Chapter 12: Different

6.9K 173 24
                                    

— Mabs —

   
    “Vlad, puwede ka na umuwi. Magpapahinga na ako,” sabi ko pagkatapos naming kumain.
   
    Tumayo ako para sana iligpit na ang mga pinagkainan namin pero mabilis niyang hinawakan ang kamay ko para pigilan.
   
    “Ako na diyan,” presinta niya at tumayo na rin. “Ako na rin ang maghuhugas.”
   
    “Ha?” Umiling agad ako. “H-Hindi, ako na. Nakakahiya—”
   
    “Shh!”
   
    Napaatras ang ulo ko nang takpan ng isang daliri niya ang labi ko. Ngumisi lang siya at sinimulan na ang pagliligpit.
   
    Hindi niya naman kailangan gawin ‘to pero mukhang ayaw niya talagang magpaawat.
   
    “Hoy, upo na,” sabi niya at siya na mismo ang nagtulak sa balikat ko pababa at paupo. “Magpahinga ka lang, okay? Halata kasi ang pagod mo.”
   
    Hindi na ako umangal pa at sumunod na lang. Nahihiya ako pero pinabayaan ko na rin siya at pinanood.
   
    Nasa sink na siya at naghuhugas. Napasandal naman ako at tinitigan ang likod niya habang busy siya sa ginagawa.
   
    Si Vlad ang nandito pero naalala ko pa rin si Felix. Dati kasi ay naghuhugas din siya ng pinagkainan namin. Hindi ko maiwasang ma-miss ang mga bagay na ‘yon.
   
    Ilang minuto lang naghugas si Vlad dahil kaunti lang naman ‘yon. Humarap siya sa ‘kin habang nagpupunas ng kamay. Ngumiti siya at lumapit.
   
    “Tapos na, hahatid na kita sa kuwarto mo,” sabi niya at naglahad ng kamay sa harap ko.
   
    Ihahatid niya pa raw ‘ko?
   
    Tinitigan ko saglit ang kamay niya. Nang hindi ko tinanggap agad, hinawakan na lang niya ang kamay ko at maingat akong hinila patayo.
   
    Sumunod na lang ako at biglang napakapit nang mahigpit sa braso niya dahil sa panlalambot.
   
    “S-Sorry…” sabi ko.
   
    “No, it’s okay. Kaya nga ihahatid kita sa taas kasi halatang hindi mo pa kaya.”
   
    Tumango na lang ako at nagsimulang humakbang. Pakiramdam ko ay matutumba talaga ako kung hindi ako nakakapit sa kaniya at hindi siya nakasuporta.
   
    “Ano pa bang nararamdaman mo?” mahinang tanong niya.
   
    “Naninikip pa rin ang chest ko, nanlalambot ang legs and knees ko, nahihirapan akong huminga.” Medyo hiningal pa ‘ko sa pagsasalita.
   
    Rinig ko ang paghinga niya nang malalim dahil malapit lang ang mukha niya sa gilid ko.
   
    “Lagi bang ganiyan?” Tumango ako sa tanong niya. “Malala na yata ang sakit mo.” Tumango ulit ako. “Anong sabi ng doctor?”
   
    Hindi ako nakasagot dahil paghakbang ko pa lang sa unang baitang ng hagdan ay muntik na agad akong matumba. Buti na lang ay mahigpit ang hawak sa ‘kin ni Vlad kaya naitayo niya agad ako nang deretso.
   
    “M-Mamamatay na ‘ko, Vlad,” mahinang mahinang sagot ko.
   
    Natahimik kami pareho.
   
    Napasinghap naman ako bigla nang walang sabi-sabing binuhat niya ulit ako. Napakapit tuloy ako sa batok niya at tumingin sa mukha niya.
   
    Seryoso ang mukha niya habang nakatingin nang deretso sa harap. Napansin ko pa ang paggalaw ng panga niya at mariing nakatikom ang labi.
   
    Hindi na ako umangal sa pagbuhat niya sa ‘kin dahil nanghihina na talaga ako, kailangan ko rin ‘to.
   
    Isinandal ko ang ulo ko sa balikat niya habang hinihintay kong makarating kami sa kuwarto.
   
    Pumikit ako at inalala na naman si Felix.
   
    Kailan niya kaya magagawa ulit sa ‘kin ‘to? Kailan ko ulit mararamdamang mapunta sa mga bisig niya?
   
    Kapag nalaman niya ang totoong kondisyon ko? Dapat ko na bang sabihin para maramdaman ko na ulit ang pag-aalaga niya?
   
    Pero gagawin niya lang ‘yon dahil sa awa… hindi dahil sa mahal niya ako.
   
    Napaubo ako bigla habang nakasandal sa balikat ni Felix. Naitaas ko agad ang ulo ko at napanganga dahil nakita ko ang dugo ko sa damit niya.
   
    “H-Hala, sorry!” agad kong sabi.
   
    Napayuko siya para tingnan ‘yon. Pagkatapos ay nagkatinginan kami, sobrang lapit namin sa isa’t isa.
   
    Seryoso pa rin ang mukha niya nang tumingin ulit siya sa daan. Binuksan niya ang pinto ng kuwarto at pumasok. Maingat niya akong ibinaba sa kama.
   
    Umayos ako ng higa at napatingin ulit sa dugong nasa damit niya.
   
    “S-Sorry, may dugo—”
   
    “It’s okay,” tipid niyang sagot.
   
    Hinila pa niya ang comforter pataas para kumutan ako.
   
    “Take a rest, Mabs. Ako na magla-lock ng bahay n’yo paglabas ko,” usal niya na ikinatango ko.
   
    Hindi ko pa siya kilalang kilala pero may tiwala na agad ako sa kaniya. Siguro ay dahil madali lang siyang makasundo at magaan talaga ang loob ko kapag nandiyan siya. Dahil na rin siguro sa lahat ng tulong niya na hindi ko matanggihan dahil hindi ko talaga kakayanin kung walang tulong.
   
    “Sige na, uuwi na ‘ko,” paalam niya at pinatay na ang ilaw. Binuksan niya ang lamp shade at kumaway sa ‘kin.
   
    “S-Salamat, Vlad.”
   
    Hindi siya sumagot. Binuksan niya ang pinto pero hindi tuluyang lumabas. Hinintay ko tuloy kung may sasabihin pa ba siya.
   
    “Sabihin mo na sa asawa mo na may sakit ka. You need someone to take care of you,” sabi niya at bahagyang lumingon sa ‘kin. “Gusto ko rin namang alagaan ka pero asawa mo dapat ang gumagawa nito.”
   
    Hindi niya na ako binigyan ng pagkakataon na sumagot dahil lumabas na agad siya at sinara ang pinto.
   
    Niyakap ko ang isang unan at tinitigan ang pinto.
   
    Bakit kaya parang sobrang bait naman niya sa ‘kin at gusto niya pa ‘kong alagaan?
   
    Siguro nga’y dapat kong sabihin kay Felix ang totoo.
   
    Kahit ayoko, kailangan ko nang sabihin para hindi na siya umalis sa tabi ko.
   
    I’m sorry, Lord, kung nagpapaka-martyr ako. Kahit ano naman pong mapamilian ko, mananatili akong nasasaktan. Kapag pinili kong mahalin na lang ang sarili ko at iwan si Felix, gano’n pa rin ang mararamdaman ko. Masasaktan pa rin ako dahil mag-isa na lang ako, hindi ko pa rin maaalagaan ang sarili ko, maiisip ko lang din ang mga ginawa ni Felix, at mamamatay rin ako bandang huli. Kaya mas pinipili kong makasama pa rin si Felix kasi pareho lang naman ang sakit ng ginagawa niya sa magiging sakit kapag naghiwalay kami. Atleast, nagkakaroon pa rin ako ng pagkakataon na makausap at makasama siya sa mga huling araw ko, ‘di ba?
   
    Kasalanan bang magmahal nang sobra?
   

Wife Series #3: The Breakable WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon