EPILOGO

7K 345 60
                                    

"Grabe, may mga nagpakamatay na naman!"

Napapailing si Anna sa napapanood nito sa T.V. kasama ng iba pang mga preso sa kureksyonal.

"Mabuti nga sa inyo." Sabi nito sa kanyang isipan. "Pakamatay na kayong lahat!" Kahit hindi naman nito alam ang puno't dulo ng mga balita.

"De la Cerna!" Biglang pagtawag ng warden sa kanya. Napalingon naman ito rito. "may bisita ka!"

"Bisita?" Pagsabat ng isa sa mga babaeng preso. "Gabi na ah. Bakit 'yung mga bisita namin may curf--?!" Napatulala ang preso nang makita n'yang nakatitig nang pailalim sa kanya si Anna. Nakangisi ito sa kakilakilabot na paraan sa kanya. Namilog ang mga mata nito sa sindak nang masilip nito ang siluweto ng isang babaeng nakapangkasal na bahagyang nakakubli sa likod nito. Nagkagulo naman ang mga preso nang bigla itong nagkikisay, tirik na tirik ang mga mata hanggang sa bumagsak ito sa sahig; bumubula ang bibig.

***

"Kumusta ka na?" Paunang bati ng bisita ni Anna. Magkaharap ang dalawa sa magkabilang gilid ng parihabang lamesa.

Nakatingin nang matalim si Anna sa mukha ng bisita hanggang sa mapagawi ang paningin n'ya sa mga daliri nitong tumatambol sa lamesa.

"Nagpakasal ka sa kanya?!" Nang magawi ang mga mata ni Anna sa mga sing-sing ng bisita. Bakas sa mukha ni Anna ang pagkadismaya. "Wala sa usapan natin 'yan ah!" Biglang bumilis ang paghinga nito. Nag-uumpisa na rin itong umiyak at maghisterya. "Ang usapan natin, paiibigin mo lang s'ya para madurog mo ito nang pinong-pino dahil sa ginawa n'yang pakansela sa aming kasal!" Nagsimula na itong umiyak. "Ang usapan natin, paghihigantihan din natin ang pamilya n'ya dahil sa atraso ng kanyang mga magulang sa ating mga ina! Ang usapan natin, ipaghihiganti natin ang Mama ko, ang Mama mo at si Janelle?!" Hindi nagsasalita ang kausap nito kaya lalo itong nanggigil sa galit. "Alam kaya n'ya kung sino ka talaga, ha?! Kilala kaya n'ya ang babaeng pinakasalan n'ya?!" Tumayo ito, yumuko, itinuon ang mga kamay sa lamesa upang maitutok nito ang mukha sa kausap. "Paano kaya kung malaman n'ya ang totoo na hindi ka naman inosente? Na kasali ka at alam mo ang puno't dulo ng lahat ng mga nangyari. Kasama kita sa pagpaplano. Alam mo ang lahat! Pero alam mo rin kaya kung ano ang kaya kong gawin para magkasira kayo?! Oo, tama..." tumawa ito na tila nababaliw. "Hindi ka magtatagumpay. Punyeta kang babae ka, wawasakin kita! Pagbabayaran mo ang kataksilan mo sa sarili mong mga kadugo!" Bigla nitong sinampal at hinampas sa balikat ng kausap. "Putang-ina mo! Hayup ka! Traydor ka!" Nag-umpisa na itong magwala. "Paghihiwalayin ko kayo tandaan mo 'yan! Wawasakin ko kayo! Wawasakin ko ang pamilyang inagaw mo sa 'kin!"

Agad namang inawat si Anna ng mga nakabantay na pulis. Inilayo ito ng mga ito sa kalmadong bisita nitong unti-unti na ring tumatayo. Nakahawak ang bisita nito sa bilugang sinapupunan; maingat ito sa bawat pagkilos.

"Naparito lang ako para dalhan ka ng makakain, magagamit at napaglilibangan dito sa kulungan." Iniabot ng bisita nito ang isang basket ba may lamang mga tsokolate, toiletries at dalawang makapal na kopya ng mga babasahin. "Kung gusto mo talagang makaganti sa 'kin...pakabait ka rito. Baka sakaling makakuha ka ng parole." Napakakalmante nito na lalong ikinagalit ni Anna. "Hihintayin kitang makalaya."

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2014, All rights reserved.

"Isusumbong kita kay Mama..." Tila baliw na tumangis ito. "Hindi kita patatahimikin. Hindi ka namin patatahimikin!"

Biglang may lumampas na malamig hangin. Napasulyap ang bisita ni Anna sa siluweto ng multo ni Arabella sa likod ng anak nitong si Anna. Ngunit sa halip na matakot ay ngumisi pa ito... "Wala na si Yaya Azon." Anito. "Natagpuan ang kanyang bangkay sa kanyang altar. May kinulam yata pero nagkamali s'ya ng kinulam. May nakapagsabi sa 'kin na kapag wala namang kasalanan sa nangkulam o nagpakulam sa kinulam, babalik lang sa nagpadala ng kulam ang epekto nito. Delikado kasi talaga 'yang kulam-kulam na 'yan eh. Ewan ko nga ba at napakahilig ng Mama mo at ng ate ko sa ganyan. Hindi ka ba natatakot na matulad sa kanila?"

Bigla na namang humangin. Unti-unti na ring lumilitaw nang patagilid ang multo ni Arabella mula sa likod ni Anna.

"Tsss." Natawa ang bisita ni Anna. "Pakisabi nga sa Mama mo kung gusto n'ya akong sindakin, humanap s'ya ng ibang ghost effect...'yun bang hindi ko pa nakikita sa mga horror movies." Muli na namang humangin kasabay ng paglalaho ni Arabella. Napalingon naman si Anna bagama't nagtataka ito sa tinuran ng kausap.

"Anong pinagsasasabi mo r'yan?!" Singhal nito sa bisita.

"Nakatayo kasi ang multo Mama mo r'yan sa likod mo kanina."

"Ha?!" Napaiktad si Anna, sabay yakap sa sarili sa biglaang pangingilabot. "H'wag mo nga akong pinagloloko! Multo-multo...hindi ako naniniwala sa multo!"

Natawa ang bisita nito dahil bagama't sinasabi nitong hindi ito naniniwala'y bakas dito ang matinding takot.

"Humanda ka kapag nalaman ni Jeff ang lahat! Iiwanan ka rin n'ya!" Biglang buwelo ni Anna.

"Kapag nalaman n'ya ang alin, ate Anna? Na tinraydor ko ang sarili kong kadugo para mailigtas ko s'ya sa kapahamakan?" Nakangiti ito na tila walang iniindang anumang pangamba, "tutal, wala ka namang ginagawa rito sa loob, magsulat ka na lang kaya ng mas magandang script na may mas epektibong plot para mapaghiwalay mo nga kami balang araw. Hindi naman kasi ako naglilihim kay Jeff eh. Alam na n'ya ang ginawa ko. Inamin ko na sa kanya na kasabwat n'yo nga ako no'ng una. Kaya alam na rin n'ya na sa sobrang hot n'ya, hindi na s'ya kinaya ng garter ng panty ko 'teh! Tinanggap naman n'ya ako sa kabila no'n. May ebidensya na nga 'di ba?" Inginuso nito ang bilugang tiyan. "Kung gusto mong gumanti sa 'kin balang araw, ako lang ang gantihan mo. Wag mong idadamay si Jeff dahil ikaw rin naman ang may kasalanan kung bakit hindi kayo nagkatuluyan. Ikaw naman ang nangaliwa 'di ba? Hirap sa 'yo, hindi naman namamana ang pagiging bitter, pilit mong binubuhay ang multo ng pagiging bitter ng nanay mo! Buti pa 'yung nanay ko, nachugi man dahil sa kalandian, nanahimik naman!"

"Nagpapatawa ka pa, hindi ka naman nakakatawa! Wala kang galang sa mga namatay na!"

"Oh eh anong gusto mo manakot ako? Lumingon ka na lang kung gusto mong matakot!"

Napalingon nga si Anna at napalundag sa naka-focus na mukha ng warden sa kanya. Nagkagulatan ang dalawa. Napahalakhak naman ang bisita.

"Hay naku ate Anna, aalis na nga ako."

Patalikod na ang bisita nang bigla na lang umiyak si Anna na tila isang bata...

"Kailan ka babalik? Pa'no pag may kailangan ako?"

"Bibisitahin na lang kita ulit sa katapusan bago ako manganak. May phone card diyan sa basket. Tawagan mo na lang ako kung may gusto kang ipadala. Pero 'wag drugs ha? In love lang ako pero hindi ako adik!"

Humikbi-hikbi si Anna. "I'm sorry, Jasmine. I swear hindi ako ang pumatay sa tatay ni Jeffrey." Bakas sa hitsura nito ang pagsasabi ng totoo. "Suicidal lang ako pero hindi ako mamatay tao!"

Biglang nakadama ng pangingilabot si Jasmine, "K-kung hindi ikaw...e-eh s-sino?"

"S-s'ya..." Sabay turo nito sa bandang likuran ni Jasmine. Napalingon naman ang huli at nakitang nakatayo nga sa likod n'ya ang naagnas nang katawan ni...John.

"Hello girls..." Tila nakabungisngis ito sa likod ng wasak na bunganga at nakalawit na dila. "Na-miss n'yo ba ako?"

Magkasabay na napasigaw sa SINDAK ang magpinsan. Kapwa napaatras, nagkayakapan bago napatakbo sa pag-asang hindi pa ngayong gabi ang kanilang...

[KATAPUSAN]

SindakWhere stories live. Discover now