Secret of Her Eyes

3.1K 50 8
                                    

Simula

Tumatagaktak ang pawis niya. Hindi lingid sa kaniyang kaalaman na nababasa na ang kanyang suot na bestida na umaabot sa kanyang paa ang haba. Napalalamutian ito ng mga kristal na dyamante na bumagay sa kaniyang maamong mukha at buhok na malaginto ang kulay na hindi lalampas sa kaniyang bewang.

Itinapat niya ang kaniyang kamay sa kaniyang tiyan habang ang isa nama'y nasa tiyan ng babaeng nasa harapan niya at mahimbing na natutulog katabi ang asawa nito.

Puno ng pighati ang kaniyang damdamin. Ayaw man niyang gawin ito ay wala siyang pagpipilian dahil  kinakailangan upang mailigtas ang kaniyang anak. Ang tanging natitira sa kaniya.

Umusal siya ng dasal na kukumpleto sa kaniyang gagawin. Dasal na mula sa nagpupuyos niyang damdamin na magpapalakas sa orasyon.

"Sa ngalan ng kabutihang taglay ng aking kapangyarihan,

Sa kasamaang taglay ng kapangyarihan ng pinakamasamang mangkukulam,

Bigyang katuparan ang aking kahilingan,

Ang aking kahilingang magdudulot ng walang humpay na labanan,

Ilipat ang sanggol na nasa aking sinapupunan

Ang magdudulot ng mga kaguluhan sa babaeng hinirang!"

Nagliwanag ang kamay ng babae sa kaniyang sinapupunan. Namuo dito ang isang bolang gawa sa itim na liwanag. Dahan-dahan niya itong inilapat sa sinapupunan ng babaeng mahimbing na natutulog. Unti-unting lumubog ang bolang itim sa sinapupunan ng babaeng tulog habang napaluhod ang may ginintuang buhok. Naging mabilis ang kaniyang paghinga na wari ba'y kagagaling lamang niya sa pagtakbo.

"Hindi ko nais ito anak. Alam kong maiintindihan mo din ito sa oras na  nalaman mo na ang mga bagay-bagay. Ipagpatawad mo." sambit niya habang walang humpay ang pagtulo ng luha sa kaniyang mukha.

Natigil siya sa pag-iyak ng makaramdam ng kakaiba. Mula sa kaniyang tinitirahang templo na nasa ilalim ng kaniyang kapangyarihan, naramdaman niyang dumating na ang mga inaasahan niya. Pinunasan niya ang kaniyang mga luha at pilit na ginawang bato ang kaniyang puso. Nagmamadali siyang tumayo at tumalikod sa babaeng hinirang. Binalot siya ng puting liwanag. Tinitigan niya muna sa huling sandali ang babae hanggang sa siya ay maglaho.

Sa pagdilat ng kaniyang mata, nasa isa na siyang templong napalalamutian ng mga kumikinang na kristal tulad ng nasa damit niya. Hindi rin lingid sa kaalaman niyang nagbago na ang kulay ng kaniyang mata. Purong puti na ang kulay nito. Bakas ng kapangyarihang taglay niya.

Napahawak siya sa trono na nasa gilid lamang niya upang kumuha ng suporta dahil nadarama niya na ang dulot ng sobra sobrang kapangyarihang inilalabas niya sa mga sandaling ito.

"Ubos na ang lakas ko. Kailangan ng matapos ang walang katuturang bagay na ito."

Mabilis pa rin ang paghinga niya at nararamdaman niyang maaari na siyang sumuka ng dugo. Hindi na kinakaya ng katawan niya ang kapangyarihang ginagamit niya para protektahan ang mundo nila kasabay ng paglabas niya ng maraming kapangyarihan upang maisagawa ng maayos ang paglilipat ng sanggol sa babaeng hinirang. Maraming lakas ang nagamit niya kanina upang maisagawa ito ng maayos at maging nasa ligtas na kalagayan ang sanggol.

Nagbukas ang pintuan sa harapan niya. Inaasahan niya na ang pagdating ng mga ito kaya hindi mababakasan ng kahit anong pagkagulat ang kaniyang mukha. Kahit anong emosyon.

"Huwag na nating patagalin ang pagkikita mo at ng buong angkan mo. Simulan na!"

Mabilis siyang nakalipat ng pwesto dahil na rin sa kaniyang kapangyarihan. Ngunit hindi ito sapat. Alam niyang wala na siyang magagawa kundi patagalin na lamang ang oras bago siya mawala upang makumpleto ang mga ginagawa niyang proteksyon sa iba't-ibang lugar ng Sortisian. Iyon na lamang ang maitutulong niya sa kaniyang mga nasasakupan sakaling umatake ang mga Malum.

"Mahina ata ang Reyna? Anong nangyari sa kapangyarihang ipinagmamalaki ng mga magulang mo? Yan lang ba ang lakas mo?"

"Labanan mo kami! Nakakainsulto ang hindi mo paglaban sa amin. Kung pinamumukha mong wala kaming laban sa'yo kaya ka hindi kumikilos ay nagkakamali ka! Kami ang kikitil sa buhay mo!"

Naramdaman niya ang lubos na pagkaubos ng kapangyarihan at lakas niya. Hindi niya na napansin ang papasugod na mga kalaban kaya wala na siyang nagawa ng itarak ng sabay-sabay ng mga ito ang hawak nilang punyal.

Napaatras siya habang unti unti nagliliwanag ang kaniyang puting mga mata.

"Kung umanib ka lang sa amin Cynthia, hindi mangyayari ang sinapit mo ngayon. Hindi kailanman matatalo ng kabutihan ang kasamaan! Ang makakatalo lang sa masama ay ang mas masama! Hahaha!"

"Babangon ang kabutihan sa pamamagitan ng kasamaan. Kasamaang mas masama pa sa taglay ninyo. Ninyong lahat..." Huling mga salita ni Reyna Cynthia bago naging abo na nagpalito sa mga isip ng mga natira sa kaniyang templo at nakasaksi kung paano siya mamatay.

Secret of Her Eyes (UNDER MAJOR EDITING)Where stories live. Discover now