Chapter 5: Other Woman

8K 186 10
                                    

— Mabs —


   
    Natulog ako sa tabi ni Felix pagkatapos ko siyang malinisan pero nagising akong wala na siya sa tabi ko.
   
    Iniwan na naman niya ako sa apat na sulok ng kuwartong ‘to. Wala naman akong magagawa kun’di batiin na lang ng magandang umaga ang sarili ko kahit hindi naman talaga maganda.
   
    Habang nagluluto ng agahan, hindi ko maiwasang maalala at ma-miss ang dati naming pagsasama kung saan siya ang nauunang gumising at babatiin ako ng “Mas maganda ka pa sa umaga,” nakayakap sa ‘kin tuwing nagluluto ako, nagtatawanan habang kumakain, nagpapaalam tuwing aalis, at uuwi nang maaga para matagal akong makasama.
   
    Pero ngayon… ibang iba na ngayon. Nagbago na ang lahat.
   
    Parang kumurap lang ako tapos nagbago na agad ang asawa ko.
   
    Wala na siya sa tabi ko t’wing umaga, hindi na nga nagpapaalam, hindi ko na siya nakakasabay kumain, wala nang lumalambing sa ‘kin, wala nang Felix na nagmamahal sa ‘kin… pero ako, nandito pa rin ako, nasa bahay lang at siya lagi ang hinihintay, umaasang babalik na siya sa dati at yayakapin ako nang mahigpit, hihingi ng tawad, at sasabihing mahal na mahal niya ako.
   
    Sinubukan kong tawagan si mommy, nanay ni Felix, para itanong kung nasaan si Felix. Sinagot niya naman ang tawag ko.
   
    “Sweetheart, napatawag ka?”
   
    “Mom, alam mo po ba kung nasaan si Felix?” tanong ko.
   
    “A-Ah?” Tumigil siya saglit. “Hindi ko alam, e. Hindi ba nagpaalam sa ‘yo?”
   
    Umiling ako at naubo nang isang beses. “Matagal na po siyang hindi nagpapaalam sa ‘kin.” Yumuko ako. “Iniisip ko nga po na baka may babae na siya pero sana huwag naman…”
   
    “Hindi naman siguro magagawa ng anak ko ‘yon, sweetheart. Don’t worry, I’ll talk to him.” Napangiti na lang ako sa sinabi niya. “Basta sa ngayon, hindi ko talaga alam kung nasaan siya. Hayaan mo, sasabihan kita kapag dumaan siya rito sa bahay.”
   
    “Thank you po.”
   
    Pabuntong-hininga kong tinapos ang tawag. Nakasimangot akong kumain ng almusal habang iniisip kung nasaan siya at ano’ng ginagawa niya.
   
    Iniisip niya rin kaya kung anong ginagawa ko?
   
    Baka hindi na.
   
    Gusto ko siyang tawagan pero siguradong hindi niya lang sasagutin.
   
    Hindi ako lumabas ng bahay. Nilibang ko ang sarili ko sa panonood, paglilinis, at pagb-bake ng cake para kay Felix. First time kong mag-bake.
   
    Ganito pala talaga kapag walang magawa, makakaisip ka ng isang bagay na gusto mong matutunan.
   
    Hindi naman naging masama ang kinalabasan. Bento cake lang ang ginawa ko para maliit lang at sinubukan ko lang din naman kung kaya ko.
   
    Mukhang okay naman ang tinapay pero ang frosting ay parang hindi maayos. Pero sana magustuhan niya pa rin ito. Inilagay ko na sa refrigerator para pagdating niya ay malamig na.
   
    Inayos ko rin ang living room. Naglatag ako ro’n ng kutson, sa tapat ng T.V. Balak kong ayain siyang mag-movie marathon dito, kagaya ng ginagawa namin noon bilang bonding.
   
    Napatayo agad ako nang tumunog ang gate. Lumingon pa ako sa orasan habang naglalakad papunta sa pinto. Mag-a-alas otso na ng gabi.
   
    Nakangiti kong binuksan ang pinto ngunit agad ding natigilan nang bumungad sa harap ko ang mga taong dumating.
   
    Si Felix . . . na may kasamang babae.
   
    Dahan-dahan kong pinasadahan ng tingin ang babae. Maputi siya, payat pero sexy, at kasing tangkad ko lang. Ngunit tuluyang nawala ang ngiti ko matapos makita ang kamay ni Felix na nasa bewang ng babaeng ‘to.
   
    Nagtatanong ang mga matang tiningnan ko ang asawa ko. Malamig niya lang sinalubong ang mga mata ko.
   
    “Hello!” Nalipat ang atensyon ko sa babae nang masigla niya ‘kong binati. “Who is she, babe?”
   
    Napaatras ang isang paa ko dahil sa tinanong niya.
   
    B-Babe?
   
    Anong ibig sabihin nito?
   
    Nagtitigan kami ni Felix. Kumuyom ang kamay ko habang hinihintay ang sagot niya. Hindi siya nagsalita kaya ibinalik ko ang paningin ko sa babaeng kasama niya.
   
    “Ako ang asa—”
   
    “She’s Mabegail, my maid.”
   
    Tila kinurot ang puso ko sa sinabi niya. Naitikom ko ang bibig ko at hindi nagawang umapela dahil ang mga mata niya ay nagbabanta.
   
    “Oh, nice to meet you, Mabegail. I’m Cally, his girlfriend.”
   
    Hindi ko nagawang suklian ang maganda niyang ngiti bagkus ay nanghina ang mga tuhod ko’t napahawak na lamang ako sa gilid ng pinto.
   
    Girlfriend?
   
    “Mabegail, why? Are you okay?” tanong ni Cally at bigla kong natabig ang kamay niya nang hawakan niya ako sa braso. “S-Sorry.” Kumapit siya kay Felix nang may pag-aalala sa mga mata.
   
    “Hayaan mo siya, babe. She’s sick,” nakangising sabi ng asawa ko. “Mauna ka na sa loob. I’ll just talk to her.”
   
    Tumango ang babae at nagsimula na ngang maglakad papasok.
   
    Umiwas ako ng tingin at mahigpit na humawak sa hinahawakan ko. Ginawa ko ang lahat ng kaya ko para hindi ako matumba sa kinatatayuan ko. Ang kaninang luhang pinipigilan ko ay tuluyang tumulo nang kaming dalawa na lang ang naririto.
   
    “B-Bakit may girlfriend ka?” nauutal at mahinang mahina kong tanong habang nakatingin sa malayo.
   
    Hindi niya alam kung gaano pinupunit ang puso ko kanina habang naririnig ang tawagan nila, kung paano niya ako pinakilala bilang maid, at nakikita kung paano niya tingnan ang babaeng ‘yon.
   
    Ang mga tingin na ‘yon… gano’n na gano’n ang tingin niya sa akin noong mahal niya pa ako.
   
    “I love her.”
   
    Napapikit ako nang mariin at yumuko. Napasandal na ako sa gilid para kumuha ng lakas at hindi matumba. Ang sakit kasi sa dibdib, sobra pa sa sobra.
   
    “K-Kailan pa?” tanong ko na lang.
   
    Hindi niya ako sinagot. Tumayo lamang siya sa harap ko pero hindi ko pa rin siya tiningnan.
   
    “Huwag na huwag mong sasabihin sa kaniya ang totoo. Tandaan mo, katulong ka lang dito at susundin mo ang lahat ng iuutos niya sa ‘yo,” sabi niya na ikinakagat labi ko. “Naiintindihan mo ba?”
   
    Bigla akong napatango nang hawakan niya nang mahigpit ang braso ko.
   
    “Good.” At iniwan niya na ‘ko para pumasok na rin sa loob.
   
    Sunod-sunod akong napahinga nang malalim at sinuntok ang dibdib ko nang mahihina. Sobra ang kirot na dinaramdam nito.
   
    He loves her?
   
    Bakit kailangan niyang gawin pa sa ‘kin ‘to? Ito ba talaga ang gusto niya? Ang saktan ako para pumayag akong maghiwalay na kami?
   
    Ano pa bang natitira sa ‘kin para lumaban? Naapakan niya na ako nang buo.
   
    Pinunasan ko ang mga luha ko bago nakayukong sumunod sa loob. Natigilan na naman ako nang nakita ko silang nakahiga sa kamang hinanda ko. Nakabukas na ang T.V. at may pinapanood na silang movie.
   
    “Mabegail! Salamat dito sa hinanda mo, ah. Naiisip ko rin kanina na mag-movie marathon,” ngising sabi ni Cally at yumakap pa sa asawa ko.
   
    Nagsarado na naman ang mga kamay ko habang pinapanood sila. Hindi man lang ako nilingon ni Felix, sa halip ay yumakap din siya sa babae niya at pinagpatuloy nila ang panonood.
   
    Mabigat ang hakbang na naglakad ako papasok sa kitchen. Bago pa man ako makapasok, tinawag na ako ni Cally.
   
    “Mabegail, can I request a snack? Mas masaya manood kung may kinakain.”
   
    Lumingon ako at huminga nang malalim bago tumango sa kaniya. Nginitian niya lang ako.
   
    Napahawak agad ako sa sink pagkapasok ko sa kitchen. Dahan-dahan akong napaupo sa sahig at pinigilan ang sariling humagulgol.
   
    Kami dapat ‘yon! Kami dapat ng asawa ko ang nanonood ro’n ngayon.
   
    Hinanda ko ‘yon para sa aming dalawa pero bakit…
   
    Ang pinakakinatatakot kong hinala ay totoo pala. Totoo palang may babae na siya.
   
    Tumayo ako at dahan-dahang naglakad papunta sa gilid ng pinto ng kitchen. Sinilip ko sila at nakitang mahigpit ang yakap nila sa isa’t isa.
   
    Nakita ko mismo ang pagtawa ng asawa ko. Ngayon ko lang ulit nakita ang mga ngiti niya at dahil ‘yon kay Cally. Si Cally na ang nagpapangiti sa kaniya ngayon.
   
    Masaya na siya sa piling ng iba, hindi na sa akin.
   
    Ako dapat ‘yon pero anong magagawa ko? Gusto ko silang sugurin at saktan nang paulit-ulit dahil sa panloloko nila pero hindi ko magawa!
   
    Dahil alam kong makakasama lang sa ‘kin kapag ginawa ko ‘yon. Siguradong kayang gawin ni Felix ang banta niya at baka atakihin pa ako kapag sinugod ko sila.
   
    Tinatagan ko ang loob ko’t sinunod na lamang ang inuutos ni Cally. Kinuha ko ang bento cake na ginawa ko. Ginawa ko ‘to para lang kay Felix pero sige, pagsaluhan na nila ng kabit niya.
   
    Ayokong sirain ang sayang nakikita ko sa asawa ko.
   
    Hinanda ko na ang cake, kumuha ako ng dalawang platito at tinidor para sa kanila. Naghilamos muna ako at pinunasan agad ang mukha ko para hindi mahalatang umiyak ako.
   
    Lumabas na ‘ko at naabutan pa silang nagtatawanan dahil nakakatawa pala ang pinapanood nila.
   
    “Buong palabas yata ay tawa ka nang tawa, babe,” nakangiting sabi ni Felix habang tinititigan si Cally. Kahit ang mga mata niya ay nakangiti rin.
   
    “Nakakatawa kaya! Ikaw nga rin tumatawa, e,” ganti naman ni Cally at humagikgik pa.
   
    Hindi pa yata nila ako napapansin kaya nagdahan-dahan muna ako.
   
    Gusto ko lang yata saktan ang sarili ko.
   
    “Why don’t we try other genre?” Felix suggested.
   
    “Sige, basta huwag horror, ah? Alam mong mapapanaginipan ko lang ‘yan mamaya.”
   
    Natawa ang asawa ko at hinawakan sa pisngi si Cally. “Don’t worry, nasa tabi mo naman ako mamaya pagtulog natin.”
   
    Panibagong karayom na naman ang tumusok sa puso ko. Tipid na lang akong napangiti dahil nakikita ko siyang masaya.
   
    Nakakatuwa mang makitang masaya na ulit ang asawa ko, nagdurusa naman ang puso ko dahil kakambal ng kasiyahan niya ang sakit na nararamdaman ko.
   
    Tumikhim ako at tuluyang lumapit. Pareho silang napalingon sa ‘kin.
   
    “May hinanda akong cake kanina para sa inyo.” Pilit akong ngumiti.
   
    Mabilis namang umupo si Cally, sumunod si Felix. Inilapag ko sa harap nila ang mga dala ko.
   
    “Wow! Mukhang masarap, Maby,” nakangiting puri ni Cally.
   
    Maby?
   
    Binigyan pa talaga ako ng nickname.
   
    “Hindi ko alam, e. First try ko ‘yan,” sagot ko na lang at tumingin kay Felix na nakatitig pala sa cake na ginawa ko. “K-Kung hindi masarap at ‘di n’yo nagustuhan, sabihin n’yo agad sa ‘kin. Papalitan ko ng ibang pagkain.”
   
    Tumango-tango lang si Cally at kumuha na ng tinidor.
   
    Bakit ba hinahayaan ko ang sarili kong gampanan ang pinalabas ni Felix na maid niya ako?
   
    Napalunok ako at pinigilan ang nagbabadyang luha. Sinundan ko na lamang ng tingin ang kamay ni Felix na kumukuha na rin ng tinidor.
   
    “First try mo ‘to, Maby? Ang sarap agad! Perfect din ang texture,” puri ni Cally at sumubo ulit.
   
    Pilit akong ngumiti.
   
    Hindi niya siguro alam na may asawa na si Felix. Hindi ko alam kung dapat ba akong magalit sa kaniya kung talagang hindi niya alam kasi kung hindi nga, malamang ay parang niloloko na rin siya ng asawa ko.
   
    At mukhang mabait naman siya.
   
    Hinintay kong isubo ni Felix ang slice of cake na kinuha niya. Pinananood ko ang pagnguya niya. Matapos niyon at tumingin siya sa ‘kin.
   
    Mabilis ding siyang nag-iwas ng tingin. Naghiwa ulit siya pero napaatras na lang ako nang itapat niya sa bibig ni Cally ‘yon. Ngumiti ang babae at isinubo ito.
   
    Nakayuko ko silang tinalikuran at naglakad paakyat. Dumiretso ako sa kuwarto at nag-lock ng pinto. Kinuha ko ang mga gamot ko sa ilalim ng kama at inilabas ang mga dapat inumin.
   
    Sunod-sunod kong ininom ang mga gamot nang walang tubig. Hinayaan kong bumagsak ang katawan ko sa kama at niyakap nang mahigpit ang unan.
   
    Lord, akala ko sakit ko lang ang magpapahirap sa akin. Akala ko ito lang ang kailangan kong labanan. Akala ko lang pala iyon dahil ang asawa ko, na siyang dahilan kung bakit pa ako lumalaban, ay sinasaktan lang din ako. Bumubuo ako ng pag-asa para sa kaniya pero unti-unti nang gumuguho ang pag-asang ‘yon. Siguro nga… siguro nga dapat na akong mamatay.
   
    Halos kalahating oras akong nasa kuwarto lang nang may narinig akong mga yapak ng paa sa labas. Mabilis akong nagtungo sa pinto at binuksan ‘yon nang maliit para sumilip.
   
    “B-Babe! Hindi ka ba makapaghintay?”
   
    Natulala ako nang nakita ko si Felix na hinahalik-halikan sa leeg ang babae niya. Ngumisi siya at umiling kay Cally.
   
    “I badly want you, babe.”
   
    Sobrang husky ng boses niya na ako lang noon ang nakakarinig.
   
    Napatakip na lang ako sa bibig ko nang ipasok niya si Cally sa isang guest room namin. Pagkasara ng pinto ay siya namang paglabas ko para pumunta ro’n.
   
    Tumaas ang kamay ko para sana katukin sila pero hindi ko naituloy. Nauwi na lang sa pagsandal ko rito at dumausdos paupo.
   
    “B-Babe… ah!”
   
    “You’re so hot.”
   
    “And this hot body is just for you, I love you.”
   
    “I love you, too.”
   
    Nakagat ko ang labi ko habang pinapakinggan ang naririnig ko mula sa loob. Hanggang sa naging sunod-sunod na ungol ito.
   
    Ang mga mata ko ay parang isang talon, walang tigil sa pag-agos ang luha.
   
    Gaano na ba kalala ang pagkadisgusto niya sa ‘kin at nagawa niya pang dalhin sa sarili naming bahay ang kabit niya? Harap-harapan niyang pinakita sa ‘kin ang paglalampungan nila. Higit sa lahat, walang siyang hiyang nakikipag-sex sa babae niya!
   
    Tumayo ako at bagsak ang balikat na bumalik sa kuwarto namin. Tiningnan ko ang buong kuwarto at pagak na natawa.
   
    Dapat pa ba ‘kong magpasalamat dahil hindi nila rito sa kuwarto namin ginagawa ang kababuyan nila?
   
    Nang tumagal ay tumigil din ako sa pag-iyak. Nakaupo lang ako sa kama, yakap-yakap ang dalawang binti ko, at nakatulala sa labas ng bintana— tinatanong ulit ang Diyos kung anong mabigat na kasalanan ko sa kaniya para mangyari ito sa buhay ko.
   
    Kumilos lang ako no’ng narinig kong bumukas ang pinto sa kabilang kuwarto. Lumabas din agad ako at nakitang si Cally lang iyon, naglalakad na siya pababa.
   
    Naka-bathrobe lang siya.
   
    Sinundan ko siya nang tahimik hanggang sa kusina.
   
    “Nakatulog ba si Fel— Sir Felix?” tanong ko na ikinapitlag niya.
   
    Nakahawak sa dibdib na humarap siya sa ‘kin. “Nakakagulat ka naman!” Natawa siya nang mahina at tumango. “Oo, naunang makatulog. Napagod, alam mo na.”
   
    Napahinga ako nang malalim at pilit na ngumiti. Lumapit naman siya sa ref para kumuha ng tubig.
   
    “Saan at kailan kayo nagkakilala?”
   
    “Nagkakilala kami sa isang party, two months ago,” sagot niya habang naglalabas ng pitcher.
   
    Two months ago?
   
    Gano’n katagal na ‘kong niloloko ng asawa ko?
   
    “Common friend kasi namin ‘yung nagpa-party. Pinagtanggol niya ‘ko ro’n sa nambastos sa akin. Sobrang bait niya habang kausap ko siya.”
   
    Napaupo ako at mahigpit na humawak sa table habang pinapakinggan siya.
   
    “Ang sabi niya, single siya kaya hindi na ako nahiyang makipag-usap sa kaniya.” Ngumiti siya at uminom.
   
    Single, ha.
   
    “Tsaka kapag babae ka, alam mo ‘yon, mapapansin mo kung interesado sa ‘yo ‘yung lalaki kaya in-entertain ko siya kasi interested din ako sa kaniya. Ang guwapo kaya niya tapos mabait pa.” Tumango-tango na lang ako. “He’s an ideal!”
   
    “A-And? After n’yo magkakilala sa party?” sunod na tanong ko.
   
    “Nagkita ulit kami sa isang art exhibit. Kinuha niya na ang number ko and after that encounter, we exchanged text messages.” Ngumiti na naman siya na ikinaiwas ko ng tingin.
   
    How sweet.
   
    “He courted me. After one month, I answered him yes. Magpapakipot pa ba ako, e gusto ko rin siya?”
   
    Pilit akong tumawa nang natawa siya.
   
    Hindi ko akalain na darating ako sa punto ng buhay ko na pinapakinggan ko ngayon ang kuwento kung paano nagsimulang magmahal ng iba ang asawa ko.
   
    Sana hindi ‘to totoo.
   
    “Iwan na kita diyan, Maby. Babalik na ako sa taas,” paalam niya.
   
    Hindi ako sumagot at hinayaan lang siyang umalis. Kahit naiiyak ay walang luhang lumabas mula sa mga mata ko, mukhang napagod na.
   
    Umayos ako ng upo at ipinatong ang ulo ko sa lamesa. Pumikit ako pero naalala ko lang ang mga nakita ko sa kanilang dalawa kanina.
   
    Mabs, kakayanin mo pa ba ang laban na ‘to?
   
    Wala man akong luha, umiiyak naman ang puso ko. Kinagat ko na lang nang mariin ang kamay ko para mailabas ang gigil ko sa nangyayari.
   
    Lord, hinihiling ko lang naman na sana kumapit muna ang asawa ko bago mo ‘ko kunin pero matagal na pala talaga niya ‘kong binitiwan.
   
    Puwede bang hilingin ko na lang ngayon na sana hindi na ako magising bukas?

———

Hay, Cally.

JenyxViolet

Wife Series #3: The Breakable WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon