Chapter 20- Pagka-buhol-buhol

224 5 0
                                    

Nakaupo lang at tila nakatingin sa kawalan si Macario noong binuksan ng pulis ang selda kung saan siya ikinulong.

"Macario Gomez, makakalaya ka na. May nagpiyansa sayo." Wika pa nito kay Macario na parang tumatagos lang ang paningin sa kanya.

Matapos inanunsyo ng pulis ang kanyang kalayaan ay tumayo na rin siya at lumabas ng kanyang selda. Nawala man ang kalasingan ay pabanda-banda at baluktot pa rin ang lakad nito. Noong makalabas ay nakita niya si Helen na galit na galit na nakaupo sa may desk ng istasyon.

"Ano ba ang pinaggagawa mo sa buhay mo?!" Pagbati pa ni Helen sa asawa.

Hindi kumibo si Macario rito at pasimple lang na na naglakad palabas ng istasyon na parang walang asawa ang sumalubong sa kanya.

"Ano, hindi mo ako kakausapin matapos kitang ipagpiyansa?! Umalis lang ako, kung anu-anong kalokohan na ang pumapasok diyan sa isip mo?!

"Bakit, sino bang nagpaalis sayo noong umpisa pa lang? At isa pa, may matitinong pangyayari pa ba ang dumating sa pamilya natin mula noong mawala si Teresita? Oo, marahil na tama ka. Kung anu-anong kalokohan na ang pumasok sa kokote ko. Pero nasaan ka noong kailangang-kailangan kita, Helen? Noong muntik ko nang pasabugin ang ulo ko dahil hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko, nasaan ka?"


Matapos yun sabihin ni Macario ay natahimik si Helen. At nang hindi siya makatanggap ng sagot mula sa asawa ay nagpatuloy na si Macario sa kanyang paglalakad habang nananatili ang pagkadismaya sa kanyang mukha.

--------------------

"Bakit nandito yung number ni Mr. Gomez? Ano kinalaman niya dito, Sir?" Tanong pa ni Tamayo kay Lim na tulad niyang naguguluhan at walang matinong sagot hinggil sa kanilang natuklasan.

At gaya ng inasahan ay hindi sinagot ni Lim ang katanungan nito. Sa dami niya nang nakalap na impormasyon ay siya mismo, hindi na sigurado kung ano pa ang magiging reaksyon sa mga susunod  pang maibubunyag sa kanila. Sa mga oras na ito ay napapaisip na rin si Lim kung ano ang kinalaman ni Macario sa pagkawala mismo ng kanyang anak. Sa madaling salita ay pumasok na sa kanyang isipan ang pagdududa na baka mismong si Macario na ang siyang sangkot sa naturang insidente.

"Dadalhin natin ang kamay at ang cellphone, at umalis na tayo rito." Ito lamang ang tanging naging sagot ni Lim sa kanyang kasama.

--------------------

"Sigurado ka ba na hindi mo pupuntahan yung Papa mo?" Tanong pa ni Xandra kay Andre.

"Hindi na kailangan. Tutal, nandoon na rin naman si Mama." Sagot pa ni Andre.

"Yung tungkol sa atin. Dapat hindi nila to malalaman, ah? Atin-atin lang 'to."

"Bakit naman?"

"Maid niyo ako." Paglilinaw ni Xandra bago tumayo at umalis sa kwarto ni Andre para magluto ng kanilang hapunan.

Noong sinabi yun ay natigilan si Andre at nag-isip-isip, hanggang sa hindi niya namalayang unti-unti na siyang naiidlip. Si Xandra naman ay abala na sa pagluluto nang hindi magtagal ay narinig niyang may bumusina sa labas ng gate. 

Lumabas siya para tignan kung sino, bago pinagbuksan ang kakauwi pa lang na sina Helen at Macario.

"Gising na, nandito na tayo." Paggigising pa ni Helen sa asawa niyang natutulog sa passenger seat.

--------------------

"Sir, posible kayang nakipag-ugnayan ang mga suspek kay Mr. Gomez para humingi ng ransom—at hindi lang ito sinabi ni Mr. Gomez sa atin?" Tanong pa ni Tamayo kay Lim na mabilis na nagmamaneho noong mga oras na yun.

