TATLUMPU'T TATLONG KABANATA

1.2K 79 30
                                    


Normal bang maramdaman niya ang pakiramdam na ito? Tingin niya kasi, hindi. Hindi maaari at hindi nararapat. Matalik niyang kaibigan si Felix at hindi siya dapat magselos dito. Ngunit hindi mawaksi sa kaniyang isipan ang kaganapang kaniyang nasaksihan kanina.

"Maaari ko bang malaman ang tumatakbo sa iyong isipan, Ginoo?" Napatingin siya sa pamilyar na boses— walang iba kundi si Nay Pansay.

Matamlay siyang ngumiti dito.

Umupo ito sa tabi niya't sabay na pinagmasdan ang tanawin mula sa azotea ng mansion.

"Hindi ko sinasabi ang salitang ito upang saktan ang iyong damdamin. Ngunit marapat lamang na pag-isipan mo ng mainam ang iyong mga kinikilos, Ginoo," paunang litanya nito. "Kung nabubuhay lamang ang iyong ama, tiyak kong hindi niya nanaisin ang ginagawa mong ito."

Sa tinurang iyon ni Nay Pansay ay bigla na lamang nagdilim ang mukha ni Ginoong Alfredo. "Ito ang daang aking tinahak. Bukod sa aking ama, ginagawa ko rin ito para sa mamamayan ng San Lazaro"

"Subalit, Ginoo, kamatayan at walang kasiguraduhan ang tinatahak mong daan" may pag-aalalang wika ni Nay Pansay.

Napangiti na lamang ng mapait si Ginoong Alfredo habang nasa unahan pa rin ang tingin.

"Masyado ng huli ang lahat para huminto, Nay Pansay. At isa pa, nakahanda ako sa posibleng mangyari," pagtitiyak niya rito.

"Nakahanda nga ba?" may pagdududang tanong naman ni Nay Pansay dahilan para mapatingin na sa kaniya si Ginoong Alfredo.

"Ano ang iyong ibig sabihin?" kunot-noong tanong niya.

"Paano ang binibini? Hindi mo ba naisip ang bagay na iyan?"

Agad na napahinto si Ginoong Alfredo sa sinabi ni Nay Pansay. Sa katunayan, naiisip na niya ang bagay na iyan at sinasabing nakahanda siya ngunit ang totoo, hindi. Hindi niya alam ang gagawin sa oras na mangyari ang bagay na kinatatakutan niya.

"Mukhang hindi mo alam ang gagawin. Iyan din ang aking kinatatakutan, Ginoo, lubos akong nag-aalala sa kahahantungan ng lahat ng ito." Nagpakawala ng malalim na buntong-hininga si Nay Pansay. "Natitiyak kong maraming buhay na naman ang mawawala pag nagkataon."

"Kailanma'y hindi natin iyan maiiwasan."

Nagulat at napatayo si Nay Pansay sa biglang pagsalita ni Señor Felix habang si Ginoong Alfredo naman ay napalingon lang dito.

Bahagyang natawa si Señor Felix sa naging reaksiyon ni Nay Pansay. "Lo siento. Kayo ba'y aking nagulat?" (I'm sorry)

"Por dios por santo! Bigla ka na lamang sumabad sa isang napakapribadong usapin" sumbat naman ni Nay Pansay.

"Lo siento," paghingi ng tawad ulit ni Señor Felix at sumeryoso ang mukhang tiningnan si Ginoong Alfredo. "Maaari ba tayong mag-usap?"


***

Sa layo ng nilakad ni Akira, hindi na niya namalayan na nakarating na pala siya sa Plaza Mayor.

Wala namang pinagbago maliban sa kaunti na lamang ang nakikita niyang mga tao. Karamihan pa sa mga ito ay mga guardia civil na maya't mayang nagpapatrolya sa buong sakop ng plaza.

The Criminal's LifeWhere stories live. Discover now