COMOP#34: Bihag Sa Sariling Daigdig

109 5 2
                                    


Bihag Sa Sariling Daigdig

*****

Madalas kong maranas ang ganito, yong tipong wala kang ibang desisyon na susundin kundi ang sa kanilang nakapaligid lamang sa iyo. Madalas hindi ko na maintindihan kung saan ba ako nararapat, dahil pakiramdam ko nagiging bihag ako sa sarili kong daigdig.

Durog-durog ang puso, piga na ang luha;
Lalamunan ay tuyo, labi'y 'di makawika.
Pakiramdaman pipi sa bawat pagsigaw,
Paa ay 'di maihakbang, ni ito'y maigalaw.

Akala ay bangungot nais nang magising,
Nakapatay na gasera nawa'y magningning.
Ang posas sa kamay sana ay mabuwag na,
Tahakin ang landas ng isang bagong laya.

Nais kumawala bukal sa aking mga mata,
Pakpak 'lang hangad kundi makalipad na.
Pero hindi dumating inaasahang pag-asa,
Mahigpit na gumagapos gintong tanikala.

O, kay hirap ng manatili sa kinatitindigan.
Walang maganda nga akong namamasdan,
Ganito ba ang bihag sa sariling daigdig?
At hindi makamit hinahangad na pag-ibig?

Madilim na kuweba, katulad ng tahanan.
Katakot nga doon, at manahan ng tuluyan.
Salubungin sana ang pagsulpot ng araw,
Sa paglukob ng dilim sinag ay tumanglaw.

Nag-aalab na apoy nasa kalagitnaan ko.
Ngunit apoy ng pagluha, ang nasa puso ito.
Taling mahigpit, kailan malagot sa kamay?
Kailan may kaakbay na aking karamay?

Ikinubli na ng gabi ang sarili sa lungga;
Kailan ba ang diwa tuluyang mamayapa?
Bakit ganito ang kailangang sapitin niya?
Sa sariling daigdig bihag ang kapara.

Dumatal ang paghibik patid ang pag-asa!
'Sang bilanggo, ang paglaya'y nasaan na?
Ito ba ang wakas ng lahat ng kabanata?
Isang papel ng talunan kanyang dala-dala.

'Di sang-ayon kung ito ang lalakaran niya,
Ano bang wakas, mayroon 'tong istorya?
Hindi magagalak sapagkat walang hwenta!
Kahahantungan nito'y pagkapoot at dalita.

Pilitin mang humulagpos sa pagkakagapos,
Lagi mang daing, pagdurusa ay matapos;
Gintong tanikala'y hilingin mang malagot,
Pagtangis at pagwawala'y 'di tamang sagot.

Makapal na pader susubukang makatagos,
Pipilitin ngang makaalis sa pagkakagapos!
Nasubukan narin magpatangay sa agos,
Ngunit sa piitan ay wala paring tumutubos.

Wala ng pasubali na ang luha ay itigis;
Na kung maaari lang matanggal ng walis,
Ang dumi ng puso'y alisin nga ng lubos,
Siyang kagaya ng tubig sa dagat ay ibuhos.

Bakal na rehas ang sapo at hunahagkan,
Mga pitas na bulaklak, nalantang tuluyan.
Pakpak ay natigil sa kanyang pagpagaspas,
Makulay na larawang bigla ang pagkupas.

Wala na ang pag-asa, wala na nga. Wala!
Bilang isang bihag, kamatayan ang parusa.
Kahit anong gawin wala namang mapala,
Hilingin man sa hangin, ikaw pari'y balisa.

Paulit-ulit sa kanluran paglubog ng araw,
Ikaw naman ay walang tigil sa pagsigaw!
Pagkat rehas 'di mabaluktot, ni mabuwag,
Sa sariling daigdig ay nananatiling bihag.

POEMA || COMOP SpecialWhere stories live. Discover now