TATLUMPU'T LIMANG KABANATA

1K 65 21
                                    


NAPAPIKIT na lang si Akira habang iniisip ang nangyari kani-kanina lamang. Parang hangin lang sa sobrang bilis ng pangyayari. Hindi niya man lang inaasahan ang bagay na iyon. Pilit niyang kinakalma ang sarili sapagkat kanina pa kumakabog ng mabilis ang dibdib niya sa kaba.

Hindi nagtagal ay iminulat niya ang kaniyang mga mata habang sentrong nakatingin sa lugar na posibleng pinanggalingan ng palaso.

"B-binibini— " tawag sa kaniya ni Nay Pansay na bahagya pang napaatras nang makita ang nag-aapoy niyang mga mata. "A-ayos ka lang ba?"

Mabilis siyang tumakbo at hindi na pinansin pa ang pagtawag at paghabol sa kaniya ng matanda.

"S-sandali saan ka paroroon? Binibini!"

Kailangan niyang habulin kung sino man ang gumawa no'n at kung bakit basta na lang siyang inatake. Bigla siyang tumigil sa pagtakbo at sa muling pagkagulat niya, isang palaso na naman ang ngayo'y nakasentro sa kaniya.

Ngunit bukod pa do'n, ang nakangising mukha ng gobernadorcillo habang hawak ang pana at ang gulat na mga mukha nina Ginoong Alfredo at Senor Felix. Si Heneral Velasco naman ay nakangisi lang siyang tiningnan habang si Heneral Martinez ay tila walang pakialam sa nangyayari.

"Akala ko pa nama'y isang mabangis na hayop na ngunit mukhang isang maamong tupa lang pala" makahulugang wika ni Senor Arturo habang unti-unting binababa ang pana at palaso ngunit hindi pa rin maalis sa mukha nito ang labis na kasiyahan.

"C-carlota, a-anong ginagawa mo rito?" gulat pa ring wika ni Ginoong Alfredo katabi ang kasintahan nitong si Senorita Matilda na ngayo'y nakakunot ang noong nakatingin din sa kaniya.

Hindi niya pinansin ang katanungan ng ginoo bagkus ay nakatuon lang ang pansin niya sa iisang tao. Ang gobernadorcillo.

Malaki ang posibilidad na ang taong kinamumuhian niya ang may gawa no'n. Sa pagtutok palang ng pana nito sa kaniya ngayon, alam niyang ito ang may kagagawan ng nangyari kanina. At isa pa halata namang sa umpisa pa lang ay pinaglalaruan na siya nito.

Batid niyang magkaibang tao ang sa panahong pinanggalingan niya at sa panahong ito. Gayunpaman, ang malaking katanungang bumabagabag talaga sa kaniyang isipan, ay bakit mukhang ito pa rin ang malupit niyang kalaban?

"Binibini, ikaw ba'y nagulat? Paumanhin! Hindi ko sinasadyang matutukan ka ng aking pana at palaso" Nabalik siya sa katinuan nang muling magsalita ang gobernadorcillo.

Napairap na lang si Akira at hindi makapaniwalang tiningnan ito. Kung umakto kasi ito, parang walang nangyari kanina.

"Hindi nga ba?" balik tanong niya naman dito.

Unti-unting nawala ang ngiti sa mukha ni Senor Arturo at muling inayos ang hawak nitong pana.

"Mukhang hindi yata maganda iyang iniisip mo, Binibini?" turan nito na may diin sa huling salitang binigkas nito.

"Buti naman alam mo" singkit mata niyang sabi.

Nagkasukatan sila ng tingin at pawang walang pakialam na may mga tao sa paligid nila. Sa isang banda naman ay nagtataka ang mga mukha ng lahat maliban kay Heneral Velasco na lihim na napapangiti.

"Ang mabuti pa'y bumalik ka na lamang sa mansyon, Carlota" utos ni Ginoong Alfredo sapagkat nararamdam nitong may hindi magandang mangyayari.

"Ano pang hinihintay mo? Hindi mo ba narinig ang iniuutos sa iyo?" suway ni Senorita Matilda nang hindi man lang kumilos si Akira mula sa kinatatayuan niya.
"Hayaan niyo na lamang siya" saad naman ni Senor Arturo. "Marahil ay nais niyang sumama sa pangangaso."

"Ngunit, Senor..." ani Ginoong Alfredo.

"Hindi maaari, ama!" mahigpit na pagtutol ni Senorita Matilda na hindi na maipinta ang mukha. Habang si Heneral Martinez naman ay tahimik lamang na nanonood.

The Criminal's LifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon