Epilogue

16K 308 106
                                    


    Noong nalaman kong may sakit ako sa puso at malala na ito, ang una kong inisip ay makasama ang asawa ko hanggang sa huling hininga ko. Ang sabi ko, kakayanin kong lumaban kung nandiyan siya sa tabi ko. Ang sabi ko, siya ang magiging lakas ko. Sa kaniya ako magpapahinga araw-araw.

  Pero kung kailan nalaman kong may sakit ako, doon pa kami nagkagulo. Saktong sakto na nagbago ang ihip ng hangin.
   
    Ang puso kong basag na, mas nabasag pa niya.
   
    Hindi ko tuloy maisip na ang magkaroon ng anak ang isa sa makapagpapatibay ng relasyon n’yo na siyang hindi ko naibigay sa kaniya.
   
    May mali nga rin ako.
   
    Dapat sinabi ko na agad sa kaniya ang tungkol sa sakit ko para malaman niyang hindi ako puwedeng magbuntis. Hindi sana siya nagalit. Hindi sana lumayo ang loob niya sa ‘kin. Sana sinabi ko na lang ang totoo.
   
    Pero kahit naman yata may ganito akong mali, hindi pa rin tamang niloko niya ako nang harap-harapan pa. Hindi pa rin tamang sinaktan niya ako physically and emotionally.
   
    Sa dulo mo lang talaga mare-realize na nakakatanga nga ang pagmamahal. Nakakatangang umibig nang sobra. Nakakatangang mag-invest sa isang relasyong pinaglalaban mo pero tuloy-tuloy niyang sinisira.
   
    I lost my parents, my husband, and my heart.
   
    Now, he almost lost everything— his mother, his mistress, and his great job.
   
    Ang sabi nila, isa itong challenge sa relasyon.
   
    Hindi. Hindi kailan man naging challenge ang cheating stuffs dahil nasa desisyon at choice ito ng isang cheater. Bakit ginawang trial and error ang marriage? Bakit may taong naf-fall out of love kahit kasal na?
   
    Dito ko napatunayan na hindi porque’t kasal na kayo, hindi na kayang magloko ng asawa mo. Actually, lahat kayang magloko kung gugustuhin nila at ito, ginusto ito ni Felix. Ginusto niyang lokohin ako.
   
    Kahit bago na ang puso ko ngayon, hinding hindi pa rin magbabago ang nakaukit na sakit sa alaala ko. Hindi pa rin magbabagong basag na ang tiwala ko— ang tiwalang kahit mabuo ulit, hindi na kagaya ng dati katulad ng isang babasaging bagay na kapag nabasag at sinubukang idikit-dikit para mabuo, hindi na magiging makinis at maganda. Sapat na ‘yung paglaban at pagiging tanga ko noon.
   
    Sumipsip ako sa kapeng iniinom ko, pinagkrus ang hita, at tumingin sa labas nitong café kung nasaan ako. Nasa loob ng mall itong café.
   
    Mula rito ay nakikita ko si Felix na may mga hawak na paperbags at nakasabit sa kaniya ang isang malaking bag. Ang baby niya ay nakasuot sa baby carrier na nakatali sa dibdib niya. Nakaupo siya sa isang bench, parang nagpapahinga.
   
    Kanina pa talaga ako nandito sa café at nakita ko lang ‘yang si Felix. Hinihintay ko kasi si Vlad na iniwan ako rito dahil may biglang emergency. Sabi niya’y mag-ikot-ikot muna ako at babalikan niya ‘ko para ituloy ang paggala namin.
   
    Naibaba ko ang cup of coffee at napatitig sa ginagawa na ngayon ni Felix.
   
    Nagtitimpla siya ng gatas sa bote. Kinuha at binalik niya ang mga ginamit niya sa malaking bag. Pinadede niya iyon sa anak niya.
   
    Hindi ko na kasalanan kung ano’ng nangyari sa buhay niya. Pinili niya ang landas na ‘yan.
   
    Hindi ba’t nasa huli talaga ang pagsisisi? Si Felix na ang nagpatunay.
   
    Sumandal siya at pumikit habang hawak pa rin ang bote ng gatas na pinapadede niya. Mukha siyang pagod na pagod. Siguro, nandito siya para mamili ng mga gamit ng anak niya?
   
    Nakakaawa pero kailangan niyang harapin ang kabayaran sa kasalanan niya.
   
    Tumayo ako at kinuha ang bag ko. Hindi ko na nagawang ubusin ang kape. Lumabas na ‘ko agad at mabagal na naglakad palapit kay Felix.
   
    Nakapikit pa rin siya pero alam kong hindi siya tulog dahil tinatapik-tapik pa ng kamay niya ang pwetan ng baby.
   
    “Anong pangalan niya?”
   
    Napadilat siya nang nagtanong ako. Kumurap-kurap pa siya habang nakatitig sa akin, mukhang nagulat.
   
    May kaunti na siyang bigote at may kahabaan na ang buhok niya. Hindi pa rin pala siya nagpapagupit. Kailan kaya ang huling pagupit niya? It’s been a year since the annulment started at ngayon lang ulit kami nagkita.
   
    Bumaba ang tingin niya sa necklace kong may pendant na heart. Bigay ito ni Vlad no’ng 29th birthday ko. Kalaunan ay tumikhim siya at umusog para bigyan ako ng space sa upuan.
   
    “Candy,” tipid niyang sagot at sinilip muna saglit ang nananahimik niyang anak dahil sa pagdede nito.
   
    Tumango ako at tinitigan ang baby. Babae pala ito at kamukhang kamukha ni Cally.
   
    Masakit makita ang anak nila ng babae niya pero heto pa rin ako, nasa tabi niya para mangumusta.
   
    Pinangarap ko ring magkaanak noon at gusto kong si Felix ang ama, ang lalaking mahal na mahal ko, pero hindi na ngayon.
   
    Ni-hindi ko nga alam kung magkakaanak pa ba ako, e takot na nga ‘kong mag-commit muli.
   
    “Bakit… bakit nandito ka at kinakausap pa ‘ko?” mahinang tanong niya kaya napalingon ako sa kaniya. Hindi siya nakatingin sa ‘kin. “At hindi mo yata kasama si Vlad.”
   
    Nagkibit balikat ako. “Marunong pa rin kasi akong kumilala.”
   
    Natahimik siya at inayos na lamang ang bote ng gatas dahil tapos nang dumede si Candy. Itinago niya na ‘yon si bag.
   
    “Hindi ka dapat maawa sa ‘kin…”
   
    Tumaas ang kilay ko sa sinabi niya. Hindi niya pa rin ako tinitingnan, sa halip ay pinaglaruan niya ang kamay ng anak niya.
   
    “I don’t deserve any sympathy.”
   
    Napabuntong-hininga na lang ako at tumango. Umiwas na rin ako ng tingin at pinanood ang mga taong naglalakad.
   
    “Bakit hindi ka makatingin sa ‘kin?” mahinahong tanong ko.
   
    Wala akong narinig na sagot kaya tiningnan ko muli siya. Nakayuko pa rin siya sa anak niya at pinisil pa ang pisngi nito. Kinagat niya ang labi niya at mahinang suminghap.
   
    Hindi niya pa rin ako nililingon.
   
    “H-Hiyang hiya kasi ako sa s-sarili ko at sa nagawa ko sa ‘yo…” mahinang sagot niya at medyo nauutal pa.
   
    Napatitig tuloy ako sa kaniya. Parang ibang Felix ulit kasi ang kaharap ko. Hindi na siya ‘yung matigas na Felix noong sinasaktan niya ‘ko.
   
    Pumikit ulit siya at huminga nang malalim. Bumuka ang bibig niya na para bang may balak pang sabihin pero nagsarado ulit at hindi itinuloy.
   
    Inayos ko na lang ang pagkakasukbit ng bag ko at tumayo na.
   
    “Bye—”
   
    “B-Bakit gano’n, Mabs?”
   
    Kumunot ang noo ko nang bigla siyang nagsalita. Dahan-dahan akong bumalik sa pagkakaupo para pakinggan muna siya.
   
    “Ang alin?” tanong ko.
   
    Nanatiling pikit ang mga mata niya at suminghot. “Ang dami nang nangyari, nagbago, at nawala sa ‘tin pero bakit gabi-gabi, naiisip ko pa rin na ano kaya tayo ngayon kung hindi kita niloko?”
   
    Mas kumunot ang noo ko pero nanatiling tikom ang bibig.
   
    “Masaya kaya tayo ngayon kung hindi ako nagpakagago? Magkakaanak na kaya tayo pagkatapos mong maka-survive sa sakit mo?” Dumilat na siya pero hindi pa rin nag-abalang tingnan ako. “Bakit gano’n, Mabs? Hindi na dapat kita iniisip. Hindi dapat ako nasasaktan sa sitwasyon natin. Hindi na dapat ikaw.”
   
    At sa wakas, tiningnan na ako ng malulungkot niyang mata niya. Tipid akong ngumiti at tinapik siya sa balikat. Napatingin siya ro’n.
   
    Tumayo akong muli at umiling sa kaniya.
   
    “Huli na ang lahat para magsisi ka, Felix.”
   
    Mariin niyang itinikom ang labi niya at sunod-sunod na tumango. “A-Alam ko.”
   
    Huminga ako nang malalim at tumango rin. “Malapit na lumabas ang decision sa annulment natin,” dugtong ko na ikinatango niya ulit. “Let’s just forget what happened and live a new life. Be a good father to your child who will surely bring happiness to you while I’m now fixing myself, my heart, and my life…”
   
    “With Vlad,” pagdugtong niya. “I’ll be happy for the both of you. Sana maibigay niya ‘yung higit na pagmamahal na minsan ko nang pinaramdam sa ‘yo pero hindi umabot sa dulo.”
   
    Hindi ako sumagot. Bumuntong-hininga muna ako bago ko siya tinalikuran at nagsimulang maglakad palayo.
   
    Masakit pa rin pala talaga mapagtanto na wala na nga. Wala na kaming pag-asa pa. Na maghihiwalay na talaga kami ng unang lalaking minahal ko.
   
    “M-Mabs!”
   
    Tumigil ako sa paglakad nang tawagin niya ‘ko. Humarap ulit ako sa kaniya para marinig pa ang gusto niyang sabihin.
   
    Nakatayo na siya ngayon habang nakatingin sa akin. Naglakad siya nang kaunti palapit.
   
    “M-Mahal mo pa ba ‘ko?”
   
    Muntik ko na mahilot ang noo ko dahil sa tanong niya. Mapait akong ngumiti at umiling. Nakagat niya ang labi niya at dahan-dahan na lang tumango.
   
    “Sa tingin mo ba talaga, hindi mabubura ang pagmamahal ko sa ‘yo matapos ng mga ginawa mo?”
   
    Nagkatitigan kami saglit. Nang hindi na siya nakasagot, tinalikuran ko siyang muli.
   
    It’s really a goodbye, Felix.
   
    Hindi ko na hinintay pa si Vlad sa mall at umuwi na ‘ko sa townhouse. Sinabihan ko na lang siyang nakauwi na ‘ko para dumiretso siya rito.

   
    Hindi na kami muling nagkita ni Felix hanggang sa may natanggap ako.
   
    “Annulment Certificates!” malakas kong sambit.
   
    Napatayo agad si Vlad at lumapit sa akin. Sabay naming tiningnan ang mga certificate at hindi na talaga nawala ang ngiti sa labi ko.
   
    “You are finally annulled!”
   
    Tumango-tango ako kay Vlad. Ngumiti rin siya nang malapad at bigla akong niyakap nang mahigpit.
   
    Yumakap ako pabalik at sinilip muli ang certificate na nagsasabing hiwalay na kami ni Felix.
   
    “Masaya ka ba talagang hiwalay na nga kayo?” biglang tanong niya kaya kumalas muna ako sa yakapan namin. Seryoso niya ‘kong tiningnan habang salubong ang kilay ko.
   
    “Oo, bakit?”
   
    Umiling siya at hinawakan ang mukha ko habang ang kamay niya ay nakakapit sa bewang ko. “Baka mahal mo pa talaga siya, hindi mo lang kayang bumalik sa kaniya,” mahinang sagot niya at bahagyang sumimangot. “Mahal mo pa ba si Felix, Mabs?”
   
    Mabilis akong umiling at hinawakan din ang mukha niya. “Hindi na. Hindi ko na siya mahal.”
   
    “Sure?” Mukhang hindi pa rin siya naniniwala. “Paano kung someday, ma-realize mong mahal mo pa rin siya? Paano kung—”
   
    “Shh!” Tinakpan ko ng daliri ko ang labi niya na ikinatikom nito. “Hindi na nga, okay?”
   
    Hindi pa rin siya ngumingiti. Pinisil niya lang ang bewang ko na muntik ko pang ikapitlag.
   
    “E, ako? Mahal mo na ba ‘ko?”
   
    Bibig ko naman ang kusang tumikom dahil sa tanong niya. Hindi ako bumitiw sa titigan namin pero hindi talaga ako nakasagot.
   
    Naramdaman ko na lang ang dahan-dahang pagluwag ng kapit niya sa bewang ko at ang pagbaba ng kamay niya mula sa pagkakahawak sa mukha ko.
   
    Bumaba ang tingin niya at dahan-dahang tumango.
   
    Bumilis ang tibok ng puso ko nang tuluyan niya na ‘kong binitiwan pero hindi siya lumayo.
   
    “Vlad…”
   
    “Kung hindi pa, ayos lang naman,” mabilis niyang sabi pero hindi niya talaga maitatago ang nararamdaman niya dahil medyo nabasag ang boses niya ro’n.
   
    “Vlad—”
   
    “May pag-asa ba ‘ko, Mabs?”  panibagong tanong niya. “Bigyan mo lang ako ng pag-asa at kaya kong maghintay sa ‘yo kahit gaano pa katagal.” Kinuha niya ang dalawang kamay ko at pinisil-pisil ‘yon. “Ano, Mabs?”
   
    Tinitigan ko siya.
   
    Sa buhay kong ‘to na puno ng sakit, hinanakit, at paghihirap, hinding hindi nawala sa tabi ko si Vlad.
   
    Noong panahong nag-iisa ako, naghihintay na umuwi si Felix, si Vlad ‘yung nandiyan para samahan ako.
   
    Noong oras na mamamatay na ‘ko, siya ‘yung isang dahilan kung bakit pa ako nabigyan ng pangalawang buhay. Siya rin ang dahilan kung bakit ako nagkaroon ng magandang buhay ngayon.
   
    Kaya… “Oo, Vlad. Meron,” nakangiti kong sagot na naging dahilan ng muling pag-unat ng labi niya para ngumiti.
   
    “T-Talaga?”
   
    Tumango ako. “Oo, pero kaya mo bang maghintay? Natatakot pa rin kasi ako.”
   
    Gusto ko munang siguraduhin na hindi siya magiging kagaya ni Felix.
   
    Agad niya akong niyakap nang mahigpit at hinalikan sa ulo. Napapikit na lang ako dahil sa ginawa niya.
   
    “Naiintindihan ko. Hindi ko hahayaang buuin mo nang mag-isa ang sarili mo, sasamahan kita, tutulungan kita. Nandito lang ako, Mabs. Hindi ako mawawala sa ‘yo.”
   
    Kinagat ko ang labi ko at pinahigpit ang yakapan namin.
   
    Thanks to Felix and Cally. I was easy to break before. I was literally a breakable wife. Now, I learned to be strong, brave, and hard.
   
    Salamat sa kanila dahil natutunan kong mahalin ulit ang sarili ko. Hinding hindi na ako papayag na magpa-api sa pag-ibig. Hinding hindi na ako magpapakatanga pa ulit.
   
    At salamat din kay Vlad dahil hinayaan niya akong mahalin ko muna ang sarili ko bago ibigay sa kaniya ang pagmamahal na hinihiling niya.
   
    I am now finally done being a breakable wife.
   

    THE END

After 9876543210 years, tapos na rin! Thank you so much po sa mga nagbasa, nakatapos, at ‘di nagsawang mag-comment! Grabe, mwamwa ko kayooo.

How’s my story? Feedback oh, beke nemen.

Sana’y abangan n’yo pa ang mga susunod kong stories. Btw, this is the last book of Wife Series.

You are all highly appreciated, my Jevies!

JenyxViolet

Wife Series #3: The Breakable WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon