Chapter 22: She is

7.7K 171 27
                                    

—Mabs —


 
    “O-Oy! Dahan-dahan naman sa pagkain, baka mabulunan ka niyan,” pansin sa ‘kin ni Vlad nang sunod-sunod akong sumubo ng pagkaing inabot niya sa ‘kin. “Nagmamadali, mare?”
   
    Inirapan ko siya saglit. “Oo kasi may pupuntahan pa tayo, ‘di ba?” Tumango siya. “’Yung puntod ng donor ko. Ano, bilisan mo na rin kumain!”
   
    Umiwas na ‘ko ng tingin at sumubo ulit. Mabilis kong nginunguya ang pagkain ko para matapos na ‘ko at makapag-ayos ng sarili. Hindi na kasi ako makapaghintay na makilala kung sino ba talagang naging donor ko.
   
    Maayos na nga ang pangangatawan ko kaya puwede na akong lumabas ngayong araw. Ayoko na rin magtagal sa hospital kaya nagmamadali talaga ako.
   
    Tiningnan ko si Vlad at napatigil na lang talaga ako sa pagnguya nang napansin kong mabagal siyang sumusubo habang mapang-asar na nakatitig sa ‘kin.
   
    “Vlad?! Pinagmamadali ka!”
   
    Pinanlakihan ko siya ng mata na ikinatawa niya at ibinaba ang isusubo niya sanang isang kutsara.
   
    “Paano ‘yan, kailangan yata subuan mo ‘ko para bumilis,” sabi niya sa maliit na boses.
   
    Napasapo ako sa noo ko nang ngumuso siya na parang bata. Bumaba ang tingin ko sa pagkain niyang inaabot niya sa ‘kin.
   
    Nakakainis naman ‘tong si Vladimir!
   
    Mas humaba pa ang nguso niya nang hindi ako sumagot o kumilos para gawin ang gusto niya. Ibinaba niya ang plato at nakasimangot akong tinitigan.
   
    “Bata ka ba?” pairap kong tanong at kinuha na ang plato niya. Bigla siyang ngumiti. “Ano ba, Vlad? Nawala ka lang nang two weeks tapos pagbalik mo, para ka nang bata!”
   
    “Puwede ba ‘kong maging baby mo?”
   
    Cringe man pakinggan pero hindi ko maiwasang mangiti. Ngumisi rin siya at mas lumapit pa sa ‘kin.
   
    Kumutsara ako ng isusubo sa kaniya. Sinubo niya agad ‘yon nang may nakangiting mga mata. Ngumiti lang din ako at sumubo ng akin.
   
    “Hindi ho ba talaga kayo mahihiya sa ‘kin?”
   
    Natawa na naman kami ni Vlad kay Sollen na nakalimutan kong kasama pala namin dito at kumakain na rin. Nginiwian niya kami.
   
    Binilisan ko na ang pagsubo para matapos na agad kami. Pinauna na ‘kong mag-ayos ni Vlad, sumunod siya at si Sollen.
   
    “Magbabayad lang ako ng bills,” paalam niya na ikinatango ko.
   
    “Ang swerte mo naman, ma’am,” sabi ni Sollen pagkalabas ni Vlad. Lumapit siya sa ‘kin at umupo sa tabi ko. “Napakayaman ni Sir Vlad! Hindi ka maooperahan kung wala siya…”
   
    Tumango-tango ako. “Kaya nga sobrang thankful ko na nandiyan siya.”
   
    Tama siya, e. Parang utang ko na rin kay Vlad ang buhay ko dahil hindi nga naman talaga magkakaroon ng heart transplant kung walang pera.
   
    “True ka diyan.” Ngumiti siya. “Tsaka nalaman ko rin na hindi lang pala isang doctor ang daddy niya, businessman din! May mga kompanya at negosyo sa iba’t ibang bansa. Gano’n din si Sir Vlad!”
   
    “Talaga?” tanong ko.
   
    Maraming beses siyang tumango. “Oo, hindi mo alam? Kahit bata pa si sir at hindi pa isang doctor, malaki na ang kinikita niyan kasi pinamana na agad sa kaniya ng daddy niya ang ibang negosyo nila. Grabe, ano? Mga bilyonaryo.”
   
    Ngumiti na lang ako at nagsuklay ng buhok.
   
    Nakakatuwang marinig na ang ganda-ganda pala talaga ng buhay ni Vlad pero hindi ko nahalata noong una kaming nagkita dahil naka-bike lang siya no’n. Nalaman ko lang na mayaman pala siya noong nasa mansion na nila ako at nakita ang marami nilang sasakyan.
   
    Hindi halata kasi ang simple niyang lalaki. Ang simple niyang manamit, magsalita, at gumalaw.
   
    Pero hindi naman yaman niya ang nakakapagpogi sa kaniya, kun’di ‘yung ugali niya. ‘Yung pagiging matulungin niya, mabait, at maaasahan sa lahat ng oras, doon pa lang ay sobrang lakas na niya. Sigurado rin ako na kahit wala siyang yaman, mananatili siyang may gano’ng ugali. Bonus na lang talaga ang guwapo niyang mukha.
   
    “E, ang asawa mo ma’am?” Tumaas ang kilay ko. “May binatbat ba ‘yon kay sir, ha? Sus, sigurado akong wala ‘yon! Kaya ka nga na kay Sir Vlad ay dahil nilayasan mo ang mapanakit mong asawa.”
   
    Hinampas ko siya nang mahina sa braso. “Nurse Sollen, hindi ka lang pala isang nurse, marites ka rin. Ang dami mong alam, ha!”
   
    Pilit siyang ngumiti at tumayo na para lumayo sa ‘kin. Umismid na lang ako habang nagtatali ng buhok.
   
    Gano’n din naman si Felix dati— maalaga, maalalahanin, mapagpamahal, tinulungan din ako sa maraming bagay, at pinaramdam ang pagmamahal niya sa ‘kin, pero dati na ‘yon.
   
    Ibang iba na ang Felix na kilala ko ngayon. Hindi na ako ang Reyna niya para ituring na isang napakahalagang tao sa buhay niya.
   
    Ilang sandali pa ay dumating din agad si Vlad. “I’m done paying the hospital bill. Let’s go?”
   
    Tumayo agad ako. “Thank you,” sabi ko na ikinatango niya.
   
    “You are always welcome, Mabs.” Binuksan niya nang malaki ang pinto para paunahin ako sa paglabas.
   
    Hindi na raw sasabay sa amin si Sollen sa sasakyan dahil may pupuntahan pa raw siya. Sinahuran na rin siya ni Vlad dahil tapos na ang pagtatrabaho niya sa ‘min kaya nagpaalam na kami sa isa’t isa.
   
    “Ma’am, ah.” Kinalabit niya ako sa bewang. “Huwag mo nang pakawalan ‘yan. Kung ako ikaw, sasagutin ko talaga agad ‘yan si sir.”
   
    “Sollen!” mariing sambit ko at nahampas na naman siya. Natawa siya at binigyan ako ng nakakalokong tingin.
   
    Tiningnan ko tuloy si Vlad na busy sa pag-aayos ng gamit sa likod ng sasakyan.
   
    “Sige na, bye na po! Ingat sa byahe!” paalam niya sa ‘min.
   
    Pareho kaming nagpaalam na rin ni Vlad bago sumakay sa kotse niya.
   
    “Okay na ba talaga ang pakiramdam mo?” tanong niya sa gitna ng byahe.
   
    “Oo. Sinabi naman na ng doctor ang mga dapat at hindi ko dapat gawin habang nagpapagaling.”
   
    Hindi pa hilom na hilom ang tahi ko pero maayos na ang pangangatawan ko. Wala naman akong ibang nararamdamang sakit. Successful nga talaga ang operasyon.
   
    Maraming salamat, Lord.
   
    “Kaya gusto ko na talagang makilala ang donor ko para mabanggit ko na ang pangalan niya sa pagpapasalamat ko.”
   
    Tumango siya at hindi na nagsalita pa. Ilang minuto pa ang lumipas, may nakikita na akong sementeryo.
   
    Bumilis ang tibok ng puso ko at napalunok hanggang itinigil na ni Vlad sa parking ang sasakyan.
   
    Hinintay ko siyang pagbuksan ako ng pinto. Hinawakan niya pa ang kamay ko para alalayan sa pagbaba.
   
    “Tara.”
   
    Sabay kaming naglakad. Kaunti lang ang mga taong nakikita kong dumadalaw sa mga puntod. Sinusundan ko si Vlad hanggang sa nakita ko ang isang lalaking patalikod mula sa amin na nakaupo sa harap ng puntod na dinalaw niya.
   
    Parang familiar ang likod niya. Hindi ko na sana iisipin at papansinin ‘yon pero napansin ko naman si Vlad na parang doon papunta sa lalaki.
   
    Binilisan ko ang lakad at kumapit sa braso niya kaya napatingin siya sa ‘kin.
   
    “Just relax, Mabs,” he whispered.
   
    Tumango ako habang napapalunok. Naging mabagal ang paghakbang ko nang medyo malapit na kami sa lalaki.
   
    Tumigil kami sa likod nito at doon ko nasilip ang lapida.
   
    Fella Maris Manuel
   
    Napabitiw ako kay Vlad para takpan ang bibig ko. Napaatras ako at biglang nangilid ang luha sa mga mata.
   
    S-Si Tita Fella?
   
    Siya ang donor ko?!
   
    “Si Tita Fella ang donor mo, Mabs,” pagkukumpirma ni Vlad sa iniisip ko.
   
    Sunod kong tiningnan ang lalaking nandito at nanatiling nakaupo. Hindi niya man lang kami sinulyapan.
   
    Kung gano’n… si Felix ang lalaking ito?
   
    Nakagat ko ang labi ko at tumingala sa langit. Pero nawalan ako ng sasabihin! Hindi ako makapaniwala na ang nanay pala ni Felix ang nagmamay-ari ng puso na ‘to!
   
    Tita, bakit? Ginulat mo ako. Hindi ko inaasahan na ikaw pa talaga, ikaw pa, sa dinami-rami ng tao. Ito ba ang paraan ng pagbawi mo?
   
    “Mabs, are you okay?” Hinawakan ako ni Vlad sa balikat at pinaharap sa kaniya. “Natulala ka.” At pinunasan ang tumakas kong luha.
   
    Tumango lang ako at hindi nagsalita. Tiningnan ko ulit ang puntod ni tita at si Felix na wala pa ring imik.
   
    Sinindihan niya ang namatay na kandila at mas yumuko pa.
   
    “Lasing ako no’ng na-hospital ka at kailangan nang operahan.”
   
    Sa wakas ay nagsalita na siya. Dahan-dahan naman akong umupo sa tabi niya at tumitig sa lapida ni tita.
   
    Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Halo-halong lungkot, pagtataka, at awa.
   
    “Hindi ko nalaman agad dahil nakatulog na ako.” Suminghap siya. “May hangover pa ‘ko nang sabihin ni Gab na nasa hospital ka. Nagulat ako, nag-alala, kasi akala ko huli na ako.”
   
    Kumunot ang noo ko sa sinasabi niya. Nalipat ang paningin ko sa kamay niyang nagsarado.
   
    “Pero pagdating ko sa hospital, wala na siya. Wala na siya at naka-survive ka.”
   
    Nakagat ko na naman ang labi ko nang humikbi siya. Naramdaman ko naman si Vlad na umupo sa tabi ko at hinagod ang aking likod.
   
    “Ako dapat ‘yon. Plano ko ‘yon, e. Plano kong ako dapat ang magdo-donate ng puso sa ‘yo pero siya ang gumawa.”
   
    Napakurap-kurap ako nang lingunin niya ‘ko habang tumutulo ang kaniyang luha. Wala akong ibang nakita sa mga mata niya kun’di lungkot.
   
    Siya dapat? Anong sinasabi niya? Totoo ba ‘yon?
   
    “Matagal nang nagpa-register si Tita Fella para maging donor.” Napalingon naman ako kay Vlad nang sumingit siya. “Balak niya talagang unahan si Felix.”
   
    Kumunot na naman ang noo ko. “Bakit alam mo? Kilala mo ba siya?”
   
    Tumango siya. “Oo, she’s my mother’s friend. Pinakilala siya ni Daddy sa akin four months ago. Kinausap niya ako about sa ‘yo. Sinabi niya sa ‘kin ang balak niya,” sagot niya.
   
    Sinapo ko ang noo ko at yumuko. Masisiraan yata ako ng ulo.
   
    Hindi ko akalain na ganito kaliit ang mundo para magkaroon sila ng connection.
   
    “Ayaw niyang ipaalam sa iba ang balak niya.”
   
    Tumango-tango na lamang ako. Hindi na ako naluha pang muli. May mga katanungan na kasi akong gustong masagot.
   
    “Felix, bakit binalak mo ring mag-donate sa ‘kin?” tanong ko.
   
    Nilingon niya ulit ako. Bagsak na bagsak na ang mga mata at balikat niya. Suminghot siya at tipid na ngumiti.
   
    “Para makabawi.” Tumaas ang kilay ko. “Guilty’ng guilty ako, nakokonsensya sa mga pinaggagawa ko sa ‘yo.”
   
    Hindi ko alam kung matatawa ba ako o ano.
   
    “Kahit magkakaanak ka na? Willing ka pa ring gawin ‘yon?”
   
    Tumango siya at hindi umiwas ng tingin. “Sa ating dalawa, mas deserve mo ang mabuhay. Ang dami ko nang kasalanan, hindi lang sa ‘yo, pati na rin sa ibang nakapaligid sa ‘kin.”
   
    Ako na ang umiwas ng tingin. Hindi na ako sumagot pa. Hindi ako magpapadala sa mga sinasabi niya.
   
    Tita Fella, thank you. Thank you sa pagiging magulang noon. Tinuring kitang parang tunay kong ina sa kabila ng lahat. Nasaktan mo ako dahil sa pangkukunsinti mo sa pambababae ng anak mo pero wala na ‘yon, pinapatawad na kita. Thank you sa ginawa mong pagbawi.
   
    “Here…” Isang sobre ang inilahad niya sa harap ko. “Iniwang sulat ni mom para sa ‘yo.”
   
    Tinanggap ko agad ‘yon at binuksan. Walang nagsalita sa amin habang binubuksan ko ito.
  
    Huminga muna ako nang malalim bago binuklat ang papel at basahin ang nakasulat dito.
   

Wife Series #3: The Breakable WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon