Chapter 21: Safe Arms

7.5K 171 23
                                    

— Mabs —
  


    Nailipat na ako ng kuwarto at dumaan na ang dalawang araw pero wala pa rin si Vlad.
   
    “Ma’am, huwag ka na malungkot diyan. Dapat nga po masaya ka kasi humaba na buhay mo,” sabi ni Nurse Sollen na sinimangutan ko lalo.
   
    “Paano ako magiging masaya kung hindi ko nga kilala sinong donor ko? Tsaka… wala si Vlad.”
   
    Umiwas ako ng tingin nang ngumisi siya.
   
    “Miss mo talaga si Sir Vlad, ‘no?” pang-uusisa niya na ikinailing ko. “Halata kaya. Dalawang araw mo na siyang bukambibig.”
   
    Napabuntong-hininga na lang ako at hindi na siya sinagot pa. Gusto ko lang naman na magpasalamat kay Vladimir kaya hinahanap ko siya.
   
    At isa pa…
   
    Kapag kasama ko siya, pakiramdam ko safe ako lagi kaya sana dalawin niya na ‘ko.
   
    “May gusto ka na kay sir, ‘no? Aminin!” pang-aasar na naman nitong si Sollen. Inirapan ko siya at inayos ang kumot ko. “Ay, taray.”
   
    “W-Wala akong gusto sa kaniya!” Pinanliitan ko siya ng mata. “We’re just friends.”
   
    “Sinasabi mo lang ‘yan kasi may asawa ka. Paano kung gusto mo na pala talaga siya? Paano ‘yan—”
   
    “Alam mo, ang daldal mo pala,” singit ko sa sinasabi niya.
   
    Tumititig ako sa ceiling at bumuntong-hininga.
   
    Sigurado akong masaya na si Felix sa Cally niya. Siguradong tuwang tuwa ‘yon sa kung ano mang nangyayari sa pagbubuntis ni Cally, kung naglilihi man na ‘to o ano. Siguro nga masaya na talaga siyang nararanasan niya na ngayon ang pakiramdam ng tatay na naghihintay sa kaniyang anak.
   
    Na kailanman ay hindi ko naiparamdam sa kaniya.
   
    Ngayong ayos na ako, maayos na ang puso at kalusugan ko, puwede na siguro akong magkaanak.
   
    Pero hindi ko hahayaang si Felix ang maging ama.
   
    Gusto ko rin naman ng anak, e. Gustong gusto ko kagaya ng kung gaano kagusto ni Felix pero…
   
    Hindi ko alam kung kaya ko pa bang umibig ulit. Nakaka-trauma. Nakakatakot.
   
    Hindi mo talaga maiiwasang maisip na baka maulit lang ang nangyari. Baka sa umpisa lang maganda at masaya ang lahat, baka kapag tumagal na ay saktan lang din ako ng taong sunod kong mamahalin.
   
    Tipid akong ngumiti nang mapait at bumuga ng malakas na hangin.
   
    Ang sabi pala ng doctor ay kailangan ko munang magpahinga nang two weeks dito habang iniinom ang mga maintenance ko.
   
    Sa bawat araw na nasa hospital ako, walang araw na hindi ko inaabangan ang pagtawag, pag-message, at pagdating ni Vlad pero wala akong napala.
   
    Tine-text at tinatawagan ko siya pero hindi niya sinasagot. Hindi ko pa rin siya nakikita.
   
    Pakiramdam ko tuloy ay kahit magdadalawang linggo na akong nasa hospital, hindi pa rin ako nakakabawi ng lakas dahil wala akong mapagkuhaan ng lakas.
   
    Ito naman kasing nurse kong si Sollen ay puro pang-aasar at pangmamarites lang ang ginagawa. Inaalagaan niya naman ako.
   
    Pero mas gusto ko pa rin ang pag-alaga ni Vlad.
   
    Mas komportable akong siya ang tumitingin sa akin.
   
    “Ma’am, bukas daw puwede ka na i-discharge,” sabi ni Sollen.
   
    Tumango lang ako at tumingin sa bintana.
   
    “Madi-discharge na ‘ko bukas pero wala pa rin si Vlad. Nasaan ba siya?” mahina kong tanong.
   
    “Nako, hindi ko nga rin po alam. Hindi rin nag-a-update sa ‘kin.” Lumapit sa bintana si Sollen. “Sir Vlad, ano na? Ang sahod ko, baka naman.”
   
    Natawa ako nang mahina sa kaniya. Umupo ako at kumuha ng apple.
   
    Magaan na ang pakiramdam ko. Nakakakilos na ako nang maayos. May mga ibinilin sa ‘kin ang doctor ko para wala akong maging complications habang nagpapagaling at sinusunod ko naman ang mga ‘yon.
   
    Tumingin ako sa langit na nakikita ko mula sa bintana.
   
    Mama, sana ganito rin ang nangyari sa ‘yo, ‘no? Sana naka-survive ka na lang din.
   
    Ngumiti ako at kinagatan ang apple. Ibinaba ko rin agad ang mansanas dahil nakaramdam akong maiiihi.
   
    Dahan-dahan akong bumaba mula sa kama. Nilapitan agad ako ni Sollen para alalayan.
   
    May banyo na rito sa loob ng hospital room ko kaya hindi ko na kailangang lumabas pa.
   
    Kumunot ang noo ko nang narinig kong parang nagsasalita si Sollen sa labas habang umiihi ako. Mahina at hindi malinaw kaya hindi ko maintindihan.
   
    May kausap yata siya? Siguro pumasok ang doctor ko.
   
    Pagtapos umihi, humarap muna ako sa salamin para ayusin ang buhok ko.
   
    Binuksan ko ang pinto nang nakayuko.
   
    Gano’n na lang ang pagpigil ko sa ‘king hininga nang bumungad ang pares ng black shoes. Dahan-dahang umangat ang tingin ko sa slacks niya, at pataas pa nang pataas.
   
    Isang bouquet ng red roses ang hawak niya.
   
    Nakagat ko ang labi ko at diretso nang tiningnan ang mukha niya.
   
    Nakita kong muli ang malapad niyang ngiti, ang mapuputi at pantay niyang ngipin, makapal na kilay, natangos na ilong, maninipis at mapupulang labi, at ang mga mata niyang parang laging kumikinang kapag tinititigan ko.
   
    “V-Vlad!”
   
    Ibinuka niya ang mga braso niya kaya mabilis ko siyang niyakap nang mahigpit.
   
    “Mabs…”
   
    Hinawakan niya ang ulo ko at naramdaman ko pa ang paghalik niya rito. Niyakap niya ako pabalik, sobrang higpit.
   
    Napangiti na lang ako at pumikit habang nakasubsob sa dibdib niya. Naamoy ko muli ang pabangong lagi niyang gamit.
   
    “Bakit ngayon ka lang?” mahinang tanong ko, hindi pa rin humihiwalay.
   
    “I’m sorry. I’ll explain it to you later, okay?”
   
    Kumalas na ‘ko sa yakapan namin at tumango sa kaniya. Ngumiti ulit siya at napapikit na naman ako nang halikan niya ang noo ko.
   
    “Congratulations on your recovery.”
   
    Inilahad niya ang bouquet of red roses sa harap ko. Ngiting ngiti kong tinanggap ‘yon at inamoy.
   
    Hindi ko na napigilan ang sarili ko’t niyakap ulit siya.
   
    “Thank you, Vlad…”
   
    Hinagod niya ang likod ko. “Tama ako, ‘di ba? Mabubuhay ka pa.”
   
    Tumango-tango ako at mas sumiksik pa sa kaniya.
   
    Naisip ko noong una na siya ang naging donor ko at nagpapasalamat talaga ako ngayon na mali ako ng inisip.
   
    Hindi ko kayang tanggapin ang pangalawang buhay na ‘to kung siya naman ang mawawala. Alam kong mataas ang pangarap niya, ang maging doctor, kaya magsisisi talaga ako nang todo kung sakaling siya nga ang naging donor.
   
    Thank you, Lord, hindi siya.
   
    Pero sino?
   
    Humiwalay ulit ako sa kaniya at hinila siya sa kamay papuntang kama.
   
    “E-Ehem!”
   
    Naagaw ni Sollen ang atensyon namin nang tumikhim siya.
   
    Ngumiti siya sa ‘min at kinuha ang bag niya. “Lalabas po muna ako, ano? Nakakahiya naman kasi, oo. Baka pati ako makagat ng mga langgam na gumagapang sa inyo.”
   
    Nagkatinginan lang kami ni Vlad sa sinabi ni Sollen. Ngumisi pa siya.
   
    “Tawagin n’yo na lang ho ako kung tapos na kayo sa… alam n’yo na.”
   
    “Ano?” taas kilay kong tanong.
   
    “Wala, ma’am! Tinatarayan mo na naman ako, e.” Sumimangot siya at naglakad na palabas. Nginitian niya pa ako nang nakakaloko bago niya sinara ang pinto pagkalabas niya.
   
    Napatitig ako kay Vlad nang mahina siyang tumawa. Dahan-dahan akong napangiti habang pinapanood ang paggalaw ng labi niya.
   
    Na-miss ko ang tawa niyang masarap pakinggan…
   
    “V-Vlad, kilala mo ba kung sinong donor ko?”
   
    Nawala ang ngiti niya. Umusog siya ng upo palapit sa ‘kin at nagdikit ang balat namin.
   
    Medyo umayos din ako para magkaharap kami ng upo.
   
    Sinundan ko ng tingin ang kamay niyang umangat at kumuha sa mga takas kong buhok. Inipit niya ‘yon sa likod ng tenga ko.
   
    “Bukas na bukas, pagkalabas mo rito, dadalhin kita sa puntod niya.”
   
    Napayuko na lang ako dahil maging siya ay ayaw sabihin agad kung sino ba talaga. Kailangan ko pang maghintay ng kinabukasan.
   
    Hindi na lang ako nagtanong pa ulit. Nginitian ko siya dahil ang mahalaga ay nakita ko na ulit siya.
   
    “Makakalabas ba talaga ako? Wala akong pambaya—”
   
    “Sagot ko na ang lahat,” agad na sabi niya.
   
    Kinagat ko ang labi ko habang nakatitig sa kaniya. Iginala ko ang paningin ko sa bawat parte ng mukha niya.
   
    Hindi ko na naman maiwasang maluha.
   
    Nagsalubong agad ang kilay niya at sinapo ang mukha ko. Bakas na naman ang pag-aalala niya.
   
    “W-Why are you crying again?”
   
    Suminghap ako. “T-Thank you, Vlad.” Yumuko na ‘ko dahil sa sunod-sunod na pagtulo ng luha ko. “Hindi ko alam kung ano pa bang maganda kong nagawa sa buhay ko para magkaroon ako ng kaibigang kagaya mo. Hindi ko na alam kung paano ako babawi, kung paano ko mapapalitan lahat ng tulong mo.”
   
    Hinawakan niya ang chin ko at dahan-dahang itinaas ang ulo ko para magkaharap ulit kami. Humikbi ako at umiwas ng tingin.
   
    “Mabs naman, walang hinihinging kapalit ang pagtulong, ‘di ba?” Dahan-dahan niyang pinahid ang luha ko. “Look at me.”
   
    Sinalubong ko ang mga mata niya. “Nahihiya ako. Siguradong sobrang laki ng gastos sa heart transplant at—”
   
    Tinakpan niya ng daliri niya ang labi ko.
   
    “Masaya akong gagastusin ang pera ko para sa ‘yo. Mas mahalaga ang buhay mo kaysa sa pera, Mabs.”
   
    Nahawa na ako sa pagngiti niya. Tinulungan ko na siyang pahidin ang luha ko para tumigil na ‘to sa pag-agos.
   
    “K-Kahit ba sa ibang tao, ganito rin ang gagawin mo?” panibagong tanong ko na sinagot niya agad ng isang tango.
   
    “Oo naman. Para saan pa ang napakarami naming pera kung ipagdadamot ko lang?” Inayos na naman niya ang buhok ko. “Hindi naman talaga masaya na sobrang yaman mo nga, boring naman ang buhay.”
   
    “Tama…” pabulong kong sang-ayon.
   
    “Sumasaya ako kapag nakikita kong masaya ang natutulungan ko.” Hinaplos niya muli ang mukha ko. “At sobrang saya kong makita ulit ang ngiti mo.”
   
    Ngumiti ako lalo at tumingin sa labi niya. “S-Salamat, Vlad.”
   
    “Mabibigyan ko ng tulong na kaya ko ang ibang tao pero kapag ikaw, Mabs… kahit gaano kahirap, gagawin ko ang lahat.”
   
    Hinawakan ko ang kamay niyang humahaplos sa mukha ko. Pumikit ako at dinama ito.
   
    Araw-araw akong magpapasalamat na may taong katulad ni Vladimir Xy Angeles.
   
    Hindi lang pala bulaklak ang dala ni Vlad dahil binilhan niya rin ako ng mga pagkain at damit na masusuot ko para sa paglabas ko bukas.
   
    Nakuwento niyang lumipad pala sa US ang daddy niya last month para doon magpaka-doctor. Saktong na-hospital ako nang may natanggap siyang tawag na may nangyari daw’ng hindi maganda sa tatay niya. Kinailangan niyang pumunta sa US at asikasuhin ito kaya ngayon lang siya nakabalik.
   
    Naiintindihan ko naman. Buti at nasa maayos na kalagayan na ang daddy niya.
   
    “Ipapakilala kita sa kaniya pag-uwi niya rito sa Pinas,” sambit niya sa gitna ng pagkain namin.
   
    Tumaas ang kilay ko pero nagawa niya pa ‘kong kindatan.
   
    Sumubo na lang ako at palihim na ngumiti.
   
    “Ako yata ang sunod na magkakasakit sa puso.”
   
    Sabay kaming napalingon kay Sollen na nakaupo sa couch at nakatitig sa amin. Kanina pa namin siya pinapasok dito para makasabay sa pagkain namin.
   
    “Grabe, hanggang ngayon pala may mga langgam pa rin.”
   
    Natawa kami ni Vlad at umiling na lang.
   
    Matapos naming kumain, siya na rin ang nagligpit pa. Hinubad niya muna ang suot niyang longsleeve polo kaya nakasando na lang siya ngayon.
   
    “Matulog ka na, Mabs.”
   
    Umayos ako ng higa at tumingin sa kaniya. Nagtatapon siya ng basura sa trashbin.
   
    “Hindi ka na ba aalis?” tanong ko.
   
    Lumingon siya sa ‘kin. “Bakit? Gusto mo bang tabihan kita kasi gusto mong ako ang una mong makikita paggising mo?” Nginisihan niya ‘ko.
   
    Ngumiwi ako at umirap. “A-Assumero!”
   
    Pati si Sollen ay nakitawa nang tumawa si Vlad. Napaiwas tuloy ako ng tingin.
   
    “Dito lang ako, Mabs. Hindi na ‘ko uuwi kasi lalabas ka na rin naman bukas.” Naghugas muna siya ng kamay bago lumapit sa ‘kin.
   
    Ngumiti ako nang tipid. “Good night.”
   
    Ngumiti siya pabalik at dumukwang palapit sa ‘kin.
   
    “Goodnight…” Akala ko sa noo niya ‘ko hahalikan pero sa pisngi pala. “Baby…”
   
    Muntik na naman akong hindi makahinga nang ibulong niya ‘yon sa tenga ko.
   
    Parang nakuryente ang balat ko at may naramdaman pa ‘kong kakaiba sa loob ng tyan ko.
   
    Lumunok ako at pumikit na lamang.
   
    Kung maka-baby naman kasi, tila teenager si gaga.
   
    “Sleep well, Mabs. Makikilala mo rin siya bukas, okay?”

———

Oh, kalma na ah.
#SollenSingleMumints

Wife Series #3: The Breakable WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon