Part 26

23.6K 652 44
                                    

PAGKATAPOS ng lunch saka lang nagkaroon ng pagkakataon si Sheila na malapitan si Apolinario. Hindi na kasi nakadikit dito si Katarina na nagpaalam sandali kasi may tumatawag raw sa cellphone nito na kailangan nitong kausapin. Nakapuwesto ito sa isang bench, kausap ang isang matandang lalaki na nakaupo sa isang wheelchair.

Huminga siya ng malalim at lumapit sa mga ito. Hindi siya nagsalita at ngumiti lang nang mapansin siya ng dalawa. Pagkatapos tahimik siyang umupo sa tabi ni Apolinario na naramdaman niyang na-tense pero hindi kumilos para lumayo sa kaniya. Ngumiti ang matandang lalaki. "Nakakatuwa na may mga katulad ninyong nag-aabalang dumalaw sa amin. Ilang taon na ako rito pero ni isa sa mga anak ko hindi ako pinapasyalan."

"Ganoon po ba? Grabe naman sila," nakikisimpatyang komento ni Sheila.

Bumakas ang lungkot sa mukha ng matandang lalaki. "Hindi ko rin sila masisi minsan. Hindi ako naging mabuting ama sa kanila. Lulong ako sa alak at sugal at napagbubuhatan ko sila ng kamay. Saka lang ako nakaramdam ng pagsisisi kung kailan huli na ang lahat. Kahit anong hingi ko ng tawad, inabandona pa rin nila ako nang ma-stroke ako. Isang nagmagandang loob na lang ang nagdala sa akin dito."

Bigla nawala ang awa na naramdaman niya kanina. Nagpatuloy ito sa pagsasalita pero hindi na niya ito naririnig. Bumalik na ang isip ni Sheila sa sarili niyang kabataan. At ang nakikita na niya ngayon ay hindi ang matandang lalaki kung hindi ang sarili niyang ama. Ang naririnig na niya ay ang lasing na boses ng tatay niya na nagsisisigaw, nagwawala at kung anu-anong masasakit na salita ang sinasabi sa kanila ng nanay at mga kapatid niya.

Bigla rin parang nararamdaman na naman niya ang bawat batok nito, bawat palo ng kahit anong bagay na mahawakan nito na palaging nag-iiwan ng latay sa mga balat nilang magkakapatid. Mga latay na walang-wala kompara sa nagiging hitsura ng nanay niya kapag ito ang napagdiskitahang bugbugin ng tatay niya dahil sa sobrang kalasingan. Bigla nawala si Sheila sa home for the aged at bumalik sa impiyernong kinalakihan nila. Akala niya nakalimutan na niya. Akala niya hindi na siya apektado ng nakaraan. Mukhang mali siya ng akala.

"Masama ba ang pakiramdam mo, hija?"

Kumurap siya, bumalik sa kasalukuyan at nakitang nakatitig na sa kaniya ang matanda at si Apolinario. Tumikhim siya at wala sa loob na niyakap ang sarili kasi narealize niyang nanginginig ang buo niyang katawan. "Okay lang ho ako. Ano nga hong sinasabi niyo?" Sinubukan niyang pasayahin ang tono niya pero malamig pa rin ang naging dating ng tanong niya. Mukhang hindi iyon napansin ng matanda pero sigurado siyang napansin iyon ng binata. Naningkit kasi ang mga mata nito at pilit hinuhuli ang tingin niya.

"Sinasabi kong ibang iba sa akin ang mga lalaking nagpunta rito ngayon. Mabubuting mga tao. Lalo na itong batang ito." Nakangiting tinapik ng matanda ang braso ni Apolinario. "Napansin niyang hindi ko kayang kainin ang mga nakahandang tanghalian kaya't hiniram niya sandali ang kusina at naghanda ng simple pero masustansiyang pagkain para sa akin. Masuwerte ang mapapangasawa nito. Siguradong hindi siya malululong sa bisyo at aalagaan ng maayos ang pamilya."

"Hindi natin masasabi ang hinaharap, tatang. Bago kayo nag-asawa naisip niyo ba na magiging lasenggo kayo o na mananakit kayo ng asawa at mga anak? Hindi 'di ba? Ganoon din ang mga bagong mag-asawa. Sweet sa simula pero masasabi ba talaga natin na magiging ganoon sila habambuhay?" nasabi ni Sheila bago pa niya napigilan ang sarili.

Halatang nagulat ang matanda at parang sinampal ang hitsura. Na-guilty siya kaagad. "S-sorry po." Ano bang nangyayari sa'kin? Hindi ako nagpunta rito para manakit ng damdamin ng isang senior citizen. Hindi siya ang tatay ko. Hindi ko dapat ibaling sa kaniya ang hinanakit ko. Mainit ang mukha na tumayo siya. "M-masama nga ho ang pakiramdam ko. Ituloy niyo lang ang kuwentuhan ha? Magpapahangin lang ho muna ako."

Bachelor's Pad series book 12: THE PERFECTIONISTWhere stories live. Discover now