Part 17

21.9K 592 0
                                    


MAYAMAYA pa nagpaalam na si Apolinario na aalis na ito. "Huwag mo na ako ihatid palabas. Kailangan mo na rin maligo at magbihis kasi papasok ka sa trabaho 'di ba?"

Na-touch na naman siya sa concern nito at tumango. Palabas na ito ng pinto nang mapansin niyang wala itong suot na relo. Mabilis siyang bumalik sa kama at hinablot ang wristwatch nito sa bedside table. Pagkatapos tumakbo siya pahabol kay Apolinario. "May nakalimutan ka."

Huminto sa akmang paglayo ang binata at humarap sa kaniya. Inabot niya rito ang relo. Nagkatitigan sila. Ngumiti si Sheila. "Ingat sa biyahe." Tumango ito at tuluyan nang naglakad palayo. Sinundan niya ito ng tingin. Nawala ang ngiti niya at may kirot siyang naramdaman sa puso niya. Ayaw niya aminin kahit sa sarili niya pero sa tuwing umaalis ito kinaumagahan medyo nakakaramdam siya ng pangungulila kasi alam niyang matagal na naman bago sila magkikita.

May tumikhim sa bandang likuran niya kaya gulat na lumingon siya. Nanlaki ang mga mata niya at uminit ang mukha niya nang makita si Anika, ang personal assistant ni Trick Alfonso at kailan lang ay tinulungan niya para makapagrenta ng unit sa apartment building nila.

Shit, sigurado akong nakita niyang lumabas sa unit ko si Montes! Nataranta siya at hindi alam kung paano magrereact nang maglakad ito palapit sa kaniya.

"Magandang umaga," bati ni Anika.

"G-good morning. Kanina ka pa diyan?" naiilang at nahihiyang sagot ni Sheila. At dahil gusto niyang makasiguro ay lakas loob siyang nagtanong, "N-nakita mo ba?"

Ngumiti si Anika. "Sheila, hindi kita huhusgahan kung may bisita ka man sa bahay mo. Ano ka ba? Magkaibigan tayo."

Relieved na bumuntong hininga siya at gumanti ng ngiti. "Alam ko naman na hindi ka judgmental. Na-tense lang ako. Papasok ka na sa trabaho? Ang aga pa ah."

Tumamis ang ngiti ni Anika. "Excited ako eh. Ngayong araw ang balik ni Trick galing sa business trip niya. Sige, alis na ako."

"Anika, sandali lang!" tawag niya rito nang makalampas na ito sa apartment niya. Lumingon ito. Ngumiwi siya. "Kapag nakita mo uli 'yung lalaking kasama ko... lalo na kapag kasama mo si Trick, pwede bang huwag mong sasabihin na nakita mo siyang lumabas sa apartment ko?" nahihiyang bilin niya.

Nanlaki ang mga mata ng babae. "M-magkakilala sila ni Trick?"

Bumuntong hininga siya at tumango. "Huwag mo rin sana banggitin kina Sylve. Hindi rin kasi nila alam."

Marahang tumango si Anika pero halatang marami pa gusto itanong. Nailang siya. "Sige, pumasok ka na sa trabaho. Ingat sa biyahe." Pagkatapos mabilis na siyang pumasok sa apartment niya at isinara ang pinto. Pagkatapos bumuntong hininga siya at saka nagsimulang maghanda para sa pagpasok sa trabaho.

"SHEILA, may gagawin ka ba sa Sunday?" nakangiting tanong ni Jesilyn pagdating pa lang niya sa opisina nila.

"Wala naman. Bakit?"

Matamis na ngumiti ang bestfriend niya at hinawakan ang mga kamay niya. "Birthday ni papa at may maliit na casual celebration sa bahay. Family, friends at ilang mga empleyado na matagal na sa Happy Mart ang balak imbitahan ng parents ko. Siyempre kasama kayo ni Lyn sa invivted."

"Kaso hindi ako puwede sa araw na 'yon. Pupunta kami ni Benedict sa Rizal para tingnan ang pinapagawa niyang resort doon eh," nanghihinayang na sabi ni Lyn na nasa lamesa na nito.

"Sige pupunta ako."

"Great! Isasabay ka na namin ni Ryan pagpunta. Susunduin ka namin sa apartment mo ha?"

Ngumiti si Sheila. "Okay. Saka namimiss ko na ang baby niyo ni Ryan. Gusto ko na makita uli ang inaanak ko." At kung invited ang family friends, sigurado na pupunta rin si Montes. Ano kaya ang magiging reaksiyon nito kapag nakita siya sa party lalo na kung hindi nito alam na pupunta siya? Naiimagine pa lang niya ang hitsura nito, gusto na niyang mapahagikhik. Excited na siyang dumating ang araw ng linggo.

PRIBADO at kaswal nga ang party para sa birthday ng papa ni Jesilyn. Ginanap iyon sa swimming pool area sa likod ng bahay ng parents nito. Kaunti lang ang mga tao na lahat ay relaxed na nag-uusap at nagtatawanan. Karamihan din mga may-edad na. Ang mga kaunti namang kaedad nina Sheila ay approachable at palangiti kaya hindi nakaka-out of place.

Lumapit sila sa parents ni Jesilyn para batiin ang birthday celebrant. Pagkatapos nahatak na ng mga kamag-anak nito ang kaibigan niya dahil lahat gustong mahawakan at makarga ang anak nito. Si Ryan naman nasali sa usapang negosyo ng mga lalaki. Kaya nagdesisyon siyang kumain na lang at pumuwesto sa isang tabi at iginala ang tingin sa mga bisita.

Napansin niya na wala si Apolinario Montes at ang ama nito. Hindi niya naiwasan makaramdam ng disappointment. Ngayon lang din niya narealize na hindi naman nabanggit ni Jesilyn kahit isang beses lang na pupunta sa party ang mag-ama. Ni hindi rin siya nagtanong sa binata kasi nga gusto niya itong sorpresahin. Walang katuturan ang naging pagkasabik niya sa nakaraang mga araw. Bumuntong hininga siya at itinutok na lang ang atensiyon sa pagkain.

Nakalahati na ni Sheila ang laman ng plato niya nang magkaingay ang isang grupo na para bang may kakilala ang mga ito na bagong dating. Mabilis na tumingala siya at tumingin sa bungad ng garden. Nahigit niya ang hininga at nagliparan ang mga paru-paro sa sikmura niya nang makita si Apolinario. Kasama nito ang ama na agad nakipagyakapan at batian sa tatay ni Jesilyn.

Wala sa loob na tumayo siya at tinitigan ang binata, tahimik na kinukuha ang atensiyon nito. Kaya nang bigla itong lumingon sa direksiyon niya at magtama ang mga paningin nila ay malawak siyang ngumiti at kumaway. Pero para siyang sinampal nang biglang bawiin ni Apolinario ang tingin at tumalikod pa na para bang hindi siya nakita. Na para bang hindi sila magkakilala. Nawala ang ngiti niya at ibinaba niya ang kamay. Hindi pa rin niya inaalis ang tingin sa binata na dahan-dahan siyang bumalik sa pagkakaupo.

Anong problema 'non? Imposibleng hindi niya ako nakita. Sa loob ng ilang minuto sinundan niya ito ng tingin pero hindi na ito lumingon pa sa direksiyon niya. Hindi rin naman niya ito matiyempuhan na mag-isa kasi palagi nitong kasama ang ama na halatang ipinagyayabang ito sa mga kakilala. Sa tuwing nagsasalita ang matandang lalaki at tinatapik ang likod ni Apolinario ay nakikita niyang lumalambot ang ekspresyon nito at ngumingiti. At sa tuwing nakikita niya ang facial expression nito na 'yon, nawawala ang inis niya na hindi siya nito pinapansin. Hindi niya alam kung bakit pero ngayon narerealize na niya na siguro ayaw nitong malaman ng ama na close sila.

Medyo masakit sa dibdib ang isipin na iyon. Alam niya kung gaano kaimportante kay Apolinario ang tatay nito. So the fact na ni hindi nito magawang umaktong magkakilala sila sa harap ng matandang lalaki ay patunay lang kung hanggang saan lang siya sa buhay nito. But well, alam naman ni Sheila na talagang temporary lang ang mayroon sila kaya sa totoo lang wala naman siya karapatang masaktan.

Bumuntong hininga siya at tumayo. Wala na siyang ganang kumain. Lumapit siya kay Jesilyn na napapalibutan ng mga pinsan at binulungan ito na kailangan niya mag banyo. Nang tingnan nito ang mukha niya ay sigurado siyang may napansin itong kakaiba. "Okay ka lang?" worried na tanong nito.

Pilit siyang ngumiti. "Oo naman. Kailangan ko lang malaman kung saan may banyo."

Bachelor's Pad series book 12: THE PERFECTIONISTWhere stories live. Discover now