IKAPITONG KABANATA

2.7K 163 17
                                    

"Binibini, saan ka paroroon?" tanong agad ni Mercedes nang makita nitong pababa ng hagdan si Akira. Hindi siya nito sinagot at nilampasan lang siya na para bang hindi siya nito nakita. Pero kahit gano'n, sinundan pa rin niya si Akira hanggang sa makalabas na sila ng mansion.

Tatlong araw na ang lumipas magmula no'ng pangyayari sa palengke. At dahil din doon, parati nang nakabuntot si Mercedes kay Akira. Parati niya itong kinukulit at labis naman itong kinaiinisan ng dalaga.

Parang hindi na ito nakakaramdam ng takot sa t'wing pagbabantaan ni Akira ang kaniyang buhay. Dahil napag-isip-isip din niya, na may kabutihan din palang namamayani sa puso ng dalaga. At pinapakita lang nito na wala itong pakialam at siya'y isang masamang tao.

"Binibini, mukhang bubuhos ang malakas na ulan. 'Wag ka ng tumuloy sa binabalak mong puntahan!" pahabol pa nito habang nakatingala sa kalangitan na ngayon ay nagsisimula nang dumilim.

Pero hindi pa rin siya pinansin ni Akira at nagpatuloy pa rin ito sa paglalakad. Mabilis niya itong hinabol at nakasalubong pa nila si Ginoong Alfredo, na kakababa pa lang ng kalesang kaniyang sinasakyan.

"O, Mercedes. Saan kayo patutungo?" nakakunot-noong tanong ni Ginoong Alfredo.

Huminto sa paglalakad si Mercedes at saka nagbigay galang muna bago sinagot ang tanong nito. "Hindi ko po alam kung saan patutungo si Binibini. Siya'y sinusundan ko lamang." sabay tingin sa papalayo nang imahe ni Akira.

Nagtuloy-tuloy lang kasi ito sa paglalakad at nilampasan lang si Ginoong Alfredo. Hindi niya alam kung saan ito pupunta na gan'to ang panahon. Napatingin din si Ginoong Alfredo sa direksiyon ni Akira na ngayon ay mag-isang tinatahak ang daan.

"Ako na ang bahalang sumunod sa kaniya." Sabi nito na ikinabigla ni Mercedes.

"Ngunit, Ginoo---" Hindi na naituloy pa ni Mercedes ang kaniyang sasabihin, nang mapalingon sa kaniya si Ginoong Alfredo at saka ngumiti. Isang ngiti na ipinapahiwatig sa kaniya na magiging maayos lang ang lahat.

Wala sa sariling napatango na lang si Mercedes at bumalik sa loob ng mansiyon.

Sa isang banda, patuloy lang na tinatahak ni Akira ang daan. Katulad nang nauna, hindi niya alam kung saan siya pupunta. Ang tanging gusto niya lamang ay makaalis na sa panahong 'to. Pero hindi niya alam kung paano.

Tatlong araw nang hindi maalis sa isipan niya ang mukha ng taong pumatay sa kaniyang mga magulang. Naisip niya na kahit sa panahon pang 'to, patuloy pa rin siyang tinutugis ng masasama niyang mga alaala.

Umihip ang malakas na hangin dahilan para matikwas ang kaniyang itim at mahabang buhok. Nasa lugar na siya kung saan maraming mga puno ng mangga ang nakatanim sa paligid. Huminto siya sa paglalakad dahil kanina niya pa nararamdaman na may sumusunod sa kaniya.

"Bakit mo ako sinusundan?" tanong niya dito.

"Ako'y nag-aalala lamang sa'yo." sagot naman nito at naglakad papalapit kay Akira.

Humarap sa kaniyang direksiyon si Akira at nagkasalubong ang kanilang mga mata. May kakaiba siyang nararamdaman sa tuwing napapatingin siya diretso sa mga mata nito. Ilang segundo silang nagtititigan at ni isa sa kanila ay hindi nagsasalita. Pinapakiramdaman lang ang paligid at ang ihip ng hangin na dumadaplis sa kanilang balat.

"Bakit?" tanong ni Akira na ikinakunot ng noo ni Ginoong Alfredo. Magsasalita pa sana ito nang bigla na lang bumuhos ang malakas na ulan. Agad na hinawakan ni Ginoong Alfredo ang kamay ni Akira at hinila ito para tumakbo at humanap ng lugar na masisilungan.

Nakakita sila ng isang maliit na kubo di-kalayuan sa direksiyon nila. Mabilis silang tumakbo at pumasok dito. Pareho na silang nabasa ng ulan at ngayon ay papalakas pa ng papalakas ang buhos ng ulan.

Umupo agad si Akira sa isang papag at humarap sa bintana. Hindi na niya alintana na siya'y basang-basa na. Pinagmamasdan niya lang ang mga punong tila sumasayaw dahil sa lakas ng ihip ng hangin. At nakakaramdam na rin siya ng panginginig ng kaniyang katawan dahil sa lamig.

Laking gulat niya nang maramdamang may isang bagay ang dahan-dahang ipinapatong sa balikat niya. Lumingon siya sa kaniyang likuran at nakita si Ginoong Alfredo na ngumiti lang sa kaniya.

"Alam kong nilalamig ka na." sabi lang nito at saka umupo sa kabilang papag na nasa harapan niya. Tinanggal nito ang kaniyang sombrero at isinabit sa dingding ng kubo. Nakasuot na lamang ito ng polo at tinitiis ang malamig na paligid.

Ibinalik na lang ulit ni Akira ang kaniyang atensiyon sa labas ng kubo. Ilang minuto silang nanahimik lang at pinapakiramdaman ang malakas na buhos ng ulan. Ngayon ay hindi na siya masyadong nakakaramdam pa ng lamig, dahil sa tsaketang ipinatong ni Ginoong Alfredo sa balikat niya.

"Ang kalangitan ay katulad din nating mga tao." Biglang napalingon si Akira sa direksiyon ni Ginoong Alfredo nang magsalita ito. Nakadungaw lang ito sa labas pero maya-maya lang ay humarap na din ito sa kaniya.
Hindi kumibo si Akira at hinintay niya lang na dugtungan ni Ginoong Alfredo ang kaniyang sinabi.

"Umaambon kapag nalulungkot, umuulan kapag nagdadalamhati, at kumukulog at kumikidlat kapag nagagalit. Ngunit sa kabila niyan, sisikat at sisikat pa rin ang araw na ang katumbas ay kasiyahan." Tumayo ito mula sa pagkakaupo at lumapit kay Akira. Pinahid nito ang mga luha na patuloy na tumutulo mula sa mga mata ng dalaga.

Hindi namamalayan ni Akira na umiiyak na pala siya. Nakatingin pa rin siya kay Ginoong Alfredo na ngayon ay nakangiti na sa kaniya. Hindi niya alam kung bakit tumatagos sa puso niya ang mga salitang binitawan ni Ginoong Alfredo. Parang sinasabi nito sa kaniya na darating ang araw, na mahahanap niya na rin ang tunay na kasiyahan na matagal na niyang hindi natatagpuan.





~*~

"Rosa! Ihatid mo sa kaniyang silid si Ginoong Alfredo at ihanda mo ang kaniyang pampaligo." Utos agad ni Nay Pansay pagkadating na pagkadating nina Ginoong Alfredo at Akira.

Lumapit naman si Mercedes kay Akira at inalalayan din itong umakyat sa kaniyang silid. Mabuti na lamang at sinundo sila ni Tay Pedring. Ang asawa ni Nay Pansay at ang sariling kutsero ni Ginoong Alfredo. Kung hindi, ay baka doon na sila mamamalagi hanggang sa lubusang tumila ang ulan.

"Magbihis ka na, Binibini, at baka ika'y magkasakit pa." sabi ni Mercedes na may pag-aalala sa mukha. Kumuha siya ng damit na isusuot ni Akira at tutulungan niya pa sana itong magbihis, ngunit pinigilan siya agad nito.

"Kaya ko na! Maaari ka ng lumabas." tumango lang si Mercedes sa kaniya bago lumabas ng kaniyang silid.

Kinabukasan, nagising si Akira dahil sa sinag ng araw na tumatama sa kaniyang mukha. Dahan-dahan niyang minulat ang kaniyang mga mata, at nakita si Nay Pansay na binubuksan ang mga bintana ng kaniyang silid.

"Magandang umaga." bati nito sa kaniya habang nakangiti. Bumangon siya mula sa pagkakahiga at napatingin sa labas ng kaniyang bintana. Maaga pa pero tirik na tirik na ang araw. Muling pumasok sa kaniyang isipan ang mga sinabi ni Ginoong Alfredo kahapon.

"Umaambon kapag nalulungkot, umuulan kapag nagdadalamhati, at kumukulog at kumikidlat kapag nagagalit. Ngunit sa kabila niyan, sisikat at sisikat pa rin ang araw na ang katumbas ay kasiyahan."

Maaaring tama nga ang sinabi nito. Sisikat pa rin ang araw pagkatapos ng ulan.

"Maghanda ka na, Binibini. Dahil espesyal ang araw na ito." huling sinabi ni Nay Pansay bago lumabas ng kaniyang silid. Napakunot naman bigla ang kaniyang noo. Nagtataka siya kung bakit espesyal ang araw na ito.

Ano bang meron?

The Criminal's LifeWhere stories live. Discover now