Kabanata 11

2.3K 168 6
                                    

"Kit,"

Mga nag-aalalang mukha ang namulatan ko. Kanya-kanay sila ng paypay sa akin ng kung anong bagay na nadampot nila.

"Ano ang nangyari?" Nanghihinang tanong ko.

"Hinimatay ka." Sagot ni Ms. Mel. "Ihahatid ka na namin."

Ano ang nangyari? Bakit nanghihina ako? "Sige po, hindi ko kayang magmaneho."

"Sa hospital ka na kaya namin dalin?" Suggestion ni Carol. Umiiling akong sumagot sa kanya, "Okay lang na sa bahay."

Si Ms. Mel ang naghatid sa akin sa bahay at ang nagmaneho ng kotse ko. Nakasunod sa amin si Ms. Rose sa daan. Yakap-yakap ko ang libro ko habang nakatingin sa mga kotse na paroo't parito. Kailangan ko na yatang magpacheck ng dugo. Baka anemic na ako kaya ako nahihilo at nanghihina. Kulang sa iron? Marahil.

"Salamat, Ms. Mel." Kinuha ko ang susi ng kotse ko na inabot ni Ms. Mel. Katabi niya si Ms. Rose na nakatayo sa harapan ko.

"Kung okay ang pakiramdam mo bukas ay tawagan mo ako. Gusto kitang makausap tungkol sa... mga nalaman mo kanina about sa aming angkan. I-lock moa ng buong bahay mo, Kit. At... huwag kang magtitiwala sa iba. Nasaiyo ang mga number namin, hindi ba? Tawagan mo kami ni Mel." Mahabang bilin ni Ms. Rose sa akin. Hindi ko maintindihan ang mga sinasabi niya at tanging tango ang naisagot ko.

"Maghahanap kami ng kasagutan tungkol kay... Bunao." Dagdag ni Ms. Mel. Hinintay nila akong makapasok ng bahay bago sila umalis. Dumeretso naman ako sa aking silid. Ibinagsak sa kama ang libro at tumalbog ito ng dalawang beses.

"Lumabas ka." Hindi ko alam kung bakit ako nagagalit. Hindi ko alam kung bakit may mga luhang tumutulo mula sa aking mga mata.

"Lumabas ka at magpaliwanag, hindi iyong magpapakita ka lamang kung kailan mo gusto." Kinuha ko ang unan at pinaghahampas ang libro. Pinaghahampas koi to hanggang sa manghina muli ako at mapahiga sa kama na patuloy na umiiyak. "Ano ang ginawa mo? Bakit hindi ka lumaban?"

Nakatulugan ko ang pag-iyak at nagising na madilim ang paligid. Ang lakas ko ay unti-unting bumabalik ngunit hindi sapat upang makatayong muli. Nanatili akong nakahiga sa kama at nakatitig sa libro.

"Naghirap ang Pilipinas, alam mo ba?"

Katahimikan lamang ang aking naririnig. Nakakabingi gayong dati-rati ay maingay sa labas. Ngayon ay kahit tunog ng tricycle ay wala akong maringgan.

************

Tinanggap ko ang bawat palo ng unan na binibigay niya. Ramdam ko ang hinagpis ng kalooban ni Marikit. Nakikita ko ang galit sa kanyang umiiyak na mga mata.

"Ano ang ginawa mo? Bakit hindi ka lumaban?" Tanong niya. Tumutulo ang mga luha habang nakatingin sa akin na parang nakikita niya ako. Nahihiya akong nag-iwas sa kanya ng tingin at tumitig sa kadiliman. Noon, noong wala pa ang bintana ng pamagat ng libro, sanay ako sa dilim. Nagsasanay ng pakikidigma at pinaghahandaan ang muling paglaya. Ngunit kanina, nang mawalan ng malay tao si Marikit, hindi ko alam ang gagawin. Kung iyon ang kapalit ng kalayaan ko, nanaisin ko bang makita siyang namamatay unti-unti?

Nakatulog siya na may luha sa mga mata. Ang tanging nagawa ko ay panoorin siya mula sa dilim. Mula sa dilim na habang-buhay ko ng gugustuhing makasama. Unti-unting nawala ang liwanag sa labas hanggang ang kadiliman ay lumukob na maging sa bintana ng pamagat. Sinanay ko ang aking mga mata sa dilim upang maaninag si Marikit.

"Naghirap ang Pilipinas, alam mo ba?" Wika niya pagkatapos ng mahabang magkakahimbing.

"Alam ko. Nakasulat iyon sa bawat pahina ng libro,"

"Alam mo ba kung ano ang itsura ng Tondo ngayon?"

Kinatatakutan ko iyong makita. Iyon ang isa sa magiging sampal sa aking pagkabigo bilang pinuno. Hindi ko kinasasabikang makita ang kapalit ng kahangalan ko noon.

"Pinangingilagan ang dating kaharian mo." Mahinang wika ni Marikit. "Nasa Tondo ang pusod ng kahirapan ng buong Pilipinas. Doon mo makikita ang pinakamahirap sa lahat ng mahirap."

"Tama na," usal ko. Hindi ko kakayaning makita ng Tondo. Ang isa sa pinakamayamng kaharian noon. Noong bago ako... nawala.

"Ang... hari ng Tondo, hari ng Tondo. Baka mabansagan ka na hari ng Tondo."

Parang isang pangungutya ang bawat titik ng awitin na inaawit na paulit-ulit ni Marikit. At ng mapagod siya sa pangungutya sa akin ay nakatulog muli. Hinintay ko ang pagsikat ng araw. Hinintay ko ang liwanag upang makita si Marikit. Upang makitang muli ang galit sa kanya. Namamaga ang kanyang mga mata nang magmulat ang mga ito. Walang ngiti na bumalot sa kanyang mga labi. Bumangon siya na hindi ako binati at lumabas ng kanyang silid na walang paalam. Hinintay ko siya, mula sa papasikat na araw hanggang sa lumubog ito, hinintay kong bumalik si Marikit.

"Hari ng Tondo... hari ng Tondo," mapakla akong nangiti habang inuulit ang awitin.

Bumalik si Marikit sa silid bandang kalagitnaan ng gabi at walang kibong nahiga at natulog ng nakatalikod sa akin. May lakas na ba akong lumabas ng libro? Marahil sa panaginip ko muna siya kakausapin.

Nilakbay ko ang daan patungo sa kanyang panaginip. Natagpuan ko siyang nalilito kung lalapit sa akin o tatalikod. Nanaig ang mga katanungan sa kanyang isipan at pinili niyang lumapit.

"Bakit?" Tanong niya.Isang salita na katumbas ng kalahating siglo ng pagdurusa.

"Kasalanan ko,"

"Oo kasalanan mo." Sumbat niya. Tumataas ang tinig sa bawat salitang binibigkas. Huminga siya ng malalim at tumalikod sa akin, ngunit humarap muli na may luha na sa mga mata.

"Lumaki ako sa Tondo kaya alam ko ang salitang mahirap. At kapag sinabi kong mahirap, iyong hirap na isang beses, isang araw ka lamang kakain dahil walang makuhang kalakal ang mga magulang namin. Alam mo ang kalakal? Hindi mga gamit na galing si Tsina na binibili mo noon kung hindi mga basura. Basura na kailangan naming halukayin upang makakuha ng bote at lata upang ipagbili sa junk shop. Basura na kung minsan ay may mga tirang panis na pagkain pero pag-aagawan pa rin ng mga bata dahil mas nanainisin naming kumain ng panis kaysa hindi kumain maghapon. Ganoon kahirap ang salitang mahirap sa Tondo."

Hindi ako nakapagsalita sa bigat ng kanyang sinabi at sa lugar pa na minsan ay naging isa sa pinakamaunlad. "Hindi namin alam ang salitang pangarap noon hanggang natuto ako at pinilit gumapang upang makaahon sa kahirapan na isinadlak mo sa amin. Ikaw..." Dinuro si Marikit ang tapat ng aking puso. "Ikaw ang huling hari ng Tondo ayon sa kwento pero parang mas tamang sabihing si Asyong Salonga ang huling hari ng Tondo kaysa sa iyo."

"Hindi mo alam ang tunay na nangyari," tumaas ang boses ko na dati ay pangingilagan na ng mga alipin ngunit hindi si Marikit. Nanatili siyang nakatingin ng taimtim sa akin at may galit sa mga mata.

"At hindi mo nakita ang kinalabasan ng sinasabi mong tunay na nangyari." Balik niya sa akin.

The Book MakerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon