COMOP#33: Nang Mga Panahong Kasama Siya

105 2 0
                                    


Ng Mga Panahong Kasama Siya

*****

A/N: Si ‘Snoopy’ ang alaga kong aso. Ang mahal na mahal kong alaga na wala akomg kaalam-alam ay ipinakatay na pala. Ang sakit lang na pag-uwi mo ng bahay iyon ang balitang sa iyo ay bubulaga. ‘Patay na si Snoopy.’ Hindi ko alam kung bakit gayon na lamang ang pag-agos ng aking mga luha ng marinig ko iyon. Hanggang sa makita ko ang dugo sa tulay na lalong nagdagdag ng labis na kabog ng aking dibdib. Labis akong nasaktan ng makumpirma ko ngang patay na nga talaga si Snoopy. Parang gumuho ang mundo ko na ni minsan ma'y hindi ko na makakasama ito, hindi na makakalaro, hindi na sasalubong sa akin mula paaralan at hindi na ako maipaglalaban sa ibang aso... Na hanggang alaala nalang siyang makakasama ko kaugnay ng mga makukulit na araw na aming pinagsamahan.

Hindi na natatakot dukutin ng gabi,
Dahil naroon siya na aking katabi.
Matapang na suutin lilim ng gubat,
Sa gitna ng dilim, mata man ay dilat.

Masayang tunay bastat siya'y kasama,
Sa paglakbay o saanman pumunta.
Siya'y kausap 'di man maintindihan,
Sa kanyang kilos, nagkakaunawaan.

Minsa'y ngiti ko dahil sa kanya,
Bastat magkasama kami sa tuwina.
Naghahabulan sa ilalim ng araw;
Hirap ma't lumbay hindi na matanaw.

Pasaway man ngunit hindi kinaiinisan,
Kami sa hangin tila ba'y dumuduyan.
Mabuti ng ganito, hindi mayayamot,
Ng maitaboy nadaramang lungkot.

Nakamit na ligaya hindi lilisan
Nang matanaw siya, ngiti'y nasilayan.
Ang kakulita'y hindi matutumbasan,
Dito sa mundo ng kahit ano paman.

Ngunit 'di mo tangan, pag-inog ng mundo,
Gaya din naman ng pag-ikot ng relo.
'Di man nais palitan iniwan niyang alaala,
Noong mga panahong kami'y magkasama.

Ngayo'y sumapit aking pangungulila,
Kanyang paglaho sa piling ng bigla.
Tanging kaibigan na siyang alaga,
Nagsisisi ngayong siya ay wala na.

Kahit walang alam ng siya'y nawala,
Kulang ang panahong kami'y nagkasama.
Napagtantong dapat ay sinamantala,
Ng mga panahong kasama ko siya.

POEMA || COMOP SpecialTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon