Kabanata 4

2.7K 209 12
                                    

"Dahil naglayag ka sa panahon," wika ko. "Hindi ko pa naman dinidikit ang cover mo, gagawin ko muna ang title." Kinuha kong muli ang leather cover na ginawa ko para sa libro. Pinili ko talaga ang pinakamagandang klase ng leather na mayroon ako. Ilanga raw na akong hindi sumasagot ng mga emails dahil sa libro na ito. Dapat lang ay maging maganda. Namili ako ng mga cursive na metal stamp at inayos sa molde. Maingat na inilagay ko ang cover sa ilalim ng molde at inunang langyan ng title ang spine.

LAYAG

Kumikinang ang gintong palara na ginamit ko para sa bawat letra. Inayos kong muli ang bawat letra sa molde upang sumakto sa sukat ng cover. Sinubukan ko muna sa ang paggawa ng title sa isang papel bago ko tuluyang ginawa sa leather cover. Pinagpapawisan ako habang maingat kong ibinababa ang mold press sa cover. Maingat kong itinaas ang molde at kinakabahang tiningnan ang nabuong title.

"Perfect," bulong ko. Dinala ko ang leather cover sa work table ko at pinakatitigan.

"Mayroon ka ng title. Bubuuin na kita." Nakangiting wika ko. Sinimulan kong muli ang paglalagay ng pandikit sa spine ng libro. Humanap ako ng papel na babagay na maging end sheet. Dapat bagay sa maroon at hindi pambabae dahil ang isip ko ay nakapgpasya na. Lalaki ang libro ko. Sa dami ng kulay at disenyo ng papel na mayroon ako, wala akong mapili na gagawing end sheet.

"Bakit ang hirap magdesisyon pagdating sa iyo?" bulong kong muli sa libro. Tumayo ako mula sa upuan at nagpunta sa maliit na kusina sa workshop ko. Nagsalang ako ng tubig para sa kape. Habang hinihintay kong kumulo ang tubig ay natingin ako sa painting na nakasabit sa pader. Isa itong black and white painting ng lumang simabahan na ginawa ko.

"Tama, gagawa ako ng special na end sheet." Nakangiti akong bumalik sa work table ko dala ang bagong timplang kape. Kumuha ako ng papel na halos kakulay nang pahina ng libro at iyon ang ginawa kong end sheet. Tinapos ko muna ang libro at saka pinakatitigan.

"Kaunti na lang. Guguhitan na lang kita dahil wala akong makitang espesyal na papel para sa espesyal na libro na gaya mo." Kumuha ako ng lapis at nagsimulang gumuhit. Inalala ko ang lalaki sa panaginip ko ngunit unti-unti kong nalilimutan ang mga detalye niya. Halos outline lang ang naiguhit ko nang magpasya akong huminto.

"Bakit bigla ay nakakalimutan ko ang detalye mo? Maaari ka bang magpakitang muli sa akin?" Napabuntong hininga ako at tumayo. Kinuha ang naipong mga tasa sa tabi ko at saka hinugasan. Maghapon akong hindi nakakain dahil sa kakagawa ng cover. Kinuha ko ang libro at dinala sa itaas. Maliligo muna ako bago matulog. Inilapag kong muli ang libro sa kama at nagsimulang maghubad ng damit. Ngunit sa hindi ko maipaliwanag na kadahilanan, pakiramdam ko ay mayroong nagmamasid kung kaya nagtungo ako sa banyo at doon naghubad nang tuluyan.

"Bukas na lang ulit," bulong ko libro at saka ipinikit ang mga mata.


*****************

Nakatitig si Marikit sa akin na may ngiti sa labi. Iyon pala ang itsura niya. Maputi siya ng bahagya kaysa sa mga sinaunang Pilipina. Matangos ang maliit na ilong, mapula ang pisngi at labi. Ang kanyang buhok ay nakatali at nakaipon sa ibabaw ng kanyang ulo. May mga hibla na kumala sa pagkakatali at nililipad ng hangin.

Binigyan niya ako ng paningin dahil sa pagkakalagay niya ng pamagat. Ngayon ay nakikita ko na ang mundong kanyang ginagalawan. Nakikita ko na ang kanyang bawat hakbang.

"Kaunti na lang. Guguhitan na lang kita dahil wala akong makitang espesyal na papel para sa espesyal na libro na gaya mo." wika niya. Lumingon siya sa kaliwa at dumampot ng lapis. Binuksan niya ang libro at naramdaman ko ang pagguhit ng lapis. Kanina, habang binubuo niya ako ay nawala ang bawat sugat na dinulot ng kanyang pagputol sa luhang takip. Nawala ang bawat namamaagang kalamnan dahil sa pagtusok ng mga karayom. Nawala lahat ang bakas ng pahirap na naranasan ko kahapon. Unti-unti ay nararamdaman kong bumabalik ang lakas na naipon sa nagdaang panahon. Ang lakas na biglang nawala dahil nahinto ang pagsusulat sa libro.

"Bakit bigla ay nakakalimutan ko ang detalye mo? Maaari ka bang magpakitang muli sa akin?" Bakas sa kanyang tinig ang panghihinayang. Isinarado niya ang libro at nakita ko siyang tumayo. Sinundan ko ang kanyang kilos mula sa aking kulungan. Hinugasan niya ang kanyang mga pinag-inuman at muli ay isinama ako paakyat sa kanyang silid. Inilapag sa kama at nagsimula siyang itaas ang suot na damit. Napahinto ako sa paghinga at siya naman ay napatitig sa akin. Naiiling siyang lumayo at pumasok sa isang pintuan. Napabuga ako ng hininga.

"Binigyan mo ako ng paningin, Marikit. Isa iyang kahangalan. May dahilan kung bakit wala akong pamagat. Iyon ay upang hindi ako makakita. Ngayong binigay mo ako, magiging madali sa akin ang pag-aralan ang panahon mo at hanapin ang mukha ng mga taga-bantay. Matitikman nila ang ganti ng isang mangagaway."

"Bukas na lang ulit," wika ni Marikit nang tumabi siya sa akin sa higaan. Pumukit siya at saka ko siya pinagmasdan. Sinubukan kong abutin ang kanyang mukha. Itinaas ko ang aking kamay at naramdaman ko ang malamig na hangin sa labas ng libro. Dinama ko ang kanyang pisngi at inipit sa likod ng tainga niya ang ilang hibla ng buhok na humaharang sa kanyang mukha.

"Mapangahas ka," bulong ko. "Ikakapahamak mo iyan."

"Nasaan ka?" bulong ni Marikit. Napahinto ang aking kamay sa pagbalik sa libro.

"Narito," mahinang sagot ko. Tuluyan na akong hinila ng tanikala at ibinalik sa aking kulungan. Lumalakas na akong muli ngunit hindi pa sapat upang makatawid nang tuluyan sa libro pansamantala. Binantayan ko si Marikit habang siya ay natutulog. Nakatitig ako sa kanyang maamong mukha. Magdamag siyang nakaharap sa akin kaya napag-aralan ko ang kanyang anyo. Nakabisa ko ang kanyang itsura. Ang bawat guhit ng kanyang mukha ay nakapinta sa aking isipan. Madilim pa nang magmulat ng mata si Marikit.

"Hindi ka nagpakita,"

"Hindi," umiiling na sagot ko.

"Paano kita iguguhit kung hindi ka magpapakita sa akin?" tanong niya.

"Hindi mo ako kailangang iguhit."

"Ayaw kong iguhit ang matandang kuba kaya magpakita ka," wika niya na ikinatawa ko. Malamlam ang mga mata ni Marikit na tumitig sa akin. "Alam mo ba ang pakiramdam na mag-isa?"

"Oo," maikling sagot ko.

"Hindi ko naman pinanghihinayangan ang mga natapos kong relasyon, pero hinahanap-hanap ko ang mayroong nagtatanong kung kumain na ba ako, kamusta ang araw ko..." Huminga ng malalim si Marikit at saka malungkot na ngumiti.

"Hinahanap-hanap ko ang mayroong nagpoprotekta sa akin. Kaya magpakita ka na dahil pakiramdam ko ikaw talaga ang lalaki sa panaginip ko. Pakiramdam ko ikaw ang tadhana ko," wika niya at saka tumawa. "Isa siguro akong aliping sa gigilid noong unang panahon. Nasa gilid lamang ako at nakatitig sa iyo habang nilalambing mo ang iyong katipan."

Nawala ang ngiti ko at inalala kung mayroon ngang ganoong pangyayari noon. Marami akong alipin na hindi ko inalam ang mga pangalan. Isa akong maharlika. Ako ang Lakan. Ang huling pinuno ng Tondo. Hanggang sa makulong ako sa libro at ang namuno ay isang nagbalatkayo.

"O hindi kaya ay sadyang babaero ka lamang. Hay, mga lalaki nga naman." Tinitigan ako ni Marikit ng masama at saka siya bumangon. "Iiwanan kita dito dahil hindi ka nagpakita sa akin." Saad niya. Narinig ko ang lagaslas ng tubig mula sa kabilang silid at naamoy ang halimuyak ng kanyang sabon na ginagamit.

"Hindi ako palikero. Wala nga akong naging anak dahil nakulong ako sa libro." Napapailing na sagot ko. Hinintay kong bumalik si Marikit sa higaan upang kuhanin ako ngunit inayos lamang niya ang kumot.

"Maiwan ka."

"Huwag mo akong iwanan. Gusto kong makita ang labas," sigaw ko kay Marikit ngunit hindi naman niya ako naririnig. Ang pagsarado ang pintuan ang huling kong narinig sa kanya at sumunod ay ang nakakabinging katahimikan.

"Mamaya, mag-uusap tayong dalawa." Naiinis na wika ko.

-----------

A/N

Lakan-  ito ang tawag sa namumuno noon sa isang bayan bago pa dumating ang mga Kastila.

The Book MakerDonde viven las historias. Descúbrelo ahora