Chapter 18: Prayer

8.2K 164 10
                                    

— Mabs —
   

    “Walang mahanap na trabaho ngayon ang asawa mo at kabit niya,” balita ni Vlad.
   
    Napaayos ako ng upo. Nandito kasi kami ngayon sa kitchen at pinapanood ko siyang gumawa ng vegetable salad.
   
    “Ha?” parang tangang tanong ko.
   
    Nakangisi niya ‘kong tiningann saglit bago naghalo ng salad. “Two weeks na simula no’ng natanggal sila sa trabaho. Until now ay walang tumatanggap sa kanila sa ibang opening job.”
   
    Kinagat ko ang loob ng pisngi ko at hindi inalis ang pagtingin sa kaniya. Napapansin ko pa rin ang maliit na ngiti sa labi niya.
   
    Tumayo ako at pumunta sa tabi niya. “Ikaw ba ang may kagagawan?” tanong ko na ikinatango niya nang walang pag-aalinlangan. “Paano?”
   
    Seryoso na siyang lumingon sa ‘kin. “That’s how money works.”
   
    Napakurap ako nang itapat niya sa bibig ko ang isang kutsara ng salad. Ngumanga na lang ako para tanggapin ‘yon.
   
    “Okay na ba?” tanong niya at tumango naman ako. “Deserve nilang mawalan ng trabaho. Ngayon, bahala na silang gumawa ng ibang paraan kung paano pa sila mabubuhay. Actually, hindi pa nga enough ‘yon kumpara sa mga ginawa nila sa ‘yo.”
   
    He’s right. Kulang pa ‘yon.
   
    Hinila ni Vlad ang isang upuan at pinaupo ako ro’n. Tumabi siya sa ‘kin at sumandok ulit sa salad.
   
    “Say ah.”
   
    Natawa ako at hinampas siya nang mahina sa pisngi. Ngumiti lang siya at itinapat ulit ang kutsara sa bibig ko.
   
    “Hindi naman ako bata—”
   
    “Shh.”
   
    Bigla na lang niyang sinubo sa bibig ko. Natawa pa siya sa sarili niyang kalokohan. Pabiro ko tuloy siyang sinamaan ng tingin.
   
    Inagaw ko ang kutsara sa kaniya habang nginunguya ko pa ang sinubo niya. Sumandok din ako. Muntik siyang mapaatras nang hawakan ko ang panga niya.
   
    “Say ah!” utos ko at pinanlakihan siya ng mata.
   
    Natatawa pa rin siyang humawak sa kamay kong nakahawak sa panga niya.
   
    Ngumanga siya at isinubo ang binibigay ko.
   
    “Wala ka bang ibang pupuntahan?” tanong ko. “Kanina ka pa nandito, e.”
   
    Kanina pa siyang umaga dumalaw sa ‘kin. Hapon na ngayon at wala kaming ibang ginawa kun’di manood ng movie o kaya paglutuan niya ako.
   
    “Ayaw mo bang nandito ako?” nakasimangot niyang tanong na ikinataas ng kilay ko.
   
    “What if sisantihin mo na lang ‘yung nurse ko tapos ikaw na pumalit? Ikaw pa nga nagpapainom ng gamot sa ‘kin kanina—”
   
    “Okay, sure, why not?”
   
    Pinanliitan ko siya ng mata. Ngumiti lang siya nang malapad at kinurot pa ang pisngi ko.
   
    May nurse kasi ako rito. Siya ang nag-hire niyon. Baka raw kasi may mangyaring hindi maganda sa ‘kin, hindi puwedeng mag-isa lang ako rito. Araw-araw naman akong dinadalaw ni Vlad.
   
    “Since magdo-doctor naman ako, ako na lang kaya muna nurse mo?” wika niya na ikinailing ko.
   
    “Huwag na. Alam kong may iba ka pang pinagkakaabalahan.”
   
    Nagkibit balikat lang siya at sinubuan na naman ako. Inubos namin ang salad pero parang mas marami akong nakain dahil panay ang subo niya sa ‘kin. Kailangan ko raw kasi maggulay.
   
    Kahit ano namang masustansyang pagkain ang kainin ko, wala ring saysay ‘yan dahil nararamdaman kong malapit nang dumating ang araw ko.
   
    “Puwede mo ba ‘kong samahan magsimba?” tanong ko pagkatapos niyang maghugas ng pinagkainan namin.
   
    Tumango agad siya. “Oo naman. What time?”
   
    “Ngayon na. Magbibihis lang ako.”
   
    Pumasok ako sa kuwarto ko para magbihis ng white dress at white converse. Itinali ko ang mahaba kong buhok at humarap sa salamin.
   
    Pinagmasdan ko ang katawan ko. Hindi ko maiwasang mapabuntong-hininga habang nakikita ang malaking pagbabago ko.
   
    Tumataba na pala ako. Dati ay sakto lang ang dress na ‘to sa katawan ko, ngayon ay sumikip na ito.
   
    Weight gain… one of the signs that you are dying from heart failure.
   
    Itinapat ko naman ang kamay ko sa puso ko para pakiramdaman ito. Hindi ito tumitibok nang normal.
   
    Ang totoo niyan ay masakit ang buong katawan ko. Para akong may trangkaso pero ang sabi ng doctor, sintomas talaga ito ng sakit ko at araw-araw ko ‘tong mararamdaman dahil malala na ako.
   
    Medicines and treatment can help me live with these symptoms but my heart’s condition is chronic and the only cure or option is surgery, a heart transplant.
   
    Kahit mawala pa ang sakit ng katawan na nararamdaman ko, walang magbabago sa kondisyon ng puso ko. Nararamdaman kong bumibigay na ‘to.
   
    Natatakot pa akong mamatay kahit tanggap ko na ito. Natatakot ako kasi wala si Felix sa tabi ko na siyang tangi kong lakas. Tanggap ko na ring wala na kaming pag-asa pero nasasaktan pa rin ako.
   
    “Mabs, are you done?”
   
    Pinunasan ko agad ang pisngi kong may luha nang kumatok si Vlad. Kinuha ko ang bag ko at mabagal na naglakad papuntang pinto. Nahihirapan na kasi akong kumilos at lumakad dahil masakit ang katawan ko.
   
    Sinalubong ako ni Vlad at hinawakan sa kamay. Sumunod lang ako sa kaniya hanggang labas. Inalalayan niya akong sumakay sa sasakyan niya. Siya pa ang nag-seatbelt sa akin. Umiwas tuloy ako dahil sobrang lapit ng mukha niya at nararamdaman ko pa ang pagtama ng hininga niya sa balat ko.
   
    “Mabs, nami-miss mo ba ang asawa mo?” tanong niya bigla sa gitna ng byahe.
   
    Kunot noo akong lumingon sa kaniya. Bumuntong-hininga ako at mahinang tumango.
   
    “Oo, nami-miss ko nga siya. Normal lang naman ‘yon dahil asawa at mahal ko pa rin siya.” Natahimik siya. “Pero ayoko nang makita pa ulit siya. Sobra na ‘kong naging tanga. Sa kagustuhan kong makasama siya hanggang dulo, hinayaan ko siyang saktan ako nang saktan dahil akala ko, may pag-asa pa siyang bumalik sa dati kapag pinakita kong tanggap ko pa rin siya kahit ano’ng gawin niya sa ‘kin.”
   
    Napayuko ako at pinisil ang sariling kamay. Akala ko kasi maibabalik ko ang pagmamahal niya sa ‘kin kaya nagpaka-martyr ako. Pero ngayon, ngayon ay galit na galit na ‘ko sa sarili ko dahil sa sobrang pagmamahal na binibigay ko sa kaniya, wala nang natira para sa ‘kin.
   
    “Pero nagkamali ka. Hindi siya bumalik sa dati. Pinili niya ang babae niya,” dugtong ni Vlad na ikinatango-tango ko.
   
    “Kaya hindi na lang sakit ang nararamdaman ko ngayon, may kasama nang galit at sama ng loob. Nagagalit ako kasi nakita niya kung gaano ko siya kamahal kaya ang lakas ng loob niyang saktan ako nang saktan.”
   
    Tumulo na naman ang luha ko. Sobrang sakit kasi. Mas masakit pa ‘to sa nalalapit kong kamatayan, e.
   
    “Sobrang bait mo, Mabs. Ngayon lang ako nakakilala ng babaeng katulad mo.”
   
    Tumaas ang kilay ko at lumingon sa kaniya pero nasa daan lang ang tingin niya.
   
    “B-Bakit?”
   
    “Naisip mo kasing maghiganti noon pero tingnan mo naman ngayon, wala ka pa ring ginagawa o humihingi ng ibang tulong sa ‘kin para pahirapan sila. Pinili mong lumayo at manahimik,” sagot niya at saglit akong sinulyapan.
   
    Ngumiti lang ako nang tipid. “Dahil hindi ako ang dapat na gumanti sa kanila. Ayokong mabahiran ako ng malaking kasalanan.”
   
    Dahil kasalanan ang paghihiganti.
   
    Tumingin ako sa kalangitan at doon ngumiti.
   
    Ang Diyos na ang bahala.
   
    Alam kong hindi Niya pababayaang maging masaya ang dalawang ‘yon. Alam kong Siya ang dapat maningil sa mga kasalanan nila.
   
    God said that vengeance only belongs to him. He told us not to take vengeance or grudge.
   
    Inalalayan ulit ako pababa ni Vlad nang nakarating na kami sa simbahan. Hawak niya ako sa bewang at mahigpit ang kapit dito habang papasok na kami sa loob.
   
    Umupo kami sa bandang unahan.
   
    “Kaya mo bang lumuhod?” tanong niya na ikinatango ko. “Sure kang hindi ka masasaktan?”
   
    Masakit ang joints ko pero titiisin ko ito.
   
    “Kaya ko.”
   
    ‘Saka ako lumuhod at tumingin sa altar. Pumikit ako para manalangin.
   
    Lord, nararamdaman ko na. Nararamdaman ko nang malapit Mo na ‘kong kunin. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin talaga naiintindihan kung bakit ganito ang buhay ko. Pasensya na kung kwinestyon Kita noon na para bang sinisisi pa Kita sa nangyayari sa ‘kin. Kung ito talaga ang isinulat Mong kapalaran ko, tinatanggap ko naman. Pakiusap ko lang na sana, sana dumating din ang araw na pagbayaran nilang lahat ang mga ginawa nila sa ‘kin. Sana huwag n’yong hayaang mabuhay nang masaya at tahimik ang mga taong katulad ng asawa ko, ng babae niya, at ang nanay niyang kunsintidor. Lord, Ikaw lang, Ikaw lang ang nakakaalam sa buong nangyayari kaya Ikaw na rin po ang bahala sa magiging katapusan nito. Amen.
   
    Dumilat ako at tumingin sa katabi ko. Napakurap pa ako nang nakita siyang nakatitig lang sa akin.
   
    “Nagdasal ka rin ba?” tanong ko dahil nakaluhod din siya.
   
    “Oo.”
   
    “Ano ang pinagdasal mo?”
   
    “Ikaw,” seryosong sagot niya. “Ipinagdasal ko na sana huwag ka muna Niyang kunin. Sana mabuhay ka pa nang matagal at mahanap ulit ang happiness mo. Hindi mo deserve mamatay nang ganito.”
   
    Ngumiti lang ako at isinandal ang ulo ko sa malaki niyang braso. Tumingin ulit ako sa harap.
   
    “Anong laban ko sa sakit ko?” tanong ko naman.
   
    “Meron kang laban kung may magbibigay sa ‘yo ng puso,” seryosong sagot niya at hinawakan ang isang kamay ko. “Ayoko, Mabs. Hindi ko hahayaang mamatay ka na lang nang gano’n-gano’n.”
   
    Hindi ko pinansin ang sinasabi niya dahil hindi ko rin maintindihan kung bakit niya ‘to sinasabi.
   
    Kampante kasi akong hindi niya ido-donate ang puso niya sa ‘kin dahil may pangarap pa siyang inaabot, ang maging doctor. Ilang taon siyang nag-aral ng kurso niyon tapos iiwan niya na lang bigla? No, malabo. Isa pa, wala pa ngang limang buwan kaming magkakilala.
   
    Lord, pati ang lalaking nasa tabi ko, sana marami pang blessings ang dumating sa kaniya. Sobrang bait niya. Siya lang ang nag-alaga sa ‘kin. Siya lang ang dumamay sa ‘kin sa panahong hirap na hirap at sukong suko na ‘ko sa buhay ko. Pakiramdam ko tuloy ay Ikaw ang nagdala sa kaniya sa buhay ko para kahit papaano ay hindi ko maramdamang nag-iisa ako.
   
    “Tapos na ‘kong magdasal. Tara na?” sambit ko.
   
    Agad naman siyang tumayo at inalalayan din ako sa pagtayo. Hinapit niya ulit ang bewang ko bago kami naglakad sa gitna, palabas.
   
    Nakayuko lang ako at tinitingnan ang paraan ng paglakad ko. Parang ang bigat-bigat kasi ng mga paa ko, ang hirap.
   
    “Mabs…” tawag ni Vlad kasabay ng paghinto niya sa paglakad kaya napahinto rin ako.
   
    “Bakit?” tanong ko at lumingon sa kaniya. Deretso sa harap ang tingin niya kaya napatingin din ako ro’n.
   
    Napakapit ako sa kamay ni Vlad nang nakita ko kung sinong nasa harapan namin.
   
    Si Felix…
   
    “A-Alis na tayo, Vlad.”
   
    Nagsalubong ang kilay ko nang hindi man lang siya kumilos. Tinapik ko siya pero hindi niya man lang ako pinansin.
   
    “May demonyong napadpad sa simbahan. Buti hindi ka nasunog?”
   
    Napakamot ako sa kilay ko dahil sa sinabi niya. Sinalubong ko na lamang ang mga mata ni Felix na sa akin pala nakatitig.
   
    Bumaba ang tingin niya sa kamay ni Vlad na nakapulupot sa bewang ko. Wala akong mabasa sa expression niya dahil blangko ito.
   
    Napigilan ko saglit ang paghinga ko nang nagsimula siyang maglakad palapit. Hinila ako pagilid ni Vlad na ikinatigil ni Felix
   
    Nginisihan niya si Vlad bago siya nagpatuloy sa paglalakad palagpas sa amin.
   
    Nakahinga ako nang maluwag doon. Ayoko na kasing makausap siya. Naaalala ko lang ang lahat ng nangyari.
   
    Mahina kong hinila sa damit si Vlad para iparating na gusto ko na talagang umalis. Tumango siya at nagsimula na ring maglakad.
   
    Pinigilan ko ang sarili kong lingunin si Felix. Ilang linggo ko na siyang hindi nakita at buo na rin ang loob kong hindi ko na siya kailangan kahit mamatay pa ‘ko ngayon mismo.
   
    Ayoko nang makita pa siya ulit. Kung noon ay siya ang gusto kong huling makita bago ako pumikit, ngayon ay hinihiling ko na sana hinding hindi na ulit siya magpakita sa ‘kin.
   
    Nasasaktan lang ako kapag nakikita ko siya. Sobra na ang sakit, hindi ko na kaya pa.
   
    “Ang tahimik ng asawa mo, Mabs, isang himala talaga.”

———

Himala talagang hindi nasunog si Felix sa simbahan :))

Wife Series #3: The Breakable WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon