KABANATA 26

8.1K 421 27
                                    

Dali-dali akong gumapang at nangapa sa dilim, papunta sa direksiyon ni Jasmine. Naririnig ko ang kanyang pag-ubo, na dulot marahil ng pagsakal sa kanya.  Hindi kalauna'y nahagip ko rin naman ang braso nito sa gitna ng kadiliman.

"Jasmine!"

Muling umindap ang ilaw. Naaninag kong sinasakal pa rin si Jasmine ng babaeng naka-traje de boda. Sinubukan kong hawakan ang nakadidiring kamay ng sumasakal dito, pero tumagos lang ang kamay ko. Lumingon ito sa akin.  Purong kulay itim ang mga mata at animo'y naagnas na ang balat nito.  Pero agad din naman itong bumaling pabalik kay Jasmine upang mas higpitan ang pagkakasakal nito rito.

Halos magkulay asul na ang mukha ni Jasmine.  Alam kong kaunting sandali na lang at malalagutan na ito ng hininga.

"Lubayan mo si Jasmine, kung sino ka mang demonyo ka!" Sigaw ko. Sinunggaban ko si Jasmine at niyakap ito.  "Ako na lang patayin mo." Nanginginig ako sa pinaghalo-halong nararamdaman. "Ako na lang ang patayin mo wag lang ang babaeng mahal ko."

Biglang huminto ang pag-indap ng ilaw. Naglaho ring tila isang bula ang babae. Nakahinga na ng maluwag si Jasmine, bagama't umuubo-ubo pa rin ito dahil sa tindi ng pagkakasakal sa kanya.

"Jasmine..."  Bulong ko sa may tenga ni nito. Niyakap ko ito nang buong-buo. Unti-unti na rin namang humupa ang pag-ubo nito.

"Jeff."  Bulong naman n'ya sa akin.

Kumalas ako sa kanya at tinitigan ang kanyang mukha.

"Ok ka lang ba?" Sinapo ko ang mukha nito. 

"J-Jeff."  Nanlalaki ang kaniyang mga mata. Nakatingin ito sa aking bandang likuran. Alam kong may nakikita na naman ito kaya kinabahan na naman ako.

"Ano 'yun?  Anong nakikita mo?"  Bulong ko.

"Jeff isa lang siya kanina. Pero ngayon marami na sila.  Nakatayo silang lahat sa paanan ng kama."  Bulong n'ya. Nanginginig na ito sa takot. "Lahat sila nakaturo sa ilalim ng kama. Isa, dalawa, tatlo...tatlo sila. Isang babaeng mukhang kaidaran ko, at dalawang mga batang babae. 'Tulungan mo kami,' sabi ng isa sa dalawang bata."

"T-tululungang papa'no?" Bulong ko. Nanginginig na rin kahit nakatalikod ako sa kanila.

"S-sa ilalim ng kama, Jeff.  May nakabaon daw sa sahig sa ilalim ng kama."

***

Nag-aalinlangan man, pinagtulungan naming iisod ang kama sa isang tabi para matingnan namin ang sahig sa ilalim noon. Isa kasi itong sinaunang sahig ng pinagtagni-tagning kahoy na mukhang ordinariyo lang naman sa una, hanggang sa matitigan namin itong mabuti at napansing may bahagi ito na tila iba ang kulay. Kulay ito ng mas bagong kahoy kumpara sa kabuuan ng sahig. Tiningnan ko ang pinaghuhugpungan mga pako. Tama.  Hindi nga ito katulad ng kahoy sa mas malaking bahagi ng sahig sa silid.

"Anong gagawin natin?" Ani Jasmin habang pinakikiramdaman ko ang sahig. Kinakatok-katok ko ito.

"Sandali, kukuha lang ako ng mga tools." Tumayo ako at nagtungo sa kusina. Binuksan ko ang isa sa mga kabinet sa ibaba at kinuha ang mga gamit ko.

Agad akong bumalik ng kuwarto. Pinag-aralan ko kung paano ko didistrunkahin ang sahig nang hindi masyadong maglilikha ng ingay.  Hatinggabi na kasi, at ayoko namang magising ang mga nakatira sa kalapit apartment ko, na nangungupa rin sa landlord ko.

SindakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon