Kabanata 25

2.4K 199 16
                                    

"Kasalanan mo ito," wika ni Jake.

"Jake. Walang may gusto ng nangyari," sagot ni Carol.

Tinulungan ni Carol na balutin ang kamay ng taga-bantay upang maitago ang sugat nito. Itinabi nila pansamantala kay Marikit ang taga-bantay na wala ng buhay.

"Huwag mo akong pilitin na patulan ka." Wika ko kay Jake. Sinalat ko ang pulso ni Marikit at naramdaman ko pati ang sa aking anak. Isang halik sa noo ang aking iginawad kay Marikit.

"Ano ang susunod nating gagawin?" tanong ni Zandro sa akin.

"Bigyan ng parangal ang taga-bantay sa kanyang libing at pagkatapos ay hahanapin ko si Udaya."

"Sasama ako sa iyo," puno ng hinagpis na wika ni Rose.

"Hindi pa ganap na gising ang iyong kakayahan, Amihan."

Napasinghap si Carol at Rose sa aking sinabi.

"Ano ang sinabi mo?" tanong niya.

"Ikaw si Amihan. May marka ka sa batok kung tama ako."

"May balat ako sa batok," naguguluhang wika ni Rose.

"Na isang hugis ibon," saad ko.

"Bakit mo alam?"

"Dahil ikaw si Amihan. Hindi ko nakita noon dahil sa galit ko sa mga taga-bantay."

Hinarap ko si Jake na nakatingin sa bintana. "Sino ang iyong inaabangan? Ang iyong ama?" Marahan akong lumakad patungo sa kanya. Sumisibol muli ang galit habang nakikita ko ang marka ni Sitan.

"Teka, sandali, Lakan Dula." Awat ni Zandro sa akin. "Ano ang ibig mong sabihin?" Pumagitna si Zandro sa amin ni Jake.

"Ang marka sa kanang braso niya ay hindi dahil sa tiktik kung hindi dahil nabubuhay na ang dugo ni Sitan. Ikaw ang nasa propesiya."

"Hibang ka ba? Sa tingin mo ako ang may dala ng lahat ng ito? Hindi ba ikaw?"

"Jake, kumalma ka. Lakan, baka nagkakamali ka lang. Kaibigan ko si Jake." Nauunawaan ko si Zandro kung bakit niya ipinagtatanggol ang kaibigan.

"Kaibigan mo nga ba?" Makahulugang tanong ko sa kanya.

"Tang-ina. Ako, nagpipigil lang ako dito." Wika ni Jake sa akin. "Ikaw ang may kasalanan kung bakit kami nawalan ng isa. Ikaw! Namnamin mo ang ginawang sakripisyo ni Ms. Mel. Pakatitigan mo ang dugo niya sa balat mo."

"Jake, kumalma ka. Nag-aapoy 'yang kamay mo."

At tama si Carol, mayroong lumalabas na apoy sa kamay ni Jake na hindi niya kayang pawiin.

"Ngayon mo sabihing hindi ka anak ni Sitan," wika ko. Nanlalaki ang mga mata ni Jake na pinagpag ang kamay ngunit hindi napapawi ang apoy.

Buong lakas akong inawat ni Zandro. Hawak ang isang upuan na kahoy, itinaas ko ito at ihagis kay Jake nang harangan ni Zandro at sapuhin ang upuan. Bagay na nabitawan niya agad nang mapansin ang angking bilis niya sa paggalaw.

"Tama na," sigaw ni Rose. Isang pwersa ng hanging ang dumaan sa pagitan namin. Nagliparan ang mga gamit sa loob ng silid. Natanggal ang mga kurtina sa bintana, nabasag ang mga florera.

"Oh my God, ano ang nangyayari?" sambit ni Carol.

"Nagising na ang natutulog ninyong kakayanan. Nagbalik ka na, Alon." Tinaungan ko si Zandro na hindi na nakagalaw sa kinatatayuan. "Kasabay ng paglitaw ng anak ng kadiliman."

"Jake," tawag nila Carol sa nakatulalang si Jake.

"Nagbibiro ka lang, 'di ba?" May galit ang mga mata ni Jake ng tanungin ako.

"Hindi tayo magkaibigan para biruin kita."

Nang hapon na iyon ay binigay sa kinauukulan si Mel upang mabigyan ng tamang parangal ang katawang lupa nito. Sa panahon pala ngayon ay hindi na sinusunog sa gitna ng kalikasan ang mga labi ng mga yumao. Dati ay sinasaboy sa ilog o lawa ang mga abo o di kaya ay sa kabundukan upang sumama sa mga espirito ng puno at halaman.

Naging tahimik si Jake habang pinaglalamayan si Mel. Nagsidating ang mga nasa lahi ng mga taga-bantay. Mga kabilang sa angkan ni Udaya na tumiwalag sa agos ng kasinungalingan niya. Ang sinabing dahilan ni Rose ng pagpanaw ni Mel ay sakit sa puso. Inuusig ako ng aking budhi. Nasa aking balat ang kanyang huling ginawa. Kailangang magtagumpay ako. Bukod sa kailangan kong mapatay si Udaya, kailangan ko ring hanapin ang Bathala. Saan ako mag-uumpisa?

"Lakan." Napatingin ako kay Rose ng kuhanin niya ang aking diwa mula sa pag-iisip. "Maari ka bang makausap sandali?"

"Ano iyon? Kailangan ko ng bumalik kay Marikit. Nakapagbigay na ako ng panalangin kay Mel. Ako na ang magbabantay kay Marikit upang makapunta dito si Carol at Zandro."

"'Yong tungkol kay Jake," wika niya.

"Ano ang tungkol kay Jake?"

"Anak nga ba siya ni Sitan? Hindi niya lubusang matanggap na galing siya sa angkan ng mamamatay tao. Ngayon ay sa kampon ng pinakamasamang nilalang pa siya nahanay."

"Hindi isang biro ang bagay na aking sinabi."

"Pero, sigurado ka ba?" may alinlangan na tanong ni Rose.

"Mahirap kung minsan tanggapin ang katotohanan. Bantayan ninyo ang inyong kaibigan kung inyong nais. Sa akin ay isa siyang kalaban. Mauuna na ako, Amihan." Tumayo ako at muling sinulyapan ang himlayan ni Mel na napapalibutan ng bulaklak.

"Alam mo ba ang daan pabalik?"

"May isang alipin ipinasama si Zandro sa akin," sagot ko na ikinatawa ng bahagya ni Rose.

"Hindi sila tinatawag na alipin sa panahon ngayon," pagtatama niya.

"Katiwala kung gano'n. Mauna na ako. Maraming salamat sa pang-unawa sa nangyari. Hangad ko ang katahimikan ng taga-bantay."

"Alam ni Mel ang kanyang ginawa. Nananalig siya sa iyo. Huwag mo siyang biguin." May kalakip na paalala si Rose sa akin. Hinatid niya ako at ibinilin sa katiwala bago siya bumalik sa loob kung saan naroon si Mel.

"Paalam, taga-bantay at maraming salamat sa buhay na iyong ibinigay," bulong ko bago ako sumakay sa sasakyan sa panahon na ito.

Sa silid ni Marikit ay nakaupo ako sa higaan habang tinitingnan siyang mahimbing na nakapikit. Sinusuklay ko ng aking kamay ang kanyang buhok. Pinapakiramdaman ko ang kanilang pulso ng aking anak. Kung hindi ba naman tuso ang tadhana, binigyan ako ng dahilan upang lumaban ng higit pa sa kaya ko.

Sa 'di kalayuan ay nararamdaman ko ang presensya ni Sidapa. Bakit naririto sa paligid ang diyos ng kamatayan?

"Sidapa," wika ko sa kawalan.

"Nawiwili ka sa pagtawag," sagot niya nang hindi nagpapakita.

"Bakit ka naririto?"

"Kinakabahan ka naman agad. Nais kong sabihin na naihatid ko na ang taga-bantay sa kabilang buhay," sagot nito bago nagpakita. Nalukuban ng dilim ang paligid ng silid kahit pa may malamlam na ilaw na nakabukas sa tabi ng higaan ni Marikit. "May isa siyang bilin na gustong iparating sa iyo."

"Kailan ka pa naging taga-hatid ng pahayag?" biro ko kay Sidapa. Wala man lamang naging reaksyon ang mukha nito.

"Ang sabi ng taga-bantay, ang buhay niya ay malapit na raw magwakas kung kaya pinili niyang mawala ng may katuturan na ginawa. Huwag mo raw intindihin ang kulay ng kanyang dugo sa iyong balat."

"May sakit ang taga-bantay?" Nagkibit ng balikat si Sidapa.

"Alam mo ba kung nasaan si Bathala?"

"Hindi ako tanungan ng mga nawawalang diyos at diyosa. Paalam, Manggagaway." Nawala si Sidapa kasabay ng paglamlam muli ng silid.

"Kaunti na lang, Marikit. Maididilat mon a rin ang iyong maamong mga mata," bulong ko sa aking katipan. Katipan nga ba ang tamang itawag ko o kalupi ng aking puso? 

The Book MakerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon