Kabanata 6

2.5K 210 8
                                    

Mabigat ang katawan ko nang magising ako bandang hapon na. Para akong lalagnatin at pakiramdam ko ay hinang-hina ang katawan ko. Tunog ng cellphone ko ang nanggising sa akin.

"Hello,"

"Ma'am Kit, maaga po akong uuwi ngayon." Paalam ni Edna sa akin.

"Okay lang, sige," nanlalambot na sagot ko.

"Ma'am, okay ka lang? May sakit ka ba?" nag-aalalang tanong niya.

"Hindi pa ako kumakain. Pakisabihan naman kung sino ang maiiwan na hatiran ako ng lugaw sa kwarto ko. Para akong lalagnatin."

"Sige, pahatiran kita kay Darren."

"Sige, Edna. Salamat."

Pinilit kong tumayo at nagpunta sa banyo para makapaghilamos at makapagtooth brush man lang. Kalahating oras pa ang hinintay ko nang mayroong kumatok sa pintuan ng kwarto ko.

"Pasok ka, Darren."

Pumasok si Darren na may dalang umuusok na mangkok at tubig. Inabot nito sa akin ang mangkok at nilagay ang baso ng tubig sa table. Dumukot rin siya ng paracetamol sa bulsa.

"Kailangan mo pa ba ang mga ito o ibababa ko na?" tanong niya sabay turo sa mga lapis at pens ko.

"Pakilagay sa work table ko." Mahinang sagot ko.

"Nasa kabila lang ako. Tawag ka lang sa cellphone Ma'am Kit." Lumabas ng kwarto ko si Darren bitbit ang mga ginamit kong lapis at pens kanina.

Tahimik akong kumain at kahit nanlalambot ay pinilit kong ubusin ang lugaw.

"Sa mga ganitong panahon ako naiinis at wala akong kasama e," bulong ko sa sarili ko. Kinuha ko ang gamot na nilapag ni Darren at ininom.

"Ang hirap mag-isa, manggagaway." Wika ko at inilapag ang libro sa kandungan ko. Dinaanan ng daliri ko ang bawat letra ng pamagat.

"Ilang beses na akong nagtiwala at umasa. Iisa lang ang kwento, magkakaiba lang ng paraan kung paano nila sinulat. Nagkakilala kami, nagtiwala ako, at nakakita sila ng iba. Hindi ko alam kung sa tatlong beses na nagmahal ako, ako ba ang may mali o sadyang parang may karatula ako sa noo na nagsasabihin, 'Lokohin ninyo ako. Madali akong utuin.'"

Nahinto ako sa pagdama sa pamagat ng libro. "Nang matagpuan kita, iyon dapat ang araw ng kasal ko. Kaya ako pumunta ng Capiz ay para malibang ako. Mabuti na lang at ang mga imbitasyon na ako mismo ang gumawa ay hindi pa napapamigay. Nakaiwas ako sa malaking kahihiyan ngunit hindi sa sarili ko. Nanliliit ako dahil kahit sumisigaw ang puso ko na huwag magpakasal, nanaig ang utak ko na tanggapin ang lalaki na iyon dahil natatakot akong tumandang mag-isa."

Maingat kong binuksan ang takip ng libro at tinitigan ang iginuhit ko sa end sheet. "Ganito na lang yata ang buhay ko. Tatanda akong kausap at kasama ka." Bulong ko sa larawan ng lalaki na iginuhit ko. Natatago ng salakot ang kanyang mukha at tanging labi niya ang nakikita ko.

"Alam mo, naalala ko noong nag-aaral ako, may isang pinuno ng Tondo na nagngangalang Lakandula. Siya ang huling pinuno ng Tondo bago dumating ang mga Kastila. Pero kasi sa picture sa libro, parang matanda na siya. Kilala mo kaya siya?"

******************

Pinagmasdan ko ang lalaking pumasok sa silid ni Marikit. May dala itong pagkain at tubig.

"Isang maling galaw," bulong ko habang nararamdaman ko ang init na tumulay sa aking mga ugat. Nakakuyom ang aking mga kamao at handa akong ipagsapalaran ang kung ano mang lakas ang mayroon ako upang ipagtanggol si Marikit kung kinakailangan.

"Nasa kabila lang ako. Tawag ka lang sa cellphone Ma'am Kit." Wika nito at mabilis ding lumabas ng silid dala ang mga lapis at tinta na ginamit ni Marikit kanina. Huminga ako ng malalim upang kalmahin ang sarili. Pinanood ko si Marikit na kumain at inumin ang marahil na gamot na inilapag ng lalaki kanina sa hapag.

"Sa mga ganitong panahon ako naiinis at wala akong kasama e. Ang hirap mag-isa, manggagaway."wika niya. Nakinig ako sa kung ano man ang kanyang ikukwento ngayon. Minsan ay nagsasalita siya na parang na nakikita niya akong nakikinig sa kanya.

Nagsimula siyang sundan ang bawat letra ng pamagat ng libro na kanyang inilagay. Ang kanyang marahang daliri ay nararamdaman ko sa aking dibdib at likod.Paikot-ikot na parang nanunukso sa akin. Nagpatuloy siya sa ginagawa habang nagkukwento kung paano siya niloko at iniwan ng kanyang mga naging katipan. Sa gilid ng aking isipan ay sumingit si Mutya— ang noon sana ay pakakasalan ko bago ko nakilala si Udaya. Isang kahangalan ang ginawa ko at pinagsisihan ko iyon sa araw-araw. Kinakamuhian ko si Udaya at ang mga nagmula sa lahi niya. Kinakamuhian ko ang aking sarili dahil sa isang maling pasya. Dahil sa kapusukan at tawag ng laman ay nagdusa ang nasasakupan ko. Dala ko hanggang ngayon ang pagkabigo ko.

"Alam mo, naalala ko noong nag-aaral ako, may isang pinuno ng Tondo na nagngangalang Lakandula." Napatingin ako kay Marikit at hindi huminga.

"Kilala mo kaya siya?" tanong niya.

Lakandula. Parang isang sampal sa akin ang pangalan at titulo na iyan. Hindi nararapat binabanggit sa aking harapan. Sapat na ang manggagaway sa akin.

"Naalala ko lang dahil mga libro ukol sa kanya ang una kong gagawin sa susunod na linggo. Kakaunti ang kaalaman ko tungkol sa kanya. Halos hindi na nga pinag-aaralan sa paaralan ang kwento niya."

"Dahil walang kwento si Lakandula." sagot ko sa nagtatagis na mga bagang.

"Nasaan ang salin-lahi niya? Nasaan ang mga dugong bughaw ng bansang Maharlika?" wala sa loob na tanong ni Marikit.

Napayuko ako at inusig ng kunsensya kung mayroon man akong natitira. Ako, na isang manggagaway at ang huling hari ng Tondo ay walang nagawa kung hindi pakinggan ang hinagpis ng bawat nasasakupan ko sa nakalipas na limang daang taon mula sa aking kulungan.

"Namatay si Lakandula na hindi umalma sa Kastila ayon sa isang libro na nabasa ko noon."

Nahihiya akong yumuko at itinikom ang mga kamao sa gilid ng aking katawan. Ipinikit ko ang aking mga mata at naliliit na nakinig sa mga sinasabi ni Marikit.

"Ano nga ang pangalan ng asawa niya?"

"Mutya," mahinang sagot ko. "At hindi ko siya asawa. Ipinagkasundo lamang sa akin."

"Nakalimutan ko na. Basta ang alam ko ay pito ang naitalang anak niya." Wika ni Marikit habang nakatulala sa kawalan. Tumawa ako na may pait sa aking panlasa.

"Bakit kaya hindi sila lumaban noon? Mangangalakal lamang ba sila at hindi mandirigma? Pero kasi 'di ba, kung ikaw ang Hari ay ipagtatanggol mo ang lupa mo?" tanong niya at tumingin sa akin na parang nakikita niya ako mula sa mga letra na nakalimbag sa harapan ng libro.

"Dahil ang tunay na huling hari ng Tondo ay nakakulong sa libro." Sigaw ko kay Marikit. "Ang Lakandula na hindi lumaban at yumuko sa Kastila ay isang balatkayo at hindi ako."

"Ano ang tunay mong pangalan, manggagaway?"

Sinalubong ko ang tingin ni Marikit mula sa bintana na ibinigay niya sa akin. Nangilid ang mga luha ko dahil sa bigat ng nararamdaman ko. Ang aking pangalan ay hindi ko kailanman binanggit sa loob ng limang daang taon. Hindi ako nararapat sa pangalan ko.

"Bunao," mahinang wika ko kasabay ng pagtulo ng mga luha.

"Lakan Bunao Dula, ang huling Lakan ng Tondo."

The Book MakerWhere stories live. Discover now