"Lahat ng naisip nating dahilan ay posibleng totoo. Pero mas mainam na tanungin natin siya nang harap-harapan para malaman natin kung ano nga ba talaga ang totoo." Sagot pa ni Lim.

Taimtim lang na nagmamaneho si Lim sa kadiliman ng Joaquin Robles St. nang bigla niyang maaninag ang isang lalaki na nakatayo sa gitna mismo ng kalsadang kanilang tinatahak. Lumingon ito sa kanila at napag-alaman nilang si Chief Bernales pala ito. Ngumiti ito sa kanila noong tuluyan na itong humarap sa kanilang direksyon.

"Sir, bakit nandito si Chief nang mga ganitong oras?"

"Tangina, hindi ko alam..."

Nang senyasan sila ay lumabas si Lim sa sasakyan para lapitan si ang Hepe na nag-iisa lang na nakatayo roon.

"Mukhang nagmamadali kayo sa pupuntahan niyo, ah." Pagbati pa ni Bernales kay Lim.

"Oo, may kailangan kasi kaming ihabol. Ano po pala ang ginagawa niyo rito, eh ang dilim-dilim na po?" Ani Lim.

"Ah, tumirik kasi yung kotse ko sa kalagitnaan ng byahe at hindi na umaandar magmula noon. Nakakainis nga eh, dahil wrong-timing ang pagtirik nito." Sagot pa ng hepe sa kanya.

"Ganoon po ba? Kung ganoon, tulungan ko na po kayo na i-jumpstart yung sasakyan?" Alok pa niya rito.

"Hindi na, salamat. Paparating na yung asawa ko. Hihilain na lang niya niya ito gamit ang isa pang kotse namin." Giit ni Bernales.

'Di katagalan ay dumating na rin ang asawa ni Chief Bernales dala ang pick-up truck. At ganoon na lang ang pagkagulat ni Lim nang makita ang babaeng nakabunggo niya kani-kanina lang. Markado sa kanyang mukha ang matinding gulat ngunit tulad lang noon ay ganoon pa rin ang ekspresyon sa mukha ng babae.

"Ay, Inspector. Asawa ko nga pala, si Sherry. Sherry, si Senior Inspector Allan Lim. Yung sinasabi kong imbestigador na galing pa ng Padrino." Pagpapakilala sa kanilang dalawa ni Chief Bernales.

"Tumango si Sherry kay Lim at bahagyang ngumiti—hudyak sa pagkilala sa kanya, sa kabila ng naging maikling interaksyon nila noong umaga. Ginantihan ito ni Lim ngunit hindi pa rin umaalis ang pagtataka mula sa kanyang mga mata.

"Naikabit mo na ba, Darwin?" Tanong pa nito sa asawa habang hindi inaalis ang paningin kay Lim.

"Oo." Sagot nito mula sa likuran.

"Sige, Allan. Una na kami. Mag-iingat kayo." Pagpapaalam pa nito sa kanya.

Nakatayo lamang si Lim noon at nakatulala. Ni hindi niya na nga napansin ang pagkaway sa kanya ni Chief Bernales bago umalis ang mga ito. Talagang gumagapang na sa kanya ang napakamaraming mga katanungan, mula sa chop-chop na bangkay na nahanap kanina, hanggang sa gustong iparating ng asawa ni Chief Bernales. Halos maduwal na siya sa mga oras na ito dahil sa matinding pagkalito-lito sa lahat ng kaganapan nitong araw.

Lumipas pa ang ilang segundo ay nagawa na ni Lim ang gumalaw sa kanyang kinatatayuan. Naglakad siya patungo sa naghihintay na sasakyan ni Tamayo at pumasok sa loob nito.

"Sir, okay lang po ba kayo? Bat parang bigla po kayong nawala sa sarili?" Tanong pa ni Tamayo sa kanya na may bahid ng pag-aalala.

"Wa--wala, Zachary. Ayos lang ako." Tanging naging sagot niya rito, bago niyang inandar ang sasakyan saka nagmaneho paalis ng Joaquin Robles road.

Ang Pagkawala Ni Teresita GomezTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon