DALAWAMPU'T DALAWANG KABANATA

1.8K 106 26
                                    


Kasabay ng malakas na pag-ihip ng hangin, paghampas ng alon sa mga batuhan, at ang araw na malapit nang lumubog ay ang mahigpit na paghawak ng kaniyang kamay sa katana. Mariin siyang nakapikit upang damahin ang hangin na humahampas sa kaniyang balat at upang kalmahin ang kaniyang sarili.

Ang lugar kung saan siya unang dinala ni Señor Felix, ay ang lugar na napili niya upang makapag-isip-isip. Dahan-dahang iminulat ni Akira ang kaniyang mga mata at unang tumambad sa kaniya ay ang karagatan at ang araw na papalubog rito. Huminga muna siya nang malalim bago tumalikod at naglakad para lisanin ang lugar.

Mag-iilang oras na siya rito at nasisiguro niyang hinahanap na siya nina Nay Pansay. Nasa isang patag na daan na siya na nagsisilbing kalsada upang makadaan ang mga kalesa. Alam ni Akira na malayo-layo pa ang lalakarin niya at gabi na siya makakarating sa mansion. Hindi niya naman iniinda ang bagay na 'yon. Wala naman siyang pakialam sa lahat ng bagay.

Habang nasa daan ay may isang kalesa siyang nakasalubong. Sakay nito ang apat na guardia civil. Dalawa sa unahan, na ang isa'y nagsisilbing kutsero, at ang dalawa naman ay nasa hulihan. Marahil ay nagpa-patrolya ang mga ito upang siguraduhing walang kahina-hinala sa lugar. Ngunit nang mapatingin ang mga ito kay Akira ay agad na pinatigil ang kalesa upang harapin ito.

Napahinto naman sa paglalakad si Akira at napatingin sa apat na guardia civil na isa-isang bumaba ng kalesa: isang matangkad na may malaking katawan, isang mataba, may kapayatan ang isa, at ang isa nama'y medyo pandak kung ikukumpara sa tatlong kasama nito. Dumapo ang tingin ng mga ito sa katanang hawak niya. Imbes na itago ay hindi ito alintana ni Akira. Ano pa kasi ang silbi ng pagtatago kung sa simula palang ay nakita na ng mga ito. Kaya kagaya ng nakagawian, binalewala lang niya ito.

"Ikaw ay kahina-hinala, babae," sita sa kaniya ng isang kastilang guardia civil na ngayon ay nasa harapan na niya. Ito ang pinakamatangkad sa kanila at ang may malaking katawan. Hindi tuwid ang tagalog nito pero mas mainam na iyon kaysa sa ibang lenggwahe pa ang gamitin ng mga ito, na kailanman ay hinding-hindi maiintindihan ni Akira.

Umangat ng tingin si Akira at saka ngumisi rito. "Bakit? Mukha ba akong alien sa paningin niyo?"

Bigla namang kumunot ang noo ng mga ito at nagkatinginan pa sa isa't isa.

"¿Dе qué está hablando?" (What are you talking about?) tanong naman ng isang guardia civil na medyo may katabaan ang katawan at malakas nitong tinulak si Akira dahilan para bahagya itong mapaatras.

Mariing napapikit si Akira at napakagat sa ibabang bahagi ng kaniyang bibig upang magtimpi. Kasabay ng pagmulat ng kaniyang mga mata ang paghawak ng isa pang guardia civil sa kaniyang kamay para kunin ang katanang hawak niya. Ito ang guardia civil na medyo may kapayatan. Hinigpitan niya ang paghawak sa katana para hindi ito makuha pero mas lalo lang ding lumalakas ang puwersa nito.

Malakas din pala ang patpating 'to ah, sa isip-isip ni Akira.

"O, sige, sa 'yo na!" naiiritang wika niya sabay bitaw sa kaniyang katana dahilan para mawalan ng balanse ang guardia civil at matumba. Pagkatumba nito'y agad niyang sinipa ang kamay nito at sinalo ang kaniyang katana.

"Lalaban pa?" nakangising tanong ni Akira na ngayon ay nakatutok na ang katana sa leeg ng natumbang guardia civil. Pero hindi pa nga siniseryoso ni Akira ang sinabi nang bigla niya na lang narinig ang tunog ng baril na alam niyang nakatutok na sa kaniya. Na sa isang kalabit lang sa gatilyo nito'y matatamaan talaga siya lalo na't nasa gilid at likuran niya lang ang mga ito.

Napabuntong-hininga na lang siya at itinaas ang dalawa niyang mga kamay habang hawak pa rin ang katana sa kanang kamay niya. Dahan-dahan siyang tumalikod upang harapin ang mga ito. Nasa harapan niya ang mataba, at ang medyo pandak na guardia civil habang nasa kaliwa niya naman ang matangkad sa mga ito. Kagaya ng inaasahan ay nakatutok nga sa kaniya ang mga baril ng mga ito.

The Criminal's LifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon