Kabanata 2

3.2K 205 8
                                    

Nakatulog akong yakap-yakap ang libro. Sa hindi ko maipaliwanag na kadahilanan ay bigla akong naging attach dito. Parang nararamdaman ko ang lungkot niya. Sumandal ako sa headboard at binati ang libro...

"Good morning," wika ko bago maingat na binuksan ang unang pahina.

Kulay kape ang pahina at parang malutong na ang mga ito. Mabuti at hindi ito manipis o inanay. Sulat kamay at pawang nakasulat sa baybayin ang nasa unang mga pahina. Hindi ko maunawaan ang bawat simbulo. Marahil ay kailangan kong magtungo sa National Library. Baka mayroong reference sila na magamit ko. Ang bawat pahina ay parang inisunat ng magkakaibang tao.

Journal kaya ito?

Ang mga baybayin ay napalitan ng wikang espanyol at nagpatuloy ito. Bawat pahina ay magkakaiba ang paraan ng pagsusulat. Magkakaiba ang tinta na ginamit. Napapiling ako. Hindi ko na tinapos ang pagbabasa dahil hindi ko rin naman naiintindihan. Maingat kong isinarado ang libro at binalot sa isang shawl. Mamaya ay uuwi na tayo ng Maynila.

Halos gabi na nang makarating ako sa bahay ko. At gaya ng nagdaang gabi ay itinabi ko sa pagtulog ang libro. Yakap-yakap ko ito at hindi binitawan. Hanggang sa mapikit ako at makapanaginip ng isang lalaki. Puno siya ng tattoo sa buong katawan at napakamatipuno. Nakasuot ito ng bahag at kangan, may mga beads ang dulo ng buhok na parang nakatirintas nang pino. Ang ulo nila ay may salakot kaya natatakpan ang mukha. Mayroon siyang hawak na sibat na kasing taas niya. Mukha siyang mandirigma noong panahong bago pa tayo sakupin ng mga kastila.

"Sino ka?" tanong ko sa kanya.

"Hindi mo nanaising malaman," sagot nito at nanayo ang aking balahibo sa lalim ng kanyang boses.

"Sino ka?" ulit kong muli ngunit hindi siya kumibo. "Ano ang iyong pangalan?"

"Kapag sinabi ko sa iyo ay kailangan mong mamatay. Kung ako sa iyo ay hindi ko nanaising malaman ang ngalan ng isang manggagaway." Wika niya. Tumalikod siya at naglakad sa kadiliman.

"Sandali,"

"Makinig ka, Marikit. Iwasan mo ako," wika niya. Nilamon siya ng dilim at ako naman ay napabalikwas sa kama.

Manggagaway.

Napatingin ako sa libro na nabitawan ko sa pagkakabalikwas ko sa kama. Nakabuka ang cover nito at nakalantad ang isang pahina na may nakasulat sa baybayin. Anim na character ang nakasulat sa gitna ng pahina. Kailangan ko ng reference. Kailangan kong pumunta sa Library.

Tanghaling tapat nang mag-park ako sa National Library. Bitbit ko ang bag ko na may lamang libro, tinungo ko ang history section. Halos walang tao sa library at tanging ang librarian lang ang naroon.

"Ma'am, good afternoon po. Saan po ang reference ng mga sinaunang libro?" tanong ko sa kanya.

"Good afternoon din. Anong klasing sinaunang libro ang hinahanap mo?" tanong niya.

"Sa mga baybayin po sana. At kung mayroon kayong listahan ng mga libro ng pre-spanish era?"

Nakunot ang noo ng librarian. "Hindi ako sigurado kung mayroong libro during pre-spanish era. Pero ang mga libro ng baybayin ay doon sa gitnang aisle," sagot niya.

"Thank you po," magalang na sagot ko. Nagpunta ako sa gitnang aisle at naghanap ng reference sa baybayin. Nakakita ako ng isang libro na mayroong alpabeto ng sinaunang mga Pilipino. Kinuha ko iyon at at pinakatitigan ang mga nakasulat. Tama, magkapareho ang mga simbulo nila. Maingat kong nilabas ang lumang libro ko at binuksan ang pahina kung saan bumukas ang libro kanina. Inisa-isa ko ang simbolo at hinanap ang salitang katumbas nito.

Manggagaway. Iyan ang ibig sabihin ng nakasulat sa pahina. Iyan din ang sinabi ng lalaki sa panaginip ko. Ngunit, ano ang ibig sabihin nito? Naghanap akong muli ng mga libro sa history section. Kumuha ako ng libro ng mga alamat, libro ng mga diwata at engkanto at mga sinaunang paniniwala. Dinala ako ng isang salita sa mundo bago tayo sakupin ng mga Kastila.

Manggagaway. Sorcerer. Wizard.

"Mangkukulam ka?" bulong ko sa libro.

*******************

"Manggagaway," pagtatama ko kay Marikit. Matigas ang ulo mo. Hindi ba at sinabi kong iwasan mo ako? Nagpunta ka pa talaga sa silid-aklatan at naghanap ng kasagutan.

Pinakinggan ko ang bawat bulong ng labi niya. Natatawa ako sa mga naisulat ng mga tao tungkol sa akin. Karamihan ay kathang isip lamang. Wala nang nakakaalam kung ano kami, kung sino kami. Lubos na kaming nakalimutan ng mga tao. Ngunit hindi ba at ito rin ang minsan kong nahiling? Ang makalimutan at nang hindi na mapangilagan. Ang makalimutan na minsan ang mga mangagaway ay naging makapangyarihan.

"Ang mga mangagaway ay kampon ng dilim,"

Natawa ako ng malakas sa binabasa ni Marikit.

"Sila ang nagdadala ng sakit na hindi kayang gamutin at kaya niyang magpanggap bilang isang mangagamot. Kaya niya ring magpalit anyo bilang tao."

Ganoon pala nila ako tingnan. Nagpapanggap bilang isang mangagamot at hindi tao. Napapailing ako sa mga naririnig ko. Kung sana ay nakikita ko si Marikit habang nagbabasa. Nalalaman ko sana ang kanyang iniisip.

"Kalokohan naman ng mga ito," bulong niya.

Natawa akong muli sa ibinulong niya.

"Hindi naman ganito ang itsura ng napanaginipan ko." Narinig kong wika niya at ang malakas na pagsarado ng libro. Nawala ang ngiti ko sa aking mukha. Natatandaan niya ako? Ang itsura ko?

"Bakit matandang kuba ang mga nasa picture dito ng mangagaway?"nalilitong tanong niya na ikinatawa kong muli.

Hay, Bathala... ano kaya ang tingin nila sa iyo? Matandang may balbas na puti?

"Hindi ba matangkad siya at mukhang mandirigma?" bulong ni Marikit. Naramdaman ko ang pagdaiti ng isang libro sa akin. Nakapailalim ako sa mga librong binabasa niya.

"May tattoo sa buong katawan at may salakot sa ulo,"

Naalala nga niya ako. Bakit? Bakit hindi ko naalis sa kanyang isipan ang anyo ko? Dapat ay ang bilin ko lamang ang kanyang maaalala. Hindi yata dapat ako nagpakita sa kanya sa panaginip. Hindi pa ako malakas gaya noon upang utusan ang isipan niya.

"Bakit panay kuba ang mga nasa larawan?" tanong muli ni Marikit sa mga librong nasa harapan.

"Miss, mayroon ka bang specific na hinahanap? Baka matulungan kita." Tanong ng isang babae kay Marikit.

"Nagreresearch lang po, Ma'am. Okay na po ako." Sagot niya.

Nilukuban ako ng kaba nang marinig ko ang boses ng kausap ni Marikit. Unti-unti ay nanlamig ang aking pakiramdam. Taga-bantay. Nahanap nila akong muli.

"Sigurado ka?"

"Opo," Sagot niya.

"Tulungan na kitang magligpit. Malapit ng magsarado ang Library."

At ang bigat ng libro na nakadagan sa akin ay biglang nawala. Naramdaman ko ang pagdampi ng kamay ni Marikit sa libro ko.

"Sa akin po ito," wika niya. Hindi ako makahinga. Nararamdaman ko ang taga bantay. Nararamdaman ko siya.

"Ano ang pamagat ng libro mo?"

"Wala pong pamagat." Sagot ni Marikit. Naramdaman kong muli ang tela na ibinabalot niya sa akin. Muli ay inilagay niya ako sa kanyang lalagyan at nakahinga ako ng maluwag.

"Kung kailangan mo pa ng references, huwag kang mahihiyang bumalik dito. Ako nga pala si Rose." Pagpapakilala ng taga-bantay.

"Ako po si Kit. Sige po Miss Rose, ako na po dito."

"O sige. Hanggang 5pm lang tayo, Kit." Paalala nito at umalis. Unti-unti ay nawala ang hatak ng taga-bantay sa akin. Unti-unti ay nakahinga ako ng maluwag.

"Umalis na tayo," wika ko kay Marikit kahit hindi niya ako naririnig.

"Hindi ko alam kung bakit ako kinakabahan." Bulong niya. "Umuwi na nga tayo,"

Muli ay naramdaman ko ang pagyakap ni Marikit sa libro at alam kong ligtas ako kahit pansamantala.

The Book MakerWhere stories live. Discover now