KABANATA 22

7.7K 376 35
                                    

I've decided to take my car kahit na ilang bloke lang ang layo ng bahay nina Jasmine. Pero mas minabuti ko nang iparada ito sa isang kalye bago ang kanila, dahil hindi naman kakasya ang sasakyan ko sa eskinitang sinabi sa akin ng matandang katulong.

Napaaga ako ng ilang minuto.  Tulad ng sinabi sa akin ng matanda, umalis nga ang mga amo nito sa oras na binanggit nito.   Nakasalubong ko pa ang pamilyar na tinted na kotseng itim na pumarada sa garahe ng bahay nina Jasmine noon.  Tumagilid ako nang bahagya, para hindi makita ng kung sino man ang nakasakay do'n ang mukha ko.  Mahirap na.  Baka kasi naalala pa nito--o ng mga ito, na ako rin 'yung lalaking nakita nila sa kanilang sa tarangkahan.

Nakakandado pa ang maliit na gate sa likod ng bahay nina Jasmine nang dumating ako.  Wala naman akong ibang choice, kaya tumayo lang ako ro'n at naghintay.  Nanlalamig ang aking mga kamay; hindi ako mapalagay, umaasang tutupad sa usapan ang matandang nagsabi sa akin na pumaro'n ako sa gano'ng oras.

Kalahating oras na akong naroro'n, at kalahating oras na ring nahuhuli sa pinag-usapan namin ang matanda. Ipinukpok ko na ng makailang beses ang aldaba (1) sa bakal na pultahan (2); wala namang sumasagot sa loob--ni walang senyales na may gumagalaw. Kung ano-ano na tuloy ang naiisip ko sa sobrang pagkainip. Kasama na sa iniisip ko, na baka pinaglaruan lang ako ng matandang nakausap ko.  Baka naman, wala talaga itong balak na ipakausap sa akin si Jasmine; na baka, napag-trip-an lang ako nito.  Na baka...

Tumunog na ang bakal na bisagra (3) at tarangka (4); marahang nagbukas na rin ang gate matapos 'yun.

"Pasensya ka na, Jeff."  Sa pagsilip sa akin ng matanda sa siwang, "Mabuti naman at nakapaghintay ka.  Halika na sa loob, magmadali ka."  Sumunod ako.

"Akala ko po hindi n'yo na ako sisiputin."

"Halika, hijo."  Pabulong ang boses nito; lumilinga-linga ito sa paligid at tumitingala rin sa bandang itaas. "Doon tayo sa gilid at baka may makakita sa 'tin dito."  Sumunod ako sa hinintuan nitong sulok.

"Gano'n po ba talaga kahigpit dito?"

Tiningnan ako nito.  Bertikal na ipinatong nito ang kanyang hintuturo sa ibabaw kanyang labi; medyo napalakas daw kasi ang boses ko.

"M-may nangyari kasi."  Bakas sa mukha nito ang pag-aalala.

"A-ano pong ibig n'yong sabihin?"

Muli itong luminga-linga at tumingin sa itaas. "Tapatin mo nga muna ako, hijo.  Ano ba intensiyon mo kay Jasmine? Kaibigan ka lang ba nya o manliligaw?"

Napaisip ako sandali. "K-Kaibigan po."

Napabuntong-hininga ito na tila ninenerbiyos. "Kung gayo'n,  hindi mo pala s'ya matutulungan." Pabulong pa rin ang pagsasalita nito. "Kung gano'n, Jeff.  Mas mabuti pang isulat mo na lang o sabihin sa akin ang gusto mong sabihin kay Jasmine."

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2014, All rights reserved. 

"P-pero bakit po?"

Umiling ito. Mas lalong bumakas ang pag-aalala sa mukha nito. "Mas mabuti pang wag mo nang alamin.  Baka madamay ka pa..."

"Ano po ba ang ipinagkaiba kung kaibigan lang po n'ya ako o manliligaw?"

"Mahirap ipaliwanag."

"Subukan n'yo pong sabihin sa akin, para maintindihan ko."

Muli itong umiling. "Iligtas mo na lang ang sarili mo sa problema, Jeff.  Kung wala ka naman palang ipasasabi kay Jasmine, umuwi ka na lang."  Itinutulak na ako nito papunta sa pinasukan kong gate kanina. "At h'wag ka nang babalik dito."

SindakTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon