Kabanata 9

2.2K 186 20
                                    

Mabigat na naman ang libro nang pababa na kami sa hagdanan.

"Makisama ka naman. Ang bigat mo e," wika ko at tumigil sa gitna ng mga baitang. Hinihingal akong bitbitin ang libro na ito. "Sige na, kailangan ko lang silang makausap para maunawaan kita." Huminga muna ako ng malalim bago tumayo at binuhat ang medyo may kagaangan ng libro.

Pasilip-silip ako sa tabi ko habang nagmamaneho. Nag-aalala akong bigla na lamang mawala ang libro. Napapansin ko na ayaw nito na may ibang tao.

"Malapit na," mahinang wika ko.

Yakap ko ang libro nang pumasok ako sa Pambansang Museyo. Ang sabi ni Ms. Mel sa akin ay sa isang silid daw kami magkita kung saan napapalibutan ng mga gamit galing sa panahong bago pa dumating ang mga Kastila. Hinanap ko ang silid na iyon at naka-ilang ikot sa gusali bago ko natagpuan. Wala pa sila kung kaya binaba ko muna ang aking mga gamit at nag-ikot sandali. Ako lamang ang tao sa silid. May mga baybayin na nakasulat sa isang pader at iyon ang aking tinitigan. Nawiwili ako sa baybayin at hindi pinansin ang mga sinaunang armas ng mga ninuno na naka-display, maging ang kanilang sinaunang kasuotan.

Hindi ko mawari kung bakit pakiramdam ko ay may kasama akong iba. Luminga-linga naman ako sa paligid ngunit wala namang nakita bukod sa mannequin na nakatayo at walang... saplot.

"Kit," tawag ni Ms. Mel sa pangalan ko. Napatingin ako sa pintuan at nakita sila ni Ms. Rose, kasama ang isang pares na mukhang magkasintahan o mag-asawa. "Kanina ka pa ba?"

"Hindi naman, napaaga lang ako ng alis at baka matraffic ako." Sagot ko.

"S'ya nga pala, si Carol, siya ang sinasabi ko sa iyo at si Zandro, ang asawa niya. Nasaan ang libro?" Tinanggap ko ang pakikipagkamay ng mag-asawa na mukha namang mabait.

"Oh, right.  Nilapag ko dito." Bumalik ako sa pinag-iwanan ng mga gamit ko at kinuha ang libro. Nakangiti akong tumayo ng tuwid bitbit ang libro nang apat na pares ng mata ang biglang nanlaki sa aking harapan.

"Kit," sigaw ni Ms. Rose. Isang kamay na parang gawa sa adobe ang humawak sa balikat ko at mabilis akong napigilan sa paghakbang.

"Taga-bantay," sigaw nito at lumitaw ang manggagaway sa aking tabi na may hawak na dalawang sibat at nakatutok sa lalamunan ni Ms. Rose at Ms. Mel. Si Zandro ay agad na inilagay ang katawan sa pagitan ni Carol at ng galit na manggagaway.

"Teka, sandali lang." Awat ko sa manggagaway. Si Ms. Rose at Ms. Mel ay nanatiling nakatingin ng taimtim sa lalaki sa kanilang harapan na nakabahag at puno ng baybayin ang katawan. Puno ng galit ang mga mata at parang kayang kumitil sa isang iglap.

"Kayo, na galing sa dugo ni Udaya, sabihin ang inyong pakay bago ko kitilin ang inyong buhay." Napasinghap ako at nabitawan ang libro. Si Carol ay nagtago na ng tuluyan sa likod ni Zandro.

"Teka, nagkakamali ka," wika ni Zandro.

"Ipagkakaila ba ninyo na galing kayo sa lahi ni Udaya? O maging kayo na kinahihiya siya? Nakakasuklam bang malaman na ang lahing pinagmulan ninyo ay lahi ng isang mangkukulam?" Puno ng galit na wika ng manggagaway.

"Matagal na naming alam na galing kami sa lahi ng masama, ngunit pinipilit naming ituwid ang ginawa ng aming angkan. Ibaba mo ang iyong sibat at mag-usap tayo." Wika ni Ms. Rose. Kinakabahan akong tumingin sa manggagaway.

"Kaibigan sila," wika ko dito.

"Masyado kang mapagtiwala, Marikit." Saad nito. "Minsan akong nagtiwala sa gaya nila, huwag kang magpalinlang."

"Sila ang taga-bantay, ngunit nahinto na ang sumpa sa itim na libro. Wala nang namamatay. Wala nang libro na lumilitaw. Wala na ang sumpa ng Ada sa kanilang lahi." Sagot ni Carol. "Pakiusap makinig ka. Hindi sila ang kalaban mo, kung iyon ang inaakala mo. Ang lola nila— marahil ang lola nila ang siyang nais mong paghigantihan ngunit hindi silang dalawa."

Unti-unting ibinaba ng manggagaway ang dalawang sibat na hawak at ibinaba sa kanyang tagiliran. Napahinga ako ng maluwag at nangtangkang lumakad palayo sa kanya nang pigilan niyang muli ang balikat ko.

"Si Marikit ay mananatili sa tabi ko." Saad nito.

"Sino ka?" Tanong ni Ms. Rose. Nakatayo kami nang magkaharap, apat laban sa dalawa.

"Manggagaway,"

"Mangkukulam?" Tanong ni Ms. Mel.

"Manggagaway," mariing sagot ng manggagaway. "Nasaan si Udaya?"

"Matagal ng wala si Udaya. Nasa makabagong panahon ka na." Sagot ni Ms. Rose na ikinatawa ng manggagaway.

"Hangal kayo kung naniniwala kayong namatay si Udaya. Hindi siya mamamatay hanggat hindi ko nababawi ang kinuha ninya sa akin,"

Nagkatinginan si Ms. Rose at si Ms. Mel. "Imposible," mahinang wika ni Carol. "Ang ibig mong sabihin? Na buhay pa si Udaya?"

Nanlaki ang mga mata ni Ms. Rose. "Ano ang alam mo? Ano ang kailangan niya?"

"Bakit hindi ninyo alam? Kayo ay galing sa lahi niya. Taga-bantay ng libro at ng aking kulungan. Nakatakas man kayo sa sumpa ng Ada, hindi kayo makakatakas sa paghihiganti ng manggagaway. Lilipunin ko ang inyong lahi at wala akong ititira,"

Kinilabutan ako sa bawat salita ng binibitawan ng manggagaway.

"Manggagaway, kami ay hindi kalaban. Ang lahi namin ay nahati na sa dalawa. Kami ang taga-bantay ng mga libro ng Ada na nahinto sa pagsusulat. Hindi lahat ng galing sa angkan ng Pluma ay masama," wika ni Ms. Rose.

"Makinig ka sa kanila, pakiusap." Hinawakan ko ang braso ng manggagaway upang mabaling sa akin ang kanyang atensyon.

"Anong kulungan ang sinasabi mo? Ikinulong ka ba ni Udaya?" sunod-sunod na tanong ni Ms. Rose. "Paano ka namin mapapakawalan?"

"Buhay ninyo ang kapalit sapagkat buhay ko ang kinuha." Mariing sagot nito. "Umalis ka na, Marikit at huwag kang lalapit sa kanila. Tandaan mo ang binilin ko sa iyo noong una tayong magkita."

"Pero, nangako ka."

"Umalis ka na. Ngayon na," utos nito.

"Makinig ka muna. Kung iyong ikakapanatag, galing ako sa angkan ni Alon— kung kilala mo siya— at ang aking asawa ay galing sa angkan ni Malaya." Lumapit ng ilang hakbang si Zandro sa amin. "Sila ang tumulong sa amin para masagip ako. Ako ang isa sa nakasulat sa libro ng Ada. Hindi sila Ms. Rose at Ms. Mel ang kalaban mo dito."

"At bakit ako magtitiwala sa iyo?"

"Dahil, alam ko na kilala mo si Alon sa panahon mo." Sagot ni Zandro. "At alam mo rin na kinasusuklaman niya si Udaya gaya mo."

"Ako ay aalis baon ang itsura ninyo sa aking isipan. Isang buhok ni Marikit ang masaktan, lilipunin ko ang inyong angkan. Kayong dalawang taga-bantay, ingatan ninyo si Marikit laban sa angkan ninyo. Babalik ako at muli kayong kakausapin. Hanapin ninyo si Udaya sa lahi ninyo."

"Paano namin malalaman kung sino si Udaya? Nagpapalit ba siya ng anyo?" Naguguluhang tanong ni Carol.

"Si Udaya ay may isang putol na daliri sa kaliwang kaway na kailan man ay hindi tutubo gaano man siya magpalit ng anyo."

Napasinghap muli si Ms. Rose at Ms. Mel. Napahawak silang dalawa sa kanilang puso. "Si Lola,"mahinang wika ni Ms. Rose.

"Alam n'yo na kung sino ang iiwasan. Ingatan ninyo ang libro ko hanggang sa makawala ako ng tuluyan sa kulungan. Magtitiwala akong muli ngunit hindi ibig sabihin noon ay magiging mangmang na naman ako. Sa pagkakataon na ito, si Marikit lamang ang pinagkakatiwalaan ko."

Tumingin sa akin ang manggagaway at yumuko ng kaunti. Nalimutan kong huminga nang dumaiti ang kanyang buhok sa aking balikat. "Ang ngalan ko ay Bunao. Bunao Dula." Bulong niya at unti-unti siyang naglaho. Bumagsak sa sahig ang bahag at ang dalawang sibat. Napatalon ako sa gulat at naapakan ang libro.

"Kit, ano sabi niya bago mawala?" Nilapitan ako ng apat at kinalma. Dinampot ni Carol ang libro at ibinigay sa akin. Yakap-yakap ko ang libro habang nanginginig ang buong katawan.

"Ang sabi niya," huminga ako ng malalim upang pigilan ang panginginig muli n katawan. "Ang pangalan niya ay Bunao. Bunao Dula."

Nagkatinginang muli si Ms. Rose at Ms. Mel. "Imposible," wika ng isa sa kanila.

"Siya ba ang Lakandula?" Naguguluhang tanong ko.

The Book MakerWhere stories live. Discover now