COMOP#17: Pagsubok

248 5 0
                                    


Pagsubok

*****

Mga tanikalang gumagapos sa aking puso;
Patuloy na bumibihag, itinatali ng mundo,
Mabigat na pasan-pasan na dala ng tukso,
Na pawang sumasakop sa buhay kong ito.

Sa'nman mapagawi, nagkalat na patibong,
Salitang nakakahawa sa aki'y ibinubulong.
O, kailan kaya makakasumpong ng tulong,
Kung sasakyan mo'y baligtad ang gulong?

Paghirap ay labis, pagtangis at pangamba.
Nitong pagkabagabag, aking pagkabalisa.
Isipin mang lumipad o tumakbo ng todo;
Paa'y 'di makaalis, ni maihakbang man ito.

Bakit ba ganito ang palagi kong natatamo?
Napakabigat na't ako nga ay nanlulumo.
Natitisod ng paulit-ulit, 'di na makabangon,
Sa kinatitihayaa'y unti-unting nababaon.

Lakas ay nawala; mata'y puno na ng luha,
Binagsakang hukay, tuluyang natabunan.
Wari'y hindi pansin o tulungan ng kusa,
Sa aking pagsigaw na hindi mapakinggan.

Nakakaaliw pamumukadkad ng bulaklak,
Sa ihip ng hangin kasabay ay halimuyak.
Pagtago ng araw at pagsapit ng takipsilim,
Ganda't bango'y naglaho pagkagat ng dilim.

Mag-isa't nakakulong sa isang tagong silid,
Walang nagbubukas sa pintong nakapinid.
Pag-asa'y nanumbalik sa gitna ng karimlan,
Nang nagsimulang ako ay natanglawan.

Namulat, nagising sa katotohanan ng panahon.
Sa tindi ng hukay unti-unting nakaahon.
Sa ganitong pagkakataon, isa lang ang tugon,
Sa anumang pagsubok, ilapit sa Panginoon.

POEMA || COMOP SpecialWhere stories live. Discover now