayon ay wala ka pang natutuklasan na lunas!"

Muli akong napabuntong-hininga bago tumugon dito. "Ngunit... natuklasan ko naman kung sino ang nagpalalaganap ng karamdaman, Ginoo."

Totoo iyon.

Bagamat hindi pa kumpleto ang sangkap ng lunas at muntik na akong mapahamak sa kagubatan ay nalaman ko naman kung sino ang may kagagawan ng lahat ng kaguluhan sa teritoryong iyon.

Hinding-hindi ko makalilimutan ang matanda sa kakahuyan na s'yang nagtangka sa aking buhay. Ang s'yang sapilitang nagpakagat sa akin sa mansanas ng kamatayan.

Mukha namang napukaw ng aking sinabi ang buong atensyon ni Ginoong Lumot. Sa dalawang hakbang ay nilapitan ako nito na kunot na kunot ang noo. Hinawakan nito ang isa kong braso saka ako ipinihit nito paharap dito. "Anong ibig mong sabihing natuklasan mo kung sino ang s'yang salarin sa paglaganap ng mahiwagang karamdaman?"

Kung noon ay nahirapan akong tumitig dito dahil sa makapal kong bangs na tumatabing sa halos kalahati ng aking mukha, sa pagkakataong iyon ay madali kong naitutok sa mga mata nito ang aking paningin dahil pinutulan ni Samu ang unahan kong buhok upang hindi na maging hadlang iyon na makakita akong mabuti.

At kung noon ay nakararamdam ako ng alinlangan na sumagot sa ginoong may luntiang buhok, sa pagkakataong iyon ay nagkaroon na ako ng konting lakas ng loob na tumugon dito.

Perks of being beautiful!

Fufufu!

"Magsalita ka, babaeng paniki!" untag ng lalake sa aking harapan sa malalim kong pag-iisip.

Ipiniksi ko ang aking braso na hawak nito bago matapang na tumitig dito. "Sasabihin ko kung sino ngunit sa isang kondisyon."

Isang hindi palalamang na ngisi ang gumuhit sa aking mga labi bago ko ipinagkrus ang aking mga braso sa ibabaw ng aking dibdib.

Hindi ko alam kung saan ako humugot ng tapang ngunit wala akong pakialam kung gawin nga akong bat soup nito pagkatapos.

May nais akong malaman! Gusto kong masagot ang lahat ng katanungan sa aking isipan.

Naningkit ang mga mata ni Ginoong Lumot. Bagamat nakita kong nais nitong tumutol ay wala itong nagawa sa huli kung hindi ang pagbigyan ako. "Anong kondisyon?"

Sumeryoso ang aking mukha bago ipinahayag dito ang aking kondisyon. "Nais kong sabihin mo kung sino ang gumising sa akin mula sa mahimbing na pagkatulog? Sino ang sumira sa sumpa ng mangkukulam sa gubat at sino... sino ang humalik sa aking mga labi?"

Napansin ko nang tila matigilan ang binatang masungit matapos marinig ang aking mga katanungan. Napahakbang din ito paatras sabay iwas ng tingin at asik sa akin. "H-hindi ko alam! Bakit ako ang tinatanong mo tungkol d'yan? Sinasabi mo ba akong s'yang humalik sa'yo, ha!" bulyaw nito na nagsimulang mamula ang buong mukha. "Nasa tamang pag-iisip pa ako kaya imposible 'yang ibinibintang mo sa akin!"

Napataas-kilay ako. "Ngunit nagtatanong lang ako kung sino ang---"

"Hindi ko alam!" putol nito sa aking pagsasalita sabay talikod. "Marami pa akong gagawin! Mamaya na tayo uli mag-usap!"

Iyon lang at dire-diretsong lumabas ng laboratoryo si Ginoong Lumot na aking ikinanguso.

"Anong problema n'ya?" nguyngoy ko na napakamot sa aking ulo dala ng pagkalito sa inasta ng binata. "Masama na bang magtanong ngayon? Fufufu!"

Masyadong defensive ang ungas!

Para namang maniniwala ako na s'ya nga ang humalik sa akin!

Fufufu!

Alam kong sobra ang pagkadisgusto nito sa akin kaya walang dahilan upang halikan ako nito at iligtas sa kamatayan.

Napalatak na itinuon ko nang muli sa paglilinis ang aking atensyon ngunit para lamang mapahinto nang pumasok si Ginoong Nakasisilaw sa silid panaliksikan ko.

"Erika," tawag nito sa aking pangalan.

Sa gulat sa biglang pagdating nito ay mabilis akong tumakbo sa kabilang bahagi ng laboratoryo sabay sapo sa aking ilong.

Fufufu! Mahirap na, baka tuluyan na akong maubusan ng dugo!

"G-ginoo," anas ko na bahagyang nakaramdam ng pagkakonsensya ng makita na tila nasaktan ang bagong dating sa lantarang pag-iwas ko dito. "Pasensya na, ngunit baka madumihan ko na naman ang damit mo sakaling magdugong muli ang aking ilong."

Agad na naunawaan ng Ginoo ang aking ikinababahala kaya mabilis na lumambot ang hitsura nito kasabay ng pagguhit ng ngiti sa mga labi. "Huwag kang mag-alala, iba ang rason kaya gusto kitang makausap, binibini."

Sa narinig ay nakahinga ako ng maluwag. Sakali kasi na muli naman itong magpropose sa akin, baka tuluyan na akong mapatiran ng hininga.

Hindi pa ako handa na magpakasal. Ganoon din ay hindi ko naman ito nobyo.

Bagamat aaminin kong humahanga ako dito ay hindi iyon sapat upang magpadalos dalos ako.

Isa pa, kasisimula pa lang ng aking transpormasyon. Gusto ko munang i-enjoy iyon.

Ang lumandi ng konti, ganern!

'Fufufu! Gusto ko munang maramdamang hangaan ng mga kalalakihan nang walang humahadlang.

Napatango ako sa isiping iyon sabay balik ng aking atensyon sa binatang pinuno ng WarLord. "Kung ganoon, ano ang pag-uusapan natin, Ginoo?"

Humakbang ito patungo sa isang sulok ng silid at umupo sa lumang couch na naroon. "Umupo ka sa tabi ko, Erika." Tinapik nito ang espasyo sa tabi nito. "Ikuwento mo sa akin ang totoong nangyari. Kung bakit nagpunta ka sa kakahuyan. Kung ano ba talaga ang tunay na nangyari.."

Tumango ako at humakbang palapit sa guwapong binata.

"Nagsimula ang lahat kay Little Red Riding Hood, Ginoo..."







The Witch DoctorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon