LABINSIYAM NA KABANATA

2.3K 134 35
                                    


"Mukhang napapadalas yata ang pag-uwi mo ng maaga, Mateo?"

Napahinto sa paglalakad si Heneral Martínez at saka binalingan ng tingin ang kaniyang ama— si Señor Arturo Martínez. Nakadekuwatro itong nakaupo sa pang-isahang upuan sa sala, habang nagbabasa ng pahayagan. Maya-maya lang ay ibinaba na nito ang pahayagan na tumatakip sa mukha nito at itinuon ang tingin sa kaniya.

"Nahihirapan ka na ba sa iyong tungkulin?" Nakangisi nitong tanong. Parang hindi simpatya ang paraan ng pagtatanong nito kun'di pang-iinsulto. Napaiwas na lang siya ng tingin at akmang didiretso na sa kaniyang silid nang magsalita ulit ito.

"Bueno! Bueno! Hindi na ako magtatanong pa sapagkat sa nakikita ko'y nahihirapan ka ngang talaga," wika nito sabay tawa. Tumayo ito mula sa pagkakaupo at naglakad papalapit sa kaniya habang bitbit ang pahayagan. Nananatili lang siyang nakatayo at nakatingin lamang dito.

"Aquí!" (Here!)

Binigay nito ang pahayagan at agad niya naman itong kinuha. Binuklat niya ito upang matingnan kung anong balita ang nakaimprinta sa pahayagan.

"A-ama?" Gulat siyang napatingin kay Señor Arturo matapos mabasa ang nakasulat sa pahayagan. Napansin niyang biglang sumeryoso ang mukha nito at matalim siyang tinitigan.

"Dahil sa iyong kapabayaan ay kumalat na ang balita sa nangyari sa Carsel at maging ang pagtakas ng rebeldeng iyon. Anong sasabihin sa akin ngayon ng Gobernador-Heneral?" sigaw nito dahilan para bigla siyang mapayuko. Ito rin ang ayaw niyang mangyari. Malaki ang tiwala ng Gobernador-Heneral sa kaniyang ama kaya hindi niya ito masisisi kung galit man ito sa kaniya ngayon. Una sa lahat, kasalanan niya naman kung bakit nangyari iyon at dahil 'yon sa kaniyang kapabayaan.

"Arturo, anong nangyari at bakit ka sumigaw? Oh, Hijo, bakit ngayon ka lamang umuwi?" tanong ni Señora Rebecca na kagagaling lamang sa kusina. Napatingin naman si Mateo sa kaniyang ina habang si Señor Arturo naman ay naglakad pabalik sa sala at saka muling umupo.

Niyakap agad ni Señora Rebecca si Mateo at hinawakan ang magkabilang pisngi nito. "Napapabayaan mo na ang iyong sarili. Nangingitim na rin ang iyong mga mata at mukhang nangangayayat ka na. Ikaw ba'y hindi kumakain doon sa himpilan ng mga guardia civil?" Nag-aalalang tanong ng kaniyang ina habang sinusuri ang kaniyang kalagayan.

"Ina, ayos lamang ako," sagot niya rito dahilan para mapatingin ang kaniyang ina sa medyo kulay asul niyang mga mata. Agad naman siyang napaiwas dito at napatingin sa kaniyang ama na ngayon ay nakapikit na ang mga mata habang nakasandal sa upuan.

"Mag-agahan ka muna," wika ng kaniyang ina at saka siya inaya patungo sa hapag-kainan ngunit hindi siya umalis sa kaniyang kinatatayuan. Nagtataka naman siyang tiningnan ng kaniyang ina.

"May problema ba, Hijo?" tanong nito.

"Paumanhin, Ina! Pero necesito reparar algunas cosas," (But I need to fix some things) Iniwan na niya ang kaniyang ina at saka naglakad patungo sa kaniyang silid. Sinundan lamang siya ng tingin ni Señora Rebecca nang nagtataka.

Pagkarating sa kaniyang silid ay agad siyang nagpalit ng kaniyang kasuotan. Kinuha niya ang kaniyang sombrero na nakapatong sa ibabaw ng lamesa at saka iyon isinuot. Tinitigan niya lamang ang kaniyang sarili sa salamin, at muling sumariwa sa kaniyang alaala ang kaniyang mga nalaman.

Nabaling ang kaniyang atensiyon sa aparador na malapit sa kaniyang higaan. Naglakad siya papalapit dito at saka iyon binuksan. Kinuha niya ang isang piraso ng papel kung saan may iginuhit na larawan ng mukha ng isang tao.

"Kailangan kong hanapin ang taong ito," wika niya at saka itinupi ang papel at inilagay sa bulsa ng kaniyang uniporme. Lumabas na siya ng kaniyang silid at bumaba. Pagkarating sa sala'y wala na doon ang kaniyang ama kaya dumiretso na lamang siya papalabas ng mansion.

The Criminal's LifeWhere stories live. Discover now