Kabanata 19

2.3K 194 17
                                    

Naiwan akong muli na mag-isa nang masiguro nila Ms. Rose at Ms. Mel na maayos na akong makakagalaw. Siniguro nilang nakakain na ako bago sila umalis. Nanlalambot pa ako ngunit nakakatayo naman na. Siguro... dahil ito sa pagsusulat ko sa libro.

Nakahiga ako sa kama ko at nakatitig sa libro nang luminaw sa aking harapan si Bunao. Nakahiga siya sa kama at nakaharap sa akin.

"Pinag-alala mo ako, Marikit."

"Hi," maikling bati ko sa kanya.

"Hindi ba sinabi ko sa iyo na..."

"Na ililigtas kita." Putol ko sa kung ano man ang pangaral na bibitawan niya.

"Wala kang gagawin." Mariing wika ni Bunao.

"May magagawa ako," mahinang sagot ko. Hinanap ng aking mga mata ang mga salitang isinulat ko kanina. Naroon ito sa kanyang balikat pababa sa dibdib. Sinundan ko ng daliri ang bawat salitang nababasa ko. Parang mapa ang kanyang balat, ngunit sa halip na lugar ang makikita ay mga salitang isinulat mula sa hinanakit ng mga tao noong panahon niya.

"Lahat ba ng nangyayari sa libro ay nagyayari sa iyo?"

Nakapikit si Bunao habang naglalandas ang mga daliri ko sa samu't-saring sulat na naabot ng aking paningin. Marahan siyang tumango sa akin.

"Kung ganoon ay naramdaman mo noong tinatahi ko ang libro?"

"Lahat-lahat. Ang pakiwari ko noon ay pinaparusahan muli ako ni Bathala." Napasinghap ako sa isinagot niya.

"Patawad, hindi ko alam."

"Ang sakit ay napawi nang buuin mong muli ang aklat. Huwag kang humingi ng tawad sa bagay na ginawa mo upang buuin ako. Huwag mong isasaalang-alang ang buhay mo nang dahil sa akin."

Bakit parang may takot sa kanyang mga mata? "Wala akong maiiwan kung mawawala ako, Bunao. Wala akong pamilya."

"Ako. Maiiwan mo ako." Sagot niya. Tinawid niya ang pagitan ng aming mga labi at gaya nang nagdaang gabi, binigay kong muli ang aking sarili sa kanya.

Wala ni isa sa mga katanungan ko ang sinasagot ni Bunao at kung nauuwi sa pagtatalo ang pag-uusap namin ay nilulunod niya ako sa halik upang tumahimik hanggang ang halik ay nauuwi sa pagniniig. Isang linggo buhat ng nagsulat ako sa libro, naglakas loob akong muli na subukang hawakan ang panulat.

"Mirikit," babala ni Bunao.

"Isang pahina lang," sagot ko. Sinimulan kong magsulat. Para maiba naman, isang awitin ang isinulat ko.

Hanggang sa dulo ng ating walang hanggang.
Hanggang ang puso'y wala nang nararamdaman
Hanggang matapos ang magpakaylan pa man
Ako'y maghihintay sa ngalan ng pag-ibig... mo

Nakaramdam ako ng panghihina kung kaya tinigilan ko ang pagsusulat. Nagwawala si Bunao at paniguradong away na naman ang bubungad sa akin kung makakalabas siyang muli ng kanyang kulungan.

Buong linggo nang naghahanap ng kasagutan sila Ms. Rose at Ms. Mel sa kung paano magagapi ang isang manggagaway. Kung sino ang pumutol ng daliri ni Udaya at kung bakit pinutol ito. Mga libro na natatago sa pribadong silid sa National Library at kadalasang naglalagi sila Carol dito. Kausap ko sila kung minsan habang nagbabasa ng mga libro doon. Naghahanap sila ng mga kasagutan. Hindi nila nais na umalis ako ng bahay dahil sa takot na bigla akong mawalan ng malay.

Nasasanay na ako sa kanya. Tuwing gabi ay nakakatabi ko siya bago matulog. Nararamdaman ang pagdampi ng kanyang labi bago siya magpaalam na aalis. Nararamdaman ko ang kanyang yakap na mahigpit sa tuwing ako ay makakatulog. Nasasanay na ako sa mga bagay na dati ay ayos naman na wala ako. Nasasanay na akong may nag-aalala sa akin. Nasasanay na ako sa mabilis na tibok ng puso ko sa tuwing nagpapakita siya. May ngiti sa kanyang labi na nakakapagpangiti rin sa akin. Kalabisan ba kung hilingin kong sana... sana kaya kong pakawalan si Bunao kung darating ang araw na iyon. Dahil hindi lamang katawan ang ibinigay ko sa kanya. Ibinigay ko na rin pati puso ko. Hindi na ako nagtira pa.

"Bunao,"

"Hmm," sagot niya habang nilalaro ang ilang hibla ng buhok ko. Nakahiga kami sa kama at nakabalot ng kumot.

"Sino ang pumutol ng daliri ni Udaya?" Hindi agad sumagot si Bunao. Akala ko ay nakatulog na ito kung kaya tumingala ako sa kanya. Nakatingin siya ng taimtim sa akin.

"Ako," sagot niya.

"Bakit?"

"Para makikilala ko siya ano man ang anyo niya." Paliwanag ni Bunao. "Hindi tutubo ang daliri na iyon gaano man kagaling ang kaalaman niya sa panggagaway.

"Hindi siya mamatay?"

"Tanging mga may kakayahan lamang ang makakapatay kay Udaya." Sagot ni Bunao.

"At ikaw lamang iyon?" Natawa siya ng bahagya.

"Kumukuha ka ng sagot sa inyong mga katanungan." Wika niya. Nahuli ako. "Hindi ako nag-iisa, Marikit. Marami kami, mga nalimot ng panahon. Mga sinasamba noon. Ang iba ay nakahalo lamang sa mundo ninyo. Naghihintay na matapos ang lahat para sa kanila."

"May mga dahilan kung bakit nasusulat ang alamat. Marahil hindi nga lang ang tunay na naganap ngunit may pinanggalingan ang mga kwento na ito." Dugtong niya.

"Kaya siguro matandang hukluban ang mga nakikita ko sa libro bilang manggagaway dahil si Udaya ang nakilala bilang manggagaway," wika ko sa kanya na ikinatawa niya.

"Marahil," sagot ni Bunao. "Marikit, huwag mo namang suwayin nang suwayin ang mga sinasabi ko sa iyo. Hindi dahil paisa-isa ka ng pahina na sinusulatan ay hindi ka na mapapahamak. Unawain mo, hindi ko kakayanin ng wala ka. Makakalaya ako sa kulungan na wala akong makakasama. Ang Tondo ay hindi na akin. Ikaw na lamang ang dahilan ko para mabuhay."

May butil ng luha na namuo sa gilid ng mga mata ko. Nagbabara ang aking lalamunan dahil sa lakas ng emosyon na dala ng sinabi niya. Aasa ba ako?

"Pero Bunao,"

"Mas nanaisin kong makulong sa aklat kaysa ibigay mo ang buhay mo sa akin. Hindi ko makakayang dalin sa habang buhay iyon, Marikit. Matulog ka na. Bukas ay panibago nang umaga." Isang halik sa noo ang tuluyang nagpabagsak ng mga luha ko.

"Iniibig kita, Marikit. Kaya ingatan mo ang sarili mo. Dahil sa oras na may mangyari sa iyo na hindi maganda, susunugin ko ang buong mundo kapag nakalabas ako ng aklat nang wala ka. At wala ni isang diyos o diyosa na makakapigil sa akin."

Bakit pakiramdam ko ay mayroong nagpapaalam sa amin?

The Book MakerWhere stories live. Discover now