Part 25

21.8K 579 27
                                    


BUMILIS ang tibok ng puso ni Sheila at uminit ang kanyang pakiramdam nang makita niyang huminto sa parking lot ng home for the aged ang pamilyar na kotse ni Apolinario Montes. Sa piling ng mga matatandang nakatira sa institution na iyon ang charity event ng Bachelor's Pad ngayong buwan. Kaswal lang ang event at simple lang ang programa kasi mas mahaba ang oras na inilaan para sa actual interaction nila sa mga lolo at lola. Ang importante raw kasi sa mga nakatira roon ay ang maramdaman ng mga itong may mga taong nagpapahalaga pa rin at willing kumausap sa mga ito.

Sa totoo lang, kanina habang papunta sila roon nina Ryan at Jesilyn ay kinakabahan talaga siya at muntik na magsabing hindi na lang siya pupunta. Medyo naduwag kasi siyang makita si Apolinario na sigurado siyang magagalit kapag nalamang naroon din siya. Pero hindi pumayag ang mag-asawa na umatras siya.

"Kung ayaw mong pumunta para sa kaniya, then go for the sake of us, your friends. Mag-e-enjoy ka, promise," sabi pa ni Ryan sa kaniya. Kaya sa huli sumama na rin siya hanggang doon.

Hindi pa nagsisimula ang programa at marami pang hindi dumarating. Wala si Apolinario sa loob kaya lumabas siya sandali para silipin ang parking lot. At tiyempo namang dumating ang kotse nito. Lumunok siya nang bumukas ang pinto sa driver's seat at bumaba ang binata.

T-shirt at jeans ang suot nito ngayon kaya automatic na bumalik sa isip ni Sheila ang gabi na una silang kumain sa labas at dinala niya ito sa isang foodpark. Ang saya-saya nila nang gabing iyon. At hindi ba masaya sila sa mga sumunod na linggo pagkatapos? Kaya bakit parang ang dali lang para rito na tapusin ang affair nila?

Naglakad si Apolinario papunta sa direksiyon niya at nang tumingala ito ay nagtama ang kanilang mga paningin. Nanlaki ang mga mata nito at napahinto sa paglalakad. Halatang nagulat. Hinintay niyang bumakas ang galit sa mukha nito pero lumakas ang loob niya nang hindi iyon dumating. Nanginginig ang mga tuhod na naglakad siya pasalubong sa binata. Mangha pa ring nakatitig ito sa mukha niya kahit nang nakatayo na siya sa harapan nito. Alanganin siyang ngumiti. "Hi."

Kumurap ang binata at umawang ang mga labi. "What are you doing here?"

Hindi rin galit ang boses nito. He was just plainly... surprised. Lumawak tuloy ang ngiti niya. "Inimbitahan nila ako para sa charity event niyo. Kamusta ka na?" Naging masuyo ang ngiti ni Sheila. "Lampas isang linggo lang nang huli tayong magkita pero pakiramdam ko ang tagal-tagal na."

Humugot ng malalim na paghinga si Apolinario pero hindi inalis ang tingin sa mukha niya. "Yeah. It feels like a long time," mahinang amin nito.

Parang may kumurot sa puso niya nang makita ang kislap ng pangungulila sa mga mata nito. See? Hindi mo pa rin ako naalis sa sistema mo, Montes. May chance pa na mamahalin mo ako, 'di ba? Ang dami niyang gustong sabihin. Gusto rin niya itong yakapin at halikan. Pero nanatili ang ilang pulgadang espasyo sa pagitan nila. Huminga ng malalim si Sheila at ngumiti. "Pasok na tayo sa loob?"

Noon parang natauhan si Apolinario. Kumurap ito at humakbang paatras. "Go ahead. May hinihintay pa ako," sabi nito na iniwas na ang tingin sa kaniya.

Nawala ang ngiti ni Sheila. "M-may hinihintay ka? Sino?"

Sinulyapan siya nito at parang hinalukay ang sikmura niya sa nakita niya sa mga mata nito. Ayaw nito sabihin ibig sabihin...

May dumating na bagong sasakyan at sabay silang lumingon doon. Nanlamig siya at nanginig ang mga tuhod niya nang bumaba mula sa driver's seat ang isang magandang babae. Hinubad nito ang suot na dark shades at nang makita si Apolinario ay matamis na ngumiti at naglakad palapit.

"Hi, Pol. Am I late?" malambing na tanong nito sa binata. Pagkatapos tumingkayad at hinalikan ito sa pisngi.

"Not really. Kadarating ko lang rin."

"That's good then." Biglang napatingin sa kaniya ang babae. "Is this your friend?"

Nagkatinginan sina Apolinario at Sheila pero ang lalaki ang unang nagbawi ng tingin. "Yes. Pumasok na tayo sa loob," paiwas na sagot nito.

"Okay," masiglang sabi ng babae na kumapit pa sa braso nito. "Let's take pictures this time okay? Para makita ni tito."

Naglakad na papasok sa institution ang dalawa pero si Sheila napako pa rin sa kinatatayuan at laglag ang mga balikat na napasunod na lang ng tingin.

Hanggang magsimula ang programa ay palaging magkasama sina Apolinario at ang babaeng nalaman niyang Katarina ang pangalan. Ni hindi siya sinusulyapan ng binata na para bang hindi sila magkakilala. Samantalang ito mismo ang nagsabi na friends pa rin naman sila. Hindi niya tuloy mapigilan masaktan at ma-frustrate.

"That guy is really stubborn," pabuntong hiningang bulong ni Jesilyn na hindi niya namalayang nakalapit na pala sa kaniya. Lunch time na at tumutulong siya sa pagsasandok ng pagkain para sa mga matatanda habang abala naman ang iba sa pagpapasaya sa mga ito. Doon niya pinili tumulong para makalayo siya kina Apolinario at Katarina. Kasi kanina pa siya nagseselos at ayaw niyang maging obvious masyado lalo na sa harap ng mga kaibigan ng binata.

"Kapag may napagdesisyunan na siya, ang hirap na baguhin ang isip niya. Even if he suffers in return, he will do what he thinks is the best for a certain situation. At sa ngayon, mukhang ang pagpapakasal kay Katarina ang sa tingin niya pinakatamang gawin," patuloy ng bestfriend niya.

Bumuntong hininga si Sheila. "Alam ko, Jesi."

Tinapunan siya nito ng nakikisimpatyang tingin. "Sorry wala akong ibang maitulong kung hindi ang iencourage ka."

Ngumiti siya at tinapik ang braso ng bestfriend niya. "Salamat pa rin."

May bumirit ng kanta kaya pareho silang napalingon. Si Katarina, hawak na ang mikropono at todo project habang kumakanta.

"That girl really likes attention," biglang sabi ni Daisy na lumapit sa kanila. "I used to be like that. Before I realized that I needed to grow up."

"Actually, you were worst," biglang sabi ni Rob Mitchell na inakbayan ang asawa pero kina Sheila at Jesilyn nakatingin. "She was the queen of the bullies. Her twin sister told me all the evil things she did before we met."

"But you never stopped loving me anyway," nakangiting sabi ni Daisy.

Ngiti ang naging sagot ni Rob. Pagkatapos napatingin kay Katarina na bumibirit pa rin. "There is nothing wrong with a girl like that. The problem is I don't think Montes will live a happy married life with her."

Iyon din ang tingin ni Sheila. Ilang oras pa lang niya inoobserbahan si Katarina pero sa tingin niya maiinip si Apolinario kapag ang babae ang palagi nitong kasama. At hindi siya nagiging bias dahil lang nagseselos siya. Kahit nga ngayon, nang sulyapan niya ang mukha ng binata ay parang gusto na nitong umalis at iwan ang event.

"He might end up cheating on her," sabi ni Daisy.

"Imposible. Hindi siya ganoong klase ng lalaki," pagtatanggol niya kay Apolinario. "Kahit na anong mangyari, magiging faithful siya sa babaeng mapipili niyang makarelasyon." Kaya nga tinapos nito ang affair nila bago pa ito makipagkita kay Katarina. Kaya nga lalo siyang bumilib dito. Kaya nga ang hirap nitong i-give up. Because Apolinario Montes, despite being stubborn and unflexible, is the best man she had ever met in her life.

"I agree. So, we are rooting for you, Sheila."

Nanlaki ang mga mata niya at gulat na napatingin kay Rob na nakangiting tinapik ang balikat niya. Pagkatapos akbay pa rin ang asawa na naglakad na palayo ang dalawa. Saka siya may biglang narealize. Manghang iginala niya ang tingin sa paligid at saka tiningnan si Jesilyn. "A-alam nilang lahat," hilakbot na bulong niya.

Halatang guilty na ngumiti ang bestfriend niya. "Hindi maiiwasan. Masyadong honest ang girls sa mga asawa at boyfriend nila. Malamang nasabi nila ang sitwasyon mo."

Uminit ang mukha niya at tinakpan ng mga palad ang kanyang mukha. "Nakakahiya."

"Totoo na nakakahiyang ipakita sa iba ang feelings natin. It's like showing your most embarrassing thoughts. That's why it takes a lot of courage to fall in love, Sheila."

Unti-unti niyang ibinaba ang mga kamay at hinanap ng tingin si Apolinario. Tumalon ang puso niya nang makitang nakatingin ito sa kaniya. Pero mabilis itong tumalikod nang mahuli niya ito. Pinagmamasdan siya nito kapag hindi siya nakatingin. Ibig sabihin hindi ito kasing indifferent sa presensiya niya na gaya ng gusto nito. Ibig sabihin may chance pa siya.

Bachelor's Pad series book 12: THE PERFECTIONISTWhere stories live. Discover now