Chapter 8: Short

6.1K 179 16
                                    

— Mabs —

   

    Nagising akong masakit ang ulo at pagod na pagod ang katawan kahit wala naman akong ginawa. Dahan-dahan akong umupo at tumingin sa paligid.
   
    Nasa isang kuwarto ako at ako lang ang tao rito. Mukhang alam ko na rin kung nasaan ako.
   
    I heaved a sigh after I remembered what happened.
   
    Bumukas ang pinto at pumasok si Tita Fella. Tita na lang ang itatawag ko sa kaniya, ang sakit niyang tawaging mommy dahil ang ginagawa niya ay hindi gawain ng isang ina.
   
    Hindi ko naman talaga siya tunay na ina pero siya na kasi ang tumayo kong nanay noon.
   
    “Gising ka na pala.” Hindi ko sinuklian ang pagngiti niya sa ‘kin. “Kumusta ang pakiramdam mo?”
   
    Umiwas ako ng tingin.
   
    Ito, nasasaktan pa rin.
   
    “Okay lang ako,” tipid kong sagot. “Uuwi na ‘ko.”
   
    Bumaba ako mula sa kama at kinuha ang bag kong nasa gilid lang. Natigilan ako nang humarang sa harapan ko si tita.
   
    “Mabs, anak, bakit hindi mo sinabing may sakit ka?” nag-aalalang tanong niya.
   
    Shit.
   
    Napamura ako nang paulit-ulit sa isip ko dahil nalaman niya pa lang may sakit ako. Tumikhim ako at nilagpasan siya.
   
    “A-Ano ba’ng sinasabi mo?” maang kong tanong.
   
    “Tumawag ako ng private doctor kanina dahil umubo ka ng dugo…” Lumapit na naman siya at pumunta sa harapan ko. “Mabs, may sakit ka—”
   
    “At hindi mo ‘to sasabihin kay Felix,” agad kong sabi na ikinakunot ng noo niya. “Please, huwag mong sasabihin sa kaniya.”
   
    “Pero…”
   
    Umiling ako. “Gusto ko siyang bunalik sa ‘kin, gusto kong mahalin niya ulit ako, gusto kong mag-stay pa siya sa ‘kin pero ayokong mangyari lahat ng ‘yon dahil lang sa awa kapag nalaman niyang may sakit ako.” Napayuko ako at kinagat ang labi ko.
   
    Ayokong kaawaan nila ako.
   
    “Mabs, kailangan niya  pa ring malaman ito,” mahina niyang sagot.
   
    Napabuga ako ng hangin. “Hindi mo ba ako naiintindihan?” asik ko. “Please lang, kahit ito na lang ang gawin mo para sa ‘kin.”
   
    Nagkatitigan kami nang ilang segundo bago siya tumango nang dahan-dahan. Pilit akong ngumiti at nilagpasan na siya.
   
    Tumigil din ako para magtanong pa. “Alam mo na po ba kung nasaan si Felix?” tanong ko nang hindi siya nililingon.
   
    “Tinawagan ko siya kanina at sinabing nandito ka.”
   
    Pero hindi pa rin siya pumunta…
   
    Naintindihan ko agad kaya iniwan ko na agad siya ro’n para makalabas na sa bahay na ‘to.
   
    Masama pa rin ang pakiramdam ko pero pinili ko pa ring pumunta sa sementeryo kung saan nakalibing ang mga magulang ko.
   
    Nilanghap ko nang nakapikit ang sariwang hangin pagkarating ko rito. Bumili muna ako ng bulaklak at kandila sa mga nagtitinda malapit dito bago ko pinuntahan ang puntod nila.
   
    Magkatabi lang ang puntod nila. Ilang araw lang kasi pagkatapos mamatay ni mama ay namatay na rin si papa kaya wala pang nakakakuha noon sa lupang katabi ni mama.
   
    Inilapag ko ang bulaklak at sinindihan ang mga kandila. Nakangiti kong hinimas ang mga lapida nila at tinanggal ang mga tuyong dahon.
   
    “Malapit ko na rin kayong makasama,” sambit ko. “Miss na miss ko na po kayo.”
   
    Sunod-sunod akong huminga nang malalim at tumingin sa paligid nito.
   
    May mga puntod na sa tabi ng puntod ng magulang ko.
   
    “Gusto ko sana katabi ko kayo rito kaso wala nang space, e.” Natawa ako nang mahina pero nagsimula nang mangilid ang mga luha ko.
   
    Tumingala ako sa langit.
   
    Silang dalawa ang takbuhan ko noon kapag may problema, nasasaktan, at nahihirapan ako. Noong nawala sila, sina Tita Fella at Felix ang pumalit pero…
   
    “Pero sino nang tatakbuhan ko ngayon kung sila na mismo ang nananakit sa ‘kin?”
   
    Mariin kong sinarado ang mga kamay ko at yumuko. Pumikit ako nang mariin habang umiiyak.
   
    “Alam kong may Diyos pa, alam kong malalapitan kita sa anumang oras pero kailangan ko rin ng taong makikinig, magpapagaan sa loob ko, at mamahalin ako rito, ‘di ba?”
   
    Wala na kasi, e.
   
    Nandiyan lang sila, ang lapit-lapit ko lang sa kanila pero parang napakalayo na ng loob nila sa ‘kin.
   
    Dahan-dahan akong humiga sa damo. Hindi naman madumi kaya ipinatong ko na lang ang ulo ko sa kamay ko.
   
    Pagod na pagod na 'ko, ‘ma, ‘pa…
   
    Halos kalahating oras din akong nandoon, naglalabas ng sama ng loob sa kanila at nagdadasal sa Diyos na sana matapos na lahat ng ito.
   
    At sana mapatawad niya rin ang mga kasalanan nila.
   
    Pagkatapos sa sementeryo, dumiretso ako sa hospital para magpa-check-up sa doctor ko.
   
    Hindi kasi ako nakapagpa-check-up no’ng nakaraang buwan. Kailangan ko na ring malaman kung gaano na ba kalala ang sakit ko.
   
    “Mabs, buti naman at dumaan ka na rito,” sabi ni Dra. Mejia. Ngumiti lang ako at umupo. “You look so pale.”
   
    “And I feel fatigue,” dugtong ko.
   
    “Yes, ramdam ko nga sa voice mo ang panghihina.” Dumaan na naman ang pag-aalala sa mukha niya. “Let’s start your check-up.”
   
    Sinimulan niyang magtanong-tanong sa ‘kin kung naiinom ko ba lahat ng gamot ko, umoo ako. Tinanong niya pa kung ano raw nararamdaman ko araw-araw. Inamin kong halos araw-araw ay sumasakit ang puso ko, umuubo pa rin ako ng dugo, at madalas kapusin ng hininga.
   
    Hanggang sa natapos ang pagtatanong at pag-che-check niya sa katawan ko.
   
    “Mabs, this is so sad to say but…”
   
    Tumaas ang kilay ko nang natigilan siya. “But what?”
   
    Bumuntong-hininga siya. “Hindi na magtatagal pa ang puso mo.”
   
    Tinitigan ko lang siya bago dahan-dahang tumango at ngumiti.
   
    Hindi na ako nagulat dahil ramdam ko na rin naman.
   
    Tama si mama, mararamdaman mo kung malapit nang bumigay ang puso mo. Sa kaniya kasi galing ang sakit na ‘to, namana ko sa kaniya at ayun ang dahilan ng pagkamatay niya.
   
    Hindi naman talaga dapat siya mamamatay kung itinuloy ni Tita Fella ang pangako niya.
   
    “Mabs, you’re crying.”
   
    Napakurap ako at pinunasan ang pisngi ko. Umiiyak nga talaga ako.
   
    “Kung gusto mo pang mabuhay, kailangan mo na ng heart donor,” mahinang sabi niya na ikinailing ko naman.
   
    “Hindi na kailangan.” Pilit akong ngumiti at tumayo na. “Salamat, doc. Uuwi na ‘ko.”
   
    Tumango lang siya at wala nang sinabi.
   
    Hindi ko kailangan ng heart donor or ng heart transplant. Ayokong may isang buhay na mawawala para lang mabuhay ako.
   
    Mas gugustuhin ko pang mamatay dahil para saan pa ang mabuhay kung puro sakit lang ang mararanasan ko?
   
    Umuwi ako sa bahay nang bagsak ang balikat at mabagal ang paglakad.
   
    Natigilan pa ako pagpasok ko dahil hindi ko inasahan si Felix na prenteng nakaupo ro’n sa couch. Napalingon siya sa ‘kin.
   
    Hinanap ko si Cally sa paligid pero mukhang wala siya.
   
    Huminga ako nang malalim bago itinuloy ang paglakad ko. Ang bilis na naman ng tibok ng puso ko.
   
    Dahil bakit siya umuwi? Bakit siya nandito? Sinabi ba ni tita ang tungkol sa sakit ko? Sana naman hindi…
   
    “Saan ka nanggaling?” tanong niya na hindi ko pinansin at itinuloy lang ang paglalakad. “Kanina ka pa raw nakaalis sa bahay, sabi ni mom. Where have you been?”
   
    Hindi pa rin ako sumagot. Napapikit na lang ako nang hilahin niya ‘ko sa braso.
   
    “I’m fucking asking you!” bulyaw niya habang masama ang tingin sa ‘kin.
   
    Walang gana ko lang sinalubong ang mga mata niya. Dahan-dahan namang nawala ang pagkatalim ng tingin niya.
   
    Inilibot niya ang tingin niya sa buong mukha ko habang napapakunot noo.
   
    “Why do you…” Hindi niya itinuloy ang mahinang tanong niya at bumaba ang tingin sa labi kong siguradong namumutla rin. “Why do you look so pale?”
   
    Dahan-dahan kong tinanggal ang pagkakahawak niya sa ‘kin nang nakatitig pa rin sa kaniya. Napatingin siya sa ginagawa ko.
   
    Lumayo ako nang matagumpay kong nagawa ‘yon.
   
    Tinalikuran ko siya para maglakad ulit.
   
    “Mabs, tinatanong kita kung saan ka pumunta,” ulit na naman niya pero hindi na gano’n kadiin ang boses niya.
   
    Tumigil lang ako saglit. “Noong tinatanong ba kita kung saan ka galing at saan ka pumupunta, sinagot mo ako?” ganti ko.
   
    Hindi siya nakapagsalita kaya itinuloy ko ang pag-akyat sa taas at pumasok sa kuwarto. Nahiga agad ako para magpahinga.
   
    Hindi ako makatulog pero nanatili akong nakahiga dahil pakiramdam ko’y pagod na pagod talaga ako. Tumagilid lang ako ng higa at tumingin sa labas ng bintana.
   
    Naalala ko ang pag-uusap namin kanina ni Felix at kung paano siya lumambot nang nakita niya akong namumutla.
   
    Ito na nga ba ang sinasabi ko.
   
    Ayokong manlambot lang siya sa ‘kin dahil sa awa. Gusto ko ‘yung totoo, ‘yung tipong bumalik na siya dati at hindi lang dahil sa awa.
   
    Napapikit ako bigla nang narinig ko ang pagbukas ng pinto.
   
    “Mabs?” tawag ni Felix pero pinili kong magtulog-tulugan.
   
    Mga yapak ng paa niya ang sunod kong narinig. Hindi ko pa rin idinilat ang mga mata ko at ginalingan ang pag-arteng tulog.
   
    “Are you sick?”
   
    Muntik na ‘kong mapasinghap nang hipuin niya ang noo ko. Bumaba pa ang kamay niya sa leeg ko.
   
    Pinigilan ko ang sarili kong magkagat labi nang naramdaman ko ang hininga niyang tumatama na sa mukha ko. Parang ang lapit na niya…
   
    Hinawakan niya ang buhok ko at inayos ito sa pagkakaipit sa tenga ko.
   
    “I’m sorry…”
   
    Napalunok ako sa sinabi niya.
   
    Gusto kong umiyak pero kailangan ko ‘tong pigilan sa ngayon.
   
    Love, hindi mababawi ng sorry mo ang lahat ng sakit na naramdaman ko sa pagmamahal ko sa ‘yo.


Wife Series #3: The Breakable WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